December 9, 2013

Kinakasal pa rin ang Tikbalang

            Nakatira kami sa bahay-kubo. Maganda ang bahay namin. Malamig ang simoy ng hangin kapag gabi, medyo mainit naman kapag umaga. Dito ako pinalaki ni Nanay at ni Tatay. Marami silang tinuro sa’kin. Batang-bata pa lang ako, marami na akong alam tungkol sa bahay namin. Tinuruan nila akong magtanim ng mga prutas at gulay. Punung-puno ng prutas at gulay ang harapan at likuran ng bahay-kubo namin. Tinuruan din nila akong mag-alaga ng mga hayop. Mayroon kaming mga manok, baka, baboy, itik, pabo at kalabaw. Marunong din ako ng maraming gawaing bahay dahil kina Nanay at Tatay. Simple lang ang buhay ko noon, hanggang sa kinailangan ko na raw pumasok sa eskuwelahan.
         
   Mahilig si Nanay umawit. Naalala kong umaawit siyang parati sa tuwing nakahiga na kami sa pagtulog. Ang kanyang himig na tila sumasabay sa simoy ng maginaw na hangin. Hindi nakababagot, malinamnam sa pandinig, umaakma ang daloy ng kanyang boses sa bawat haplos ng hangit sa aking buhok, sa aking balat. Ang buong katawan ko’y parang binabalot dahan-dahan ng parehong awitin at kalikasan. Paggising sa umaga’y umaawit sa aming munting taniman. “Singkamas, at talong, sigarilyas at mani. Sitaw, bataw, patani,” malinis na boses pang-awit pambungad ni Nanay sa aking mga dinig, sa bawat maaliwalas na sikat ng araw. Awit maging sa paglilinis ng aming tahanan, aawit din sa paglalaba ng aming damit. Aawit dito, aawit doon. Nalalamang masigla madalas ang pakiramdam ng aking ina, na nagpapasigla sa buong tahanan.
          
  Hindi naman magpapahuli si Tatay. Hindi lamang mga kuwento mula sa trabaho ang kanyang iniuuwi maliban sa kanyang kita sa sakahan. Bago ang pampatulog na himig ng aking ina’y may pampaganang mga kuwento ang aking ama. Iba-iba! Lumaki akong nakikinig nang nakararamdam ng sari-saring emosyon. Nakatutuwa, nakatatawa, nakatatakot! Mga kuwentong nakapagpapaliwanag ng mga bagay sa akin, tulad ng kung bakit nasa labas ang buto ng kasoy, o kung bakit may puso rin ang saging. May mga kuwento ring nag-iiwan ng mga pagtataka sa aking isip, nagtuturo sa aking umiwas sa ilang mga lugar, sa madidilim, at paggalang mismo sa kalikasan, mga kuwentong nagbibigay-aral sa akin.
        
    Lumaki akong masigla ang aking isipan tungkol sa kalikasang pumapalibot sa akin. Bawat hayop, halaman, pook, oras, aking napahahalagahan, nabibigyang-pansin, dahil sa aking mga magulang.
...
Isang araw sa aking paglalakad sa labas, naging matinag ang bali-balitang may mga dumating na babaeng nakasuot ng mahahabang damit na iba sa damit ng mga tao sa aming bayan. Ang kanilang mga damit ay mas mapuputi, mas mahahaba, at mas makikinis. Bumaba sila galing sa isang napakalaking barkong T. Bago sila, mayroong mga sundalong dumating ilang buwan lang din ang dumaan. Ang mga sundalong Mapuputi na naman at mas mukhang mababait kaysa sa mga nauna. Wala kasi silang suot sa ulo, wala rin dalang mga baril. Aklat ang kanilang mga dala. Nakatali naman ang kanilang mga buhok na hindi rin itim ang kulay tulad ng sa amin. Kahit na mapuputi ang kanilang mga balat, tulad ng sa mga nauna, alam kong naiiba sila dahil sa ibang-iba ang paraan ng kanilang pagsasalita. Iba ang tono, iba ang mga salita. Bagong mga salita na naman.
           
Kumalat din ang mga kuwentong madaragdagan ang mga eskuwelahan. Gusto na tuloy ni Tatay na papasukin na ako. Binilhan agad ako ni Nanay ng mga papel at lapis na inilagay niya sa isang malaking supot. Dumaan ang mga araw na tinatanong ko ang aking sarili kung ano nga ba ang ginagawa sa loob ng eskuwelahan. Nasasabik ako nang may halong pagtataka. Sa mabilis nga namang pagdaan ng mga araw kaiisip ay nabigla ako sa tanong ng aking nanay.
       
     “Handa ka na ba para bukas, Jose?” usisa sa akin ni Nanay habang abalang-abala sa paghahalo ng toyo at suka sa isang malaking hambawan. Nilagyan niya na rin ng paminta at asin.
        
    Bukas na pala iyon. Lalong tumindi ang sabik at kaba sa aking loob. “Opo, Nay,” sagot ko sa kaniya habang hinihiwa naman ang mga parte ng hilaw na karne ng manok. “Ano pong gagawin ko do’n, Nay? Bakit po ako papapasukin sa eskuwelahan? Paano ko na kayong matutulungan ni Tay araw-araw?”
       
     “Kakayanin naman namin ng Tatay mo, anak. Sabi ng Tatay mo, kailangan mo raw pumasok sa eskuwelahan para kapag nakatapos ka ng pag-aaral... Tapos ko nang timplahin ito. Tapos na ba yang hinihiwa mo?”
         
   “Hindi pa po tapos. Ilalagay ko na lamang ang mga nahiwa na.” Hinagis ko nang mahina ang mga nahiwa ko nang parte ng manok. Hinalo naman nang hinalo ni Nanay ang magiging sarsa sa karne gamit ang kaniyang dalawang kamay. “Ikaw, Nay, nag-aral ka ba nung bata ka?”
     
       Ngumiti si Nanay habang patuloy pa rin sa pagpahid ng ginawang sarsa ng adobo. “Naku, anak, wala kaming pera noon. Napakasuwerte mo nga’t libre ang pag-aaral mo ngayon. Tsaka sino namang maiiwan dito sa ating bahay? Alam mo namang maraming kailangang asikasuhin: ang mga tanim, ang mga alaga natin, pati na rin ang paglilinis ng buong lugar. Hayaan mo na lang kami rito, anak.”
          
  Inihagis ko na ang huling hiwa. Nilagay ko na sa lababo ang mga dapat hugasan. Inilipat na rin ni Nanay ang laman mula sa hambawan pakaldero. Isinalang niya na ito sa baga at tinakpan. “Pagbutihin mo anak, ha? Gusto ng Tatay mo, makapagtapos ka. Galingan mo! Dapat makinig at sumunod ka sa mga sasabihin at ituturo ng iyong mga guro.”
        
    Iniwan na namin ang niluluto. Mas mabilis daw kasing maluto kapag hindi hinihintay. Pumunta na si Nanay sa harapan para diligan ang mga tanim. Kinuha ko na ang walis at basahan nang para maglinis ng kusina.
          
  Dumaan ang kalahating araw, hanggang sa naging oras na lamang, minuto, segundo. Hindi ako makatulog. Ano kayang mangyayari bukas? Madilim na sa labas. Nakahiga pa rin ako. Pagtingala ko sa kisame, sa malabong pagharang ng kulambo sa aking nakikita, inisip ko nang inisip kung anong mangyayari pag nakatapos na ako sa pag-aaral, gaya ng sinasabi ni Nanay. Inisip ko rin ang tawag niya sa akin noong sukatin ko ang bagong bili niyang damit para sa akin. “Estudiyante ka na bukas, Jose.”
         
   “Gising na, Jose!” pagbati sa akin ni Nanay. “Bumangon ka na’t mag-aalmusal ka pa. Kailangan mong dumating nang maaga sa eskuwelahan. Baka may makaligtaan ka pa, naku!” Hinila na niya ang aking kumot at unan. Iminulat ko na ang aking mga mata at nakita ko nang tinatanggal na niya ang kulambo. “Naku, bangon na!”
         
   Matapos kong makapag-almusal at maligo ay bumalik nang muli sa kuwarto. Nakita kong inihahanda na ni Nanay ang aking susuotin pagpasok sa eskuwelahan.
          
  “Naku, gagalingan mo anak, ha?” pagpapaalala sa akin ni Nanay. Siya na ang nagsuot sa akin ng pantaas habang inaabot ko na ang aking pambaba. Habang sinusuot ko na ang aking bagong shorts ay sinusuklayan niya na ang aking buhok. “Huwag kang masyadong magpapapawis, anak, ha? Alam mo namang mahirap ang magkasakit. O, ito na ang baon mo.” Nilagyan niya na ng lampin ang aking likod at iniabot na sa akin ang malaking supot ng mga papel at lapis. “Alam mo na ang papunta, ‘di ba? May kasabay ka ba? Mag-iingat ka pauwi ha?”
        
    “Wala po akong kasabay, Nay. Pero alam ko naman po ang papunta.” Sinuot ko na ang aking mga tsinelas at bumaba na sa harapan ng aming bahay. “Paalam, Nay!” huli kong sambit sa kaniya. Sa aking paglingon ay kumakaway pa rin si Nanay, nakangiti.
         
   “Mag-iingat ka papunta do’n, ha! Paalam, anak!”
         
   Hindi naman kalayuan ang aking nilakad. Dalawampung minuto kong nilakad ang eskuwelahan mula sa amin. May mga nadaanan pa akong sundalong nakikipaglaro sa ibang mga bata. Bakit kaya sila, hindi papunta sa pupuntahan ko? May ilan namang mga babaeng kasing-edad ng mga sundalo na nakatali ang mga buhok. Makikinis ang kanilang mga buhok. Mayroon mga nakasalamin at marami sa kanila ay mayroong dalang mga libro. Papunta rin sila sa direksyon ng eskuwelahan. Maya-maya’y nakarating na ako. Maraming sundalong nakaabang sa gate na kapwa naman nakangiti. May mga babaeng kamukha ng mga nadaanan ko kanina na nag-uusap. Maraming bata ring kaedad ko ang kasabay kong papasok sa loob. Pinapila na kami ng mga sundalo at saka pinapasok sa isang silid.

Marami kaming dinaanang silid bago pa man kami makarating sa amin. Tahimik ang lahat ng aking kasamang bata habang hinihintay namin ang susunod na mangyayari. Medyo madilim, mainit at marumi ang silid kung saan kami pinaupo ng mga sundalo. Mula sa aking upua’y malinaw ang apat na mapuputing dingding na tumatantsa sa bawat sulok ng silid. Matataas at parang nakayuko lamang sa akin apat na kantong nakakabit sa kisame. Nagmamatyag sa aking bawat kilos. Ang mga lamesa’y gawa pa rin sa kahoy katulad ng sa bahay namin. Kinulayan ng pinturang kulay dahon ng kalamansi. Apat din ang sulok, papailalim muling bawat kanto sa mga kamay kong nakapatog. Tila papaloob lahat ang kilos ng bawat makita ko sa silid, papaloob pasentrong tungo sa akin. Maya-maya pa’y may pumasok nang isang babaeng tuwid na tuwid ang lakad.
           
“Good morning, children!” panimula niya sa amin. Tahimik ang lahat. Walang kumikibo. Lahat kami ay nakatingin lamang sa kanya.
          
  “I SAID, GOOD MORNING, CHILDREN!” sabay lagabag sa malapit na lamesa sa harapan. Ibinagsak niya na doon lahat ng kanyang gamit at libro. Halos lahat kami gulat na gulat. Bakit niya kami sinisigawan?
         
   “GOOD MORNING!” muli niyang sigaw. “GOOD. MORNING.”
            
“Gud. Molnin,” kinakabahang paggaya naman sa kanya.
         
   “GOOD. MORNING. MA’AM.” Mayroon nang dagdag. Sinubukan kong gayahin muli.
       
     “Gud. Molnin. Mam,” sabay-sabay namin banggit. Hindi na siya sumisigaw ngunit mukhang galit pa rin siya.

“I will be your teacher for now. But before we start our lesson, let me introduce myself first.” Hindi ko alam kung alam niyang hindi namin siya naiintindihan. Tiningnan ko ang ibang mga bata sa loob ng silid. Mukhang nagtataka rin sila tulad ko kung ano ang sinusulat ng babae sa harap gamit ang puting panulat. Hindi naman ito mukhang lapis. Matapos niyang isulat ang L-I-N-D-A ay muli siyang humarap sa amin. “My name is Teacher Linda. Leen-dduhh,” kaniyang bigkas nang may halong pagpapahaba. “El, ay, en, dee, ey – Linda,” habang iniisa-isa ang bawat simbolong kaniyang isinulat sa harap. “Starting today, we will be learning the English alphabet. We are going to learn these letters,” muli niyang turo sa limang simbolo.
         
   Kinakabahan na ako. Ganito ba dapat sa eskuwelahan? Inilabas ko ang aking papel at lapis. May mga gumaya naman sa akin. Sinubukan kong gayahin ang mga simbolong nakasulat. Hindi ko pa rin maintindihan. Nagsasalita pa rin ang babae sa harapan. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Mukhang nakikinig na ang ibang bata. Nahihiya akong lumabas. Baka kung ano pa ang isipin nila sa akin. O baka pareho kami ng iniisip? Pare-pareho lang naman kami ng pinanggalingan. Susubukan ko na sanang magtanong nang may inilabas ang babae sa harapan.
          
  “Okay, class, I am going to use flash cards first. For the following days, I will teach you how to write letters. Lee-tehrrs,” muli niyang pagpapahaba sa bawat sinasabi. Muli siyang nagsulat. Ginaya kong muli: L E T T E R S. Ibinulong ko sa hangin ang sinabi ng babae sa harapan, “Leehhtehhrss.” Baka lehhtehhrs ang basa rito. Baka tuturuan niya na kaming magbasa.
          
  “This is the letter A. EEY. Come on, children. EEY,” kaniyang ibinanat ang dalawang braso niya nang nakabukas ang isang palad. “EEY!” Nagulat kaming lahat sa kaniyang sigaw. Mukhang galit na galit na siya! “EEEEY! Come on, children!” Nasa kabilang kamay naman niya ang isang larawan ng isang mukhang prutas na hindi ko naman nakikita sa aming bakuran ni sa aming harapan.

“EEY!” gaya ng mga batang kasama ko. Takot na takot na kami. “Ey,” sambit ko sa aking sarili.
         
   “At last!” buntong hininga ng babae. “This is the letter A! It produces the sound ‘A’! Say it again, children! ‘A!’ ‘AAAAHHH!’”, paulit-ulit na namang bigkas nang pasigaw ng babae sa harapan. “’AAAHH’! Like this one on the picture! ‘Apple’! Come on, children! ‘AHHH’! ‘AAAPPUHL’!”
        
    Wala na naman kaming imik. Kumuha ng isang maliit na patpat na kulay itim ang babae mula sa kaniyang lalagyan. “Could you KINDLY PLACE YOUR HANDS ON THE TABLE: LIKE THIS!” Ipinatong niya ang kaniyang dalawang kamay sa isang lamesa ng bata nang nasa ilalim ang palad. Ginaya ito ng bata hanggang sa ginaya na ng kaniyang katabi. Maya-maya’y lahat na kami’y nakapatong na ang lahat ng mga kamay sa lamesa.
         
   “Very good! Now, say, Apple. AHH-PUHL.”
           
Wala pa ring imik. Lumapit ang babae sa isa sa mga bata at hinampas ang kaniyang kamay. “I SAAAID, APPLE!.” Hindi umiyak ang bata ngunit bakas ang taka at takot. “APPLE!”
            
“Ahh-pol,” sagot ng mga kasama ko.
           
“Very good! Again! Apple!”
         
   “A-POL,” isinagot na naming lahat.
         
   Ginaya kong muli ang letter na nakasulat sa hawak ng babae. Baka kasi hampasin niya rin ako kapag hindi ko siya maintindihan. A. Letter A. AHH. Letter A. Paulit-ulit na ring bulong ko sa aking sarili. ‘AHH’ ang basa rito. Parang sa ‘aso’. Parang sa ‘atis’. Parang sa ‘ayaw’. Parang ayaw ko na. Natatakot na ako. Hindi ko na naman maintindihan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Sumunod na ang ibang mga letter. At lalo akong nagtaka sa bawat larawang ipinakita niya. May ilang mga larawan tulad ng talong, mangga, pusa at aso ang aking nakilala. Halos lahat ng mga ipinakitang larawan, hindi ko pa nakikita doon sa aming lugar. May mga kakaibang prutas. Hindi ko rin masabi kung ito ba ay gulay o prutas. May mga hayop ding hindi ko alam kung totoo. Marami ring bagong tunog ng salita ang aking napakinggan. Iba kaya ang lugar namin sa lugar nila? Maraming bagong bagay. Maraming ibang bagay. Ibang-iba sila sa amin.
          
  Matapos ni Titser Linda, pumalit na ang kaparehong-kapareho niya ng damit. “Old McDonald had a farm. E-I-E-I-O!” nakangiting umaawit na pambungad niya sa amin. Umaawit din ang isang ‘to, sabi ko sa aking sarili. Sa kanilang mga salita, mayroon silang mga awitin.

“Again! Old McDonald,” muli niyang awit.

“Ol makdonal,”

“Had a farm,”

“Hadapar,”

“E-I-E-I-O!” nakangiti pa rin.

“Iya-iya-yo!” ngiting awit-pabalik namin bilang sagot.

Nakahinga kami nang maluwag-luwag sa kanya. Mas gusto ko siya kaysa sa nauna. Pabalik-balik din ang mga awitin sa akin ni Nanay  kahit na alam kong ibang-iba ang himig ng babae sa harapan. Paulit-ulit at mas madaling masundan. Kaya ko lamang alalahanin ang malambing na boses ni Nanay ngunit nahihirapan akong gayahin siya. Sa panibagong babae sa aming harapan, tila mas nadadalian ko ang pag-ulit at pagsunod sa kanya.
        
    Sumunod na ang iba pang mga katulad ng babae na maputi at tuwid ang mga pananamit. Mukang hindi rin nagagalaw o nadudumihan ang kanilang mga suot. Ganito rin sa mga buhok nila. Iba-iba ang kanilang mga sinusulat sa harapan gamit ang puting panulat ngunit wala akong maintindihan sa kanila. Alam kong pare-pareho ang kanilang mga ginagamit na salita kahit na iba-iba ang kanilang mga boses. May mga naglabas ng malalaking larawan. Mayroong mga nagdala ng iba’t ibang kagamitang hindi ko naman nakikita sa amin.
           
Naglakad akong pauwi nang umaawit. Nakangiti akong sinalubong ng aking mga magulang, “O, mukhang naging masaya ang araw mo ngayon a.”
      
      “Opo. Kaya nga lang, may ilang mga titser ang hindi ko nagustuhan.”
          
  “Bakit naman, Jose?” pagtataka ni Tatay.
       
     “Yung isa po kasi, mabilis magalit. Baka kasi iniisip niya, madali lang. E ibang salita ang kanyang ginagamit. Nahihirapan akong unawain siya.”
         
   “Galingan mo na lang bukas, anak!” hikayat sa akin ni Nanay habang nakangiti. “O halika na’t maghapunan na tayo’t maaga kang makapagpahinga para bukas.”

            Sumunod ang panibagong araw. Hindi ko pa rin lubos na maintindihan ang aming mga guro. Kinakabahan na talaga ako’t nasasayang lamang ang aking oras sa mga salitang lumalabas lamang sa aking tenga. Ang tanging naiiwan lamang sa aking pag-uwi sa bahay ay ang himig ng mga awit ni Titser Anne at mga salitang wala sa kasiguraduhan ang pagbigkas.
           
Paglakad kong pauwi sa aming bahay isang hapon, natanaw ko ang aking nanay at tatay sa may harapan. Parang nagtataka sila noong nakita nila ako. “May problema ba, Jose, anak?” Oo nga pala. May problema nga pala ako.
       
     “Wala akong maintindihan, Tay. Wala talaga. Ibang salita ang ginagamit nila e. Gusto ko sanang malaman yung mga bagong hayop at halaman na ipinakita ni Titser Linda kanina kaso, hindi talaga kami magkaintindihan. Tapos, hinahampas pa niya ang mga kamay ng mga batang hindi sumusunod sa kaniya. E hindi naman talaga kami makakasunod agad, hindi nga kasi naman siya maintindihan. Tapos, sunud-sunod pa yung mga pumasok na titser at hindi na letter ang tinuturo sa amin,” paliwanag ng aking nagtataka pa ring mukha. Pagod na pagod na ako noon. Magdamag ba naman kasing nakaupo at ginagaya ang mga sinasabi ni Titser Linda at iba pang mga titser. Sa bawat banat ng ng kanilang mga braso habang tinatakot ng kanilang maliit na patpat na itim. “Ayoko nang pumasok sa eskuwelahan bukas, Tay.”
        
    “Ano ka ba, Jose? Papaano ka na lamang makakatulong sa amin paglaki mo?” galit na sagot sa akin ni Tatay.
            
“Edi tutulong na lang po ako sa mga gawaing bahay,” sagot ko sa kaniya. Iyon lang naman yata ang hinihingi ni Tatay sa akin. “Tsaka tutulong na lang po ako sa pagtratrabaho niyo sa bukid. Iyon po e baka mas madali ko pang maintindihan dahil pareho naman po tayo ng mga salita, ‘di ba?”
        
    “Mabuti pa. Huwag mo nang sayangin ang oras mo riyan sa pagpasok mo sa eskuwelahan. Mas makatutulong ka pa nga talaga sa amin sa bukid at dito sa bahay kaysa sa mga nagtuturo riyan,” tulong na sagot sa akin ni Nanay.
         
   “Aba, Josefina. Baka nakakalimutan mo ang mga gastusin natin? Kailangan natin ng mas malaking kita para lamang makatapos ng ilan pang utang natin sa ibang tao,” kontra naman ni Tatay.
         
   “Kaya nga, Mario. Tumutulong na lang dapat iyang anak mo sa bukid para mas mapabilis ang trabaho, mas mabilis ang kita.”
         
   “Aba’t anong malaking tulong ang isang dagdag na trabahador? Isang batang trabahador? Bata pa si Jose, Josefina. Tatanggapin ba siya?”
         
   “Susubukan kong makipag-usap. Pero kapag pinayagan, o hindi ba’t magandang bagay iyon?”
           
“Papa’no kung mapa’no ‘yan? May pang-ospital ka ba? Tuluy-tuloy ang trabaho namin, ‘di ba? May pambili ka ba ng gamot kapag nagkasakit ‘yan? Masusubaybayan mo ba siya sa bawat galaw niya?”
           
“Oo naman! Anong tingin mo sa’kin? Inaalala ko rin naman ang aking anak. Hindi mo ba narinig na hinahampas sila ng kanilang guro kapag ‘di nakaintindi? Alam ko ang responsibilidad ko sa aking anak.”
        
    “At alam ko rin ang responsibilidad ko kay Jose. Anong pinagkaiba ng parusang iyon kapag tayo naman ang gumawa? Magandang bagay naman iyon para mas mabilis silang matuto! Kaya HINDI! Hindi siya sasama sa akin. Mas maganda kung nakapag-aral siya at makapunta sa ibang bansa. Sa bansa ng mga Amerikanong iyan. Nakita mo ba iyong pananamit nila? Ayaw mo bang makapagtrabaho sa ibang bansa at kumita ng mas malaki ang anak mo? Para sa atin? Para sa pamilya natin?”
       
     Pumunta na ako sa aking silid. Mukhang hindi na naman nila ako nakikita. Mag-aaway na naman sila magdamag. Paghiga ko sa aking kama, iniisip ko naman ang tungkol sa mga Amerikano. Ahh. Iyon pala ang tawag kay Titser Linda. Ibang-iba kasi sila kaya iba sila sa amin. Iba ang tawag kaysa sa amin. At sa ibang lugar sila nakatira na malayo sa amin? Kaya siguro sila nakasakay sa malaking barkong T na iyon. Malayo pa pala ang pinanggalingan ni Titser Linda. Totoo kaya ang sinabi ni Tatay na mas maganda ang buhay doon? Hindi ba maganda ang buhay namin dito? Humiga na lamang ako. Mukhang nakalimutan na nilang hindi pa kami naghahapunan sa tindi na naman ng kanilang pag-aaway. “Tingkel tingkel litel istar...” paulit-ulit ko na lamang na awit.
...
Sumunod na ang mga araw, mga linggo. Pinagpursigihan ko na ang pag-aaral sa Letters na paulit-ulit na itinuturo ni Titser Linda. Nasusundan ko na rin ang mga awit, na nadaragdagan bawat araw na itinuturong masigla ni Titser Anne. Sa bawat bagong letter na itinuturo sa amin, bagong salita ang aking natututunan. Patuloy lamang na nakapagtatakang hindi ko pa rin nakikita ang mga bagay na ito sa aming bakuran, ni sa aming lugar.
          
  May mga larawan nang ipinapakita sa amin si Titser Linda na may iba’t ibang mga bagay, maraming mga bagay. Hindi katulad nung mga naunang larawang tig-iisa lamang bawat salita. Nag-iiba-iba na ang kanyang boses, tila siya’y nagkukuwento. Mayroon siyang larawan ng isang unggoy, at isang pagong. Mga hayop sa larawan na mayroong malalaking mata at bumubuka ang mga bibig! Nagsimula ang kuwento nang nag-uusap ang dalawa, sa galing ng pag-iiba ng boses ni Titser Linda, ako’y naengganyo na rin sa pagdinig at sinubukang umunawa. Itinuro ng dalawang hayop ang kani-kanilang bahay.
         
   “Teka... Naikuwento na ito sa akin ni Tatay!” bulong ko sa aking sarili. “Mananalo ang pagong dito panigurado!”
         
   Natapos ang pagkukuwento ni Titser Linda nang umaayon sa aking mga hula.
         
   Sumunod ang mga araw na inaabangan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda.
         
   “Okay, kids, today, we are going to read about Jack and the Beanstalk.”
       
     Nagsimula sa unang larawang may batang lalaking nabentahan ng butong pananim ng isang lalaking nakatago ang mukha. Hanggang sa pag-uwi ng batang lalaki’y siya’y nadapa at nahulog sa basang lupa ang mga buto. Kinabukasa’y nagkaroon ng napakalaking punong malalaki ang dahon at mahahaba ang tangkay na lumalampas sa langit!
           
“Nandoon kaya si Hesus?” bulong ko sa aking sarili habang ipinagpapatuloy ang kuwento.
          
  Umakyat na ang batang lalaki sa napakatayog na puno at lumampas na sa kaulapan. Wala si Hesus ngunit may isang napakalaking tao at isang bibeng nangingitlog ng gintong itlog! Natapos ang kuwento sa pagsira ng batang lalaki sa malaking puno at pagkamatay ng malaking tao sa tindi ng kanyang pagbagsak mula sa mga ulap.
        
    Bagong araw, bagong mga kuwento. Nakahiligan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda. Unti-unti ko na ring naaalala ang mga simpleng letter at salita na kanyang itinuturo. Ang pagbati sa araw-araw ay memoryado ko na, memoryado na naming lahat. Naengganyo na nang naengganyo ang aking isipan sa pakikinig sa mga guro. Marami na silang itinuturo sa amin, hindi na lamang mga salita at awitin. Mga aralin tungkol sa araw, sa mga bituin, sa buwan, sa mga halaman, maging sa mga hayop at sariling katawan. Bagong araw, bagong aralin, bagong isipan. Nagbabago nang muli ang aking pagtingin sa aking paligid. Panibagong mga lenteng nasusuot sa aking mga mata sa bawat buwan at taon na aking nakatatagpo ang mga guro sa eskuwelahan.
...
            “Bata ka! Sinabi nang huwag tapakan ang nuno sa punso! Naku!” sigaw sa akin ni Nanay sa aking pagdaang pauwi sa aming kubo.
          
  “Nanay, mga langgam po ang nakatira riyan. Naiipon ang mga lupang kanilang dinadala para sa kanilang sariling bahay,” nakangiting pagpapaliwanag ko naman sa kanya.
         
   “Naku! Iyan ba ang natututunan mo sa Titser Linda mo na ‘yan?! Umalis ka riyan! Huwag na huwag mong tatapakan ‘yan! Hindi mo ba nabalitaan yung kaklase mong si Opet? Ayun! Nilalagnat at masakit ang tiyan! Nagtatakbo’t naglaro kasi sa may kasukalan ng gubat noong isang araw! Gusto mo bang magaya sa kanya?” matinding pamimilit ni Nanay.
         
   “Bakit, Nay? Bakit yung mga kalaro niya, hindi naman sumakit ang tiyan, bakit siya lang?”
          
  “Aba, sumasagot ka pa!”
        
    “Nakakita ka na ba talaga ng nuno? Anong itsura? Marami ba?”
       
     Walang imik.
        
    “Nasaan ang tiktik? Nasaan ang aswang kapag maliwanag ang buwan?”
        
    Walang imik.
          
  “Nasaan ang kapre, Nay? Nasaan ang mga duwende? Sa dinami-daming beses kong tinapakan ‘tong nuno na ‘to, ni hindi ako nagkasakit nang malubha! Lupa lang ‘to, Nay! Lupa!”
        
    Wala pa rin.
        
    “Kailan ba may naagawang buntis dito sa atin? Kailan ba nagkaroon ng tiyanak ng mga buntis na iyon? Nasaan na yung mga kinukuwento niyo sa akin?” Wala pa ring imik. Nagdabog na akong papalapit sa aming bahay at pumasok sa silid. Humiga na ako.

Nagising akong may inis pa rin at dumiretso na sa eskuwelahan. Hindi ko na kinuha ang aking baon sa labis na pagkukuwestiyon sa mga tanong ng aking ina na tila wala talaga sa lugar.
...
Tila may kakaiba sa aming silid-aralan ngayon. Bukod pa sa lalong dumilim, sumikip at dumumi, nagkaroon ang mga dingding ng tigdadalawang tuldok ng liwanag na nasa gitnang bahagi ng itaas. Lalo lamang luminaw ang pagtingin nila sa akin. Bakit nakatingin pa rin sila sa akin? Sobrang lagkit na rin ng lamesang pinagpapatungan ng aking mga kamay. Nahihirapan na akong tanggalin paminsan sa sobrang pagkakadikit ng mga ito. Bakit malagkit na ang lamesa ko? Sinubukan kong tanggalin ang lagkit, at patong muli sa lamesa – babalik ang lagkit. Palagkit nang palagkit. Napagod na ako katatanggal ng lagkit ngunit hindi ko na matanggal ang aking mga kamay nang ipatong kong muli sa lamesa. Tiningnan ko ang aking katabi para humingi ng tulong - wala pala akong katabi! Sinubukan kong sumigaw ng, “Titser Linda!” ngunit walang lumabas na boses. Nakatingin lamang sa akin si Titser at galit na galit. Sumisigaw habang papalapit sa akin, hawak-hawak na naman ang kanyang pamalo. Naku! Kailangan ko nang matanggal ang aking mga kamay! Hindi ko na sila mahila! Tumayo na ako’t humila nang buong-lakas ngunit wala pa ring nangyayari. Ako’y lumingon para humingi muli ng tulong. Unti-unting kumilos papalapit sa akin ang dingding sa likuran. Nang tumingin ako sa magkabilang gilid ay nagsisunuran di’t dahan-dahang lumapit sa akin. Papalapit na nang papalapit ang galit na titser habang unti-unti na akong iniipit ng mga sulok. Sige pa rin ako sa kakahila nang buong-lakas sa aking dalawang braso. Sumigaw ako nang sumigaw kahit na wala pa rin akong boses na naririnig. Humagulgol na ako na parang pipe sa lubos na takot at dami ng tanong sa sarili. Huli na ang lahat.

Nalipat ako ng lugar sa isang kisapmata. Nakaharap ako sa malaking salamin, kaharap ko ang aking sarili. Nakangiti sa akin. Maputi na ang aking balata, maputi na ako. Matangos na ang ilong, dilaw na ang buhok. Hinawakan ko ang aking buong katawan habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Manghang-mangha sa nakikita. Napansin kong hindi pala ako nakangiti. Bakit nakangiti ako sa akin? Tumawa nang malakas ang aking repleksyon.

“HA-HA-HA!”

Tawa nang tawa. Pilit kong kinisikis ang aking balat ngunit ayaw bumalik ng aking kulay. Tinatawanan na lamang ako ng aking repleksyon. Tinakpan ko ang aking mukha’t umakmang magtatanggal ng maskara. Ayaw matanggal! Lumakas nang lumakas ang tinig sa aking harapan. Tawa nang tawa nang tawa. Ayaw tumigil at palakas nang palakas. Pilit kong binubunot ang aking buhok at kinukurot ang aking mga bisig. Hindi ko na mapalitan. Sumigaw akong muli nang walang tunog. Kailangan ko na ng tulong. Kailangan ko nang makabalik. Kinurot kong muli nang ubod na ng lakas ang aking katawan sabay sigaw,

“NANAY!”
           
“Jose, bangon na!” bati na naman sa’kin ni Nanay.
           
Tik-tila-ok!
           
“Baka mahuli ka pa sa eskuwelahan.” 

“Ito na ang baon mo,” sabay abot ng nilagang saging sa akin. Iniabot niya na rin ang supot ng aking lapis at papel. “Pagbutihin mo na ngayong araw,” huling paalala niya sa akin. “Saka ka na kumain pag-uwi dahil hindi pa tapos ang aking sinaing.”
        
    Dilat na dilat ang aking mga mata. Sinilip ko ang aking mga palad. Pawing-pawi ang aking antok at takot. Sa isang banda, nakahinga na ako nang maluwag mula sa aking pagkakabangon. Sa kabilang banda, sana kinain na lang ako ng apat na dingding para ‘di na ako bumalik pa ngayon sa pagiging ibang tao.
        
    Napansin kong umuulan ang mga ulap sa taas ng sikat ng araw. Lumapit muli sa akin si Nanay.
        
    “O heto, payong,” kanyang abot sa akin.
      
      Ibinaba ko ang payong pabalik bilang pagtanggi.


        
    “May kinakasal na tikbalang.”