March 22, 2014

Ano Ba Talaga, Suang U?

Napakagandang uri ng tauhan nitong si Suang U sapagkat naguguluhan na talaga ako sa kanya. Naguguluhan ako sa kanya dahil sa naguguluhan na rin siya sa sarili niya. O maaari ring hindi siya malay na naguguluhan na siya sa sarili niya o kaya nama’y hindi rin siya malay na magulo lang talaga siya. Oo, tinatanggap niya ang kanyang sarili bilang isang Intsik, kahit na matagal pa siyang maninirahan sa Thailand para makapagtrabaho’t kumita para sa kanyang pamilya ngunit hindi niya naman maitatangging mababahiran ang kanyang mga Instik na danas ng mga banyagang konsepto dahil nga naman sa pamamalagi sa isang dayuhang lugar, kahit pa man nakatrira siya sa isang komunidad na binuo ng mga mismong dayuhan ng Thailand.
         
   Hati ang personalidad ni Suang U, naguguluhan man siya o hindi. Ang usapang ito’y hipokritikal na naman mula sa aking lumang papel tungkol kay Saya John na hindi rin naman talaga mabigyan ng “tamang” pagkakakilanlan. Hipokritikal dahil binatikos ng papel na iyon ang pag-iisteryotipo ng mga tao base sa kanilang mga hitsura, pangalan, at wikang ginagamit. Hipokritikal sapagkat magsusuot akong muli ng lente para tingnan si Suang U bilang isang indibidwal na mayroong hindi malinaw na pagkakakilanlan – pagkakakilanlang nakakabit sa lahing pinanggalingan.
          
  Pilit na sinasabi ni Suang U, o napapansin sa nobela, na ibang-iba ang mga Instik sa mga Thai. Para bang mayroon talagang hindi madugong digmaan tungkol sa kung sino ang maganda at mas mahusay na lahi kaysa sa isa. Halimbawa na lamang, sa trabaho. Napakabastos nga naman, kung iisipin, na kung ang isang banyagang Intsik noong mga panahong iyon ay mayroong pagmamay-ari sa lugar na hindi talaga nayon ng mga Intsik. Mahirap para sa mga Intsik noon na magkaroon ng mataas na posisyon sa Thailand katulad nina Nguan Thong (na umampon kay Suang U) at Tae Lim (na tito ni Seng na tutulong sana sa kanila) dahil nga sa “giyera” sa pagitan ng mga lahi. Tanggap naman na nating katotohanan ang pagiging hari ng mga Instik sa pagpapalakad ng ekonomiya sa maraming bansa, lalung-lalo na rin sa Pilipinas.
          
  Pagtapak pa lamang nina Suang U sa Thailand, pansin niya na ang hatian ng trabaho sa pagitan ng mga lahi. Idinikit niya pa ang laki ng sahod na matatamo sa trabahong kayang gawin ng isang indibidwal. Lininaw niya ito kay Kim na ang kanyang suweldo ay mas malaki kaysa sa suweldong makukuha ni Kim sapagkat marunong siyang magbasa’t magsulat, na halata namang hindi kaya ni Kim. Nainis nga lang si Kim dahil sa alam niyang mas pagod ang kanyang katawan kaysa sa magdamag na pag-upo lamang ni Suang U sa pagsusulat ng mga numero’t pagbabasa ng mga dokumento sa trabaho kasabay ng pagtuturo pa sa mga anak ni Nguan Thong. Hindi man direktang ipinukol ng may-akda, maagang malalaman ng mambabasa na may pagpapahalaga dapat ang tao sa edukasyon.
        
    Isa ang edukasyon sa mga indikasyon ng modernidad. Mabuti na lamang ang hindi iyong edukasyong natatamo talaga sa kongkretong apat na sulok ng walang kuwenta talagang silid-aralan, kung saan mayroong mga nakapag-aral nang mga propesyunal na guro ang magtuturo sa mga bata kung paanong dapat titingin sa mundo para hindi mapahamak. Namulat lamang kasi si Suang U, sa pagiging literado, dahil sa kanyang nanay na tunay na nakatamo ng tunay na edukasyon. Nahati ni Suang U sa dalawang magkaibang dimensyon ang edukasyon. Maaaring sabihing magkaiba ang edukasyong natamo ni Suang U kaysa sa natamo naman ng kanyang nanay. Ang nanay niya rin kasi’y nagturo na rin sa ilang mga anak ng pinagtrabahuhan. Mas matagal na nalublob sa pagbabasa’t pagsusulat ang kanyang nanay bago pa man niya naturuan si Suang U. Si Suang U nama’y nakatanggap pa rin ng edukasyon, sa kanilang tahanan, na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang nanay.
         
   Napakalaking bagay ng edukasyong natanggap na ito sapagkat ito ang nagtulak sa bida na makatanggap ng mas maraming oportunindad sa mas magagandang trabaho. Hindi rin maitatangging nabubura na ang totoong gawad ng edukasyon na kaalaman ngunit ang gawad na ng edukasyon ngayon ay trabaho. Kailangan na rin kasi ng pera. Wala nang nag-aaral para lamang matuto. Lahat ay kailangang mag-aral para makapagtrabaho.

Pagdating sa trabaho’t edukasyon, hindi rin makatao ang natunghayan ni Suang U pagtapak niya sa Thailand. Unang-una, tira-tira lamang ang nakakain ng mga babae dahil sa ang mga lalaki naman daw ang nagtatrabaho para sa kani-kaniyang mga pamilya. Mabuti na lamang na mayroong nagbanggit sa kuwento na hindi rin naman ganoon kadali ang trabaho sa loob ng bahay na ginagawa ng isang ina. Ito’y panibagong paghahati na naman sa mga uri ng trabaho, pagkain nga lang ang gantimpala sa kanila.

Ang ikalawa’y, ayon kay Nguan Thong, napakalaking pagkakamali para sa kanya na marunong magbasa’t magsulat ang kanyang mga anak na babae. Kung papansinin, kanina pa ikinakabit sa pagiging literado ang pagiging edukado. Ayaw ni Nguan Thong na babae ang magmana ng kanyang mga pinaghirapang ipundar. Idinikit pa niya na sa kusina lamang dapat namamalagi ang isang babae kasama ang mga bigas na kanyang isasaing. Kung may isa pang mapapansin, hindi gaanong pinapansin ang karapatang pagkakapantay-pantay ukol sa kasarian. Isa na namang magandang punto ng nobela kung saan iniaangat ang karapatan ng kababaihan. Bilang isang guro ng dalawang anak ng nagpapatrabaho sa kanya, kung tutuusi’y nasa napakakritikal na kondisyon ni Suang U sapagkat ginagawa niya ang ayaw ng nagpapatrabaho sa kanya! Apektado ng utang na loob, apektado ng pag-ibig. Maaaring pag-ibig sa magandang mga mukha ng mga dalaga ngunit tinitingnan ko pa rin ito sa pagpapahalaga ng may-akda sa edukasyon, maging na sa kasarian.

Hindi makatao si Nguan Thong sa aspetong ito kahit na sabihin pa nating pinapasuweldo niya’t itinuring niyang anak si Suang U. Kahit na sabihin pa nating siya ang maaaring potensyal na tagapagmana ng ari-arian ng Nguan Thong sa simula ng nobela kung kaya nga siya naghanap talaga sa barko ng literadong lalaki. Nawawalan ng buhay na maging isang tao ang mga babae sa naratibo sapagkat natatali na lamang sila sa iisang uri ng gawain. Nawawalan na sila ng kakayahang magpatakbo ng isip at imahinasyon. Maaaring marami sa kanila sa kuwento, wala nang kuwenta. Wala nang kuwenta kasi hindi na tao. Ang tao ay mayroong inaaming limitadong kakayahan kung kaya’t kinakailangan niyang mag-isip at gumawa ng iba’t ibang bagay para mahasa ang mga kakayahang ito. Kung magiging isang robot ang babaeng gumagawa ng pang-araw-araw na habit o routine, nawawalan na siya ng kakayanang mag-isip at gumamit ng imahinasyon. Nabubura ang napakarami sanang potensyal para mabuhay bilang isang ganap na tao.

Kung kaya’t natutuwa ako kay Ang Buai (isa sa mga anak na babae ni Nguan Thong) sa kanyang pagbanggit tungkol sa kayamanang dala-dala ng wika. Isa siyang Intsik na nais matuto ng ibang wika, liban sa kanyang alam at inaaral pa ring wika. Kinikilala ni Ang Buai ang halaga ng pagkatuto ng isang wika – na kapag natutunan mo ang isang wika, maaari mong matutunan ang panitikang nasa ilalim nito. Kung matututunan ang panitikan ng wikang ito, malalaman mo rin ang malawak na kultura’t ideolohiyang nakakabit sa kaalamang nakaukit na sa mga taong taal na gumagamit ng wikang iyon. Kung maaari lang sanang matuto agad-agad ng maraming wika sa mundo, edi sana’y naging maluwag ang lahat sa pag-unawa at pag-intindi para humantong sa pagrespeto sa bawat paniniwala, ng bawat lahi – kung saan magulo pa rin talaga si Suang U.

Noong ipinagdiwang na ng kanilang komunidad ang Moon Festival, binanggit niyang pinagtatawanan ng mga Thai ang kanilang tradisyong ito. Para raw bang ang sariling mga tradisyon ay wasto naman talaga ngunit ang tradisyon ng iba ay nakatutuwa lamang. Nakakatawang pag-isipan ang ganoong mentalidad ng mga tao na may kanya-kanyang konsepto ng pagiging kakaiba. Maaaring kakaiba para sa atin pero normal para sa kanila. Nilinaw pa ni Suang U na mas wasto naman daw yung taong may respeto paniniwala ng ibang tao – na agad niya namang kinontra! Nakakatawa ulit kasi, kasasabi niya lamang na gusto niyang tinatrato ang lahat ng tao na pantay-pantay ngunit nang makita niya si Seng sa Moon Festival na mukhang nangmamata sa mga anak ni Nguan Thong, tumanggi agad siya sa konsepto ng pagpapakasal ng kanyang kaaway kay Mui Eng (isa muli sa mga anak ng kanyang Father figure sa Thailand)!

Noong mga panahong kinakailangan ding magvegetarian diet ang mga Intsik ay nagkaroon naman siya ng pagkakataong pansinin ang kakaiba sa kanya mismong sariling kultura. Ayon pa sa kanya, tanga lamang ang nagdidikit ng mga ‘di makabuluhang kasalanan sa kaluluwa, para lamang maisahan ang mga diyos.

Hindi man siya malay, impluwensyado na rin si Suang U ng kulturang pumapaligid sa kanya. Hindi man siya malay, hati na pala ang kanyang personalidad. Hindi lamang hati sa dalawang kultura, ngunit nahahati sa maraming iba’t-ibang pira-pirasong basag na salamin. Isang basag na salamin si Suang U, ngunit maaari pang mabuo. Basag at hindi na malinaw ang unang repleksyon sa unang pagtingin ngunit kung tititig nang mabuti’t masinsinan, ay mayroon pa ring makikitang tao sa kabila.

Indikasyon pa rin ito ng modernidad – ang pagkakaroon ng maraming personalidad. Maaaring laki sa ibang lahi, lumaki sa magkasabay na lahi, o kahit pa magkasunod, katulad ng nangyari kay Suang U. Wala nang puro sa ngayon. Halos lahat ng popoulasyong nakapagpapapasok at nakapagpapalabas ng iba’t ibang lahi, halu-halo na ng lahi. Ngunit wala namang dapat na nabuburang kultura. Nariyan pa rin ang mga taong nag-aangat at nagpapatuloy ng mga kinagisnang tradisyon at paniniwala kahit na marami pang makilahi sa kanila. Aaminin nating napakaipokrito talaga ng manunulat ng papel na ito dahil sa itulak man niyang pantay-pantay ang mga tao, iba-iba pa rin talaga tayo.

Balikong Pagkakakilanlan

Parehong walang kalayaan ang dalawang tauhan mula sa mga kuwentong I Pulled a Rickshaw ni Tam Lang at Savage Winds ni Bao Ninh. Ang dalawang tauha’y nagsimulang hanaping muli ang kanilang mga sarili, ang kanilang mga dignidad – ang dignidad na sapilitang kinuha sa kanila ng kanilang lipunang ginagalawan. Parehong  nagpatuloy na manatiling mabuhay para lang kung sakaling mabawi nilang muli ang kanilang mga dignidad, at hindi na mamuhay pa na parang patay na rin walang mayroong pakialam.
           
Hindi naman talaga nawalan ng dignidad itong si Tam Lang nang simulan niyang magbalat-kayo’t makiapid sa mga humihila ng rickshaw. Ang ganitong pagtatangka ay napakagandang simulain sa pagkilalang-totoo ng lipunang kanyang nais pang imbestigahan at gawan ng mga sanaysay at kuwento. Kung tatanda man siya bilang isang mahusay na journalist, hindi siya nararapat na umasa na lamang sa mababaw na pag-oobserba lamang at pagtatanung-tanong sa at tungkol sa kanyang mga target.

Nang sinubukan niya nang makisalamuha’t makibagay sa mga “kapwa” niya coolie, aminado siya sa sarili niyang hindi na niyang muling kilala ang kanyang sarili. Ayon sa kanya, kung sa katotohana’y wala talagang tumitingin at may pakialam sa kanya, hindi niya pa rin mapigilang isiping tinititigan siya ng mga taong nakakikita sa kanya. Sa puntong ito’y siya’y muling naisilang sa mundo. Muli niyang kinikilala ang kanyang sarili. Para bagang simula noong unang segundong itinulak siya ng Supervisor para maging coolie, nabura agad-agad ang identidad niya bilang isang manunulat at namuhay sa mga paa ng isang hindi respetadong tao sa lipunan.

Importante para sa kanya na “magsimulang muli” sapagkat hindi niya nararapat dalhin ang kanyang totoong trabaho sa pag-iimbestiga. Tinutukan niya talagang maging isa sa mga coolie, itinuring niya talaga ang kanyang sarili bilang isang coolie at hindi isang nagpapanggap na coolie. Napatunayan itong lalo nang sinubukan niyang manghingi ng dagdag pasahe mula sa isang pasahero dahil sa napakalayo naman daw ng kanyang pinaghatiran e hindi naman ganoon kasapat ang ibinayad sa kanya. Kahit naman alam niyang mabubuhay siya gamit ang kanyang pera mula sa totoong trabaho, sinikap niyang mabuhay gamit talaga ang makukuhang kita sa pagiging coolie. Hindi siya nandaya. Naging matapat siya sa kanyang sarili, sa kanyang mga kasamahan at sa kanya mismong trabaho ngunit siya pa rin ang natatapakan. Siya pa rin ang nawawalan ng dignidad.

Nakakatawang isiping kung sino pa yung sumusunod sa mga patakaran at walang karapang lumusot sa mga pagkakamali ang siya pang nakatatanggap ng katiting na suweldo, kung pag-uusapan ang kultural na rickshaw trade sa Vietnam. Bilang patunay na halimbawa, si Tu, isang naging matalik na kaibigan ni Tam Lang sa pagiging isang rickshaw coolie ay nagkuwento tungkol sa maraming pagkakataong siya’y “nananakawan.” Panay mga pasaherong poserong mayroong perang pambili ng pananamit ngunit walang awang nang-iiwan nang walang pasahe para kay Tu. Si Tu na ang nagmalasakit, siya pa ang nadadaya. Napakadaya ng mundong kanilang ginagalawan. Tila ba walang pakialam talaga ang mga tao sa kanila. Tila ba hindi sila itinuturing talagang tao.

Pero doon nagkakamali ang mga tao sa gitna at mataas na uri, argumento nitong si Tam Lang. Tao ring nag-iisip ang mga coolie. Sa unang pagkakataong nagpahinga si Tam Lang mula sa paghila para uminom ng tsaa, doon niya nalamang marami palang gamit ang kanilang sinusuot na parang sumbrero sa ulo. Hindi niya iyon naisip bilang isang manunulat, pero para sa isang beteranong coolie na kumausap sa kanya, para bang napakahalata naman ng iba pang mga gamit na itinuro sa kanya. May karunungan silang, oo, hindi maaaring magamit ng nakararami, ngunit napakalaki ng kahalagahan para sa kanilang trabaho, para tumagal sila sa kanilang trabaho.

Tao rin silang kapantay ng lahat. Hindi yung minamaltrato sila bilang mga hayop. Sa sobrang awa nga ni Tam Lang e nagmungkahi na talaga siyang palitan ang mga de-hila ng mga de-pedal, para naman raw nakaupo ang mga naghahatid at bumubuhat. Nais niya na lamang ilipat ang paggamit sa mga rickshaw bilang panghatid na lamang ng mga produkto. Balewala na sa kanya yung matagal nang kultura ng rickshaw sa Vietnam na nagsimula pa sa sinaunang Japan. Itatak na lamang siguro sa kanilang mga aklat pangkasaysayan ang tunay na gamit ng rickshaw para lamang maisauling muli ang karapatan ng mga coolie. Balewala rin ang kultura kung hindi nakatutulong sa pag-unlad ng identidad ng isang tao. E ayon pa kay Tam Lang, identidad pa ng isang buong nasyon ang delikadong minamata ng ibang bansa dahil lamang sa isang trabaho.

Tao rin silang may dignidad, dapat. Kahit na tumatakas sila gamit ang opyo. Kahit na maduduming pagkain ang ipinanglalaman nila sa kanilang sikmura. Kahit na hindi naman mukhang bahay ang kanilang mga tinutuluyan. Kahit na iisa na lamang ang kanilang kasuotan sa kanilang buong buhay. Kahit na para bang robot sila na paikut-ikot na gawaing pang-araw-araw na lamang ang kanilang isinasakatuparan para mabuhay. Ikanga sa kuwento, “Nabubuhay ba ako para kumain? O kumakain ako para mabuhay?” Dahil kung iisipin, hindi naman sila ang nagdala sa kanilang mga sarili sa ganoong mga posisyon, ni hindi naman nila ninais humila ng mga tao. Ang mga nakatataas din sa kanila, ang kanilang mga Supervisor, may-ari, pasahero, ang siyang umaagaw sa kanila ng kanilang mga dignidad, dahil nga sa hindi naman sila kinikilala bilang tao. Kaya kung babalikan ang unang pagkakataong hihila na si Tam Lang, kinilala niya ang kanyang sarili bilang hindi niya kilala talaga. Siya’y kinilalang muli ng lipunan bilang walang pagkakakilanlan.

Pagdako sa kaso ni Dieu Nuong, isang mang-aawit ng mga dilaw na kanta, makikitang tinitingnang siyang mali, siyempre, ng kanyang mga kalaban. Anti-military raw ang mga ito. Siya’y kinukulong sa pag-awit laban sa kawalan ng kalayaan. Tinanggalan tuloy siya ng kalayaan. Ang mga awit ni Dieu ang nagsilbing lubid na nagbuklod sa mga tao sa ilalim ng militar na kapangyarihan. Ang mga awit niya ang nagsilbing pananggalang ng mga tao laban sa mga pang-aabuso ng kapangyarihan. Ang mga awit niya ang nagpakilalang muli sa kanila na sila’y mga tao – mga taong buhay na kailangang lumaya.

Parati na lamang takot ang mga may kapangyarihang malamangan sila. Supervisor. Owner. Military leader. Lahat ng nasa itaas. Takot na takot silang mag-isip ang mga tao kung kaya’t pinipilit nilang burahin ang identidad ng mga taong kanilang nasasakupan, ginagawa silang mga robot sa ilalim ng mga paulit-ulit na gawain, itinuturing silang mga hayop na hindi nararapat sa pagkakakilanlan, para lamang hindi mabasa ang kanilang mga nakapanghihilakbot na kasakiman at pandedehumanisa.

Burado sa kanilang diwa ang moral. Ang moral naman kasi’y gawa-gawa lamang ng tao. Ang kapangyarihan, hindi. Hindi ko naman maipipilit na gawa-gawa lamang ang ibang kapangyarihan, kasi nga, wala namang ibang kapangyarihan. Walang mga uri ang kapangyarihan. Iisa lamang ang kapangyarihan kung kaya’t pinag-aagawan at pinagdadamot ito ng kung sinuman ang mayroon. Nakakatawang isiping kung sino pa ang may kapangyarihan at ipinoproklamang sila’y mga tao, ay sila pa nga ang may asal na sa isang hayop. Sa totoong banda, hindi makatao ang kanilang mga ginagawa. Parehong nabubura, may kapangyarihan man o wala, ang pagkatao ng dalawang panig. Ang ‘di makataong pamamalakad ng pinuno sa loob ng isang lipunan ang nagpapamukhang dehumanisado ang pareho.


Bulag naman kasi ang karamihan. O sarili lamang ang pinapansin. Laking pasasalamat ng lipunan kina Tam Lang at Dieu Nuong bilang mga taong sinubukang ipakilala muli sa mga inaabuso at inaagawan ng pagkatao, na sila’y mga tao rin. Kailangan lamang nilang makinig at magsalita. Kailangan nilang makaintinding sila’y nabubuhay, na sila’y mabubuhay kung magbabalik-loob sa sarili. Ang muling pagkilala sa sarili ang isang solusyon para labanan ang pagkabagot sa pagmamaltrato sa kanila, at araw-araw na lamang na pagkain ang tanging dapat na mangyari sa loob ng isang araw.

Maranao at Maguindanao (Bibliyograpiya sa Wika at Gramatika)

Ang Maranao ay kadalasang iniuugnay sa mga taong pangunahing tumira malapit sa Lake Lanao/Ranao kung saan ang itinuturing na sentro ay ang Marawi City sa isla ng Mindanao. Ang “Maranao” na mayroong literal na pagpapakahulugang “People of the Lake” sa Ingles (ma- “to be” + ranao “lake”) ay tanyag sa kanilang natatanging sining, paghahabi, mga likhang kahoy at bakal, at ang ang kanilang epiko bilang ambag sa oral na panitikan ng Pilipinas.

Isa naman ang wikang Maguindanao sa mga kahawig at kapamilya ng wikang Maranao. Malayo man ito sa wikang Maranao (na malapit sa wikang Iranun kung tutuusin), sa pagiging magkakalapit ng mga lugar na pinaggagamitan ng dalawang wika’y hindi malayong madali namang halos magkakaunawaan ang dalawang magkaibang katutubo, at hindi magkakaroon ng ganoong kabigat na problema sa usaping ng paggamit ng lingua franca. Ang wikang Maguindanao ay ginagamit ng mga halos kalakhang populasyon ng lalawigan ng Maguindaano sa Pilipinas. Ilan pang inabutan ng wika ay ang mga lalawigan ng Zamboanga, Davao at General Santos, at ilang mga lugar sa Hilagang Cotabato, Sultan Kudarat, Timog Cotabato, Sarangani, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.

         Hinati ng mananaliksik sa tatlong bahagi ang mga panimulang nakalap na datos noong nagsagawa ng survey ng mga grammar o akdang panggrammar na naisulat para sa wikang Maranao. Ang tatlong bahagi ay ang sumusunod: Grammar, Diksyunaryo at Pagkatuto. Patuloy pang hinati sa ilang mga bahagi ang mga hanay ng Grammar at Pagkatuto dahil sa ginawang paghahambing ng mananaliksik at pagkakaroon ng mga kapwa akda ng pagkakahawig sa iilan. Hindi naman din sinasabing permanente na ang nilikhang balangkas bagkus, mas nilalayon pa na malinang ang pagsasaayos ng mga isinagawang pag-aaral sa wikang Maranao kung kaya’t maaari pa itong mabago. Narito ang isinagawang temporaryong pagbabalangkas:

I. Grammar
            A. Mabigat
            B. Magaan
II. Diksyunaryo
III. Pagkatuto
            A. Wika bilang Instrumento
            B. Wika bilang Kaalaman

          Sa unang bahagi ng balangkas, ang Grammar, ay kinapapalooban ng mga isinagawang saliksik ng mga lingguwista sa grammar mismo ng wikang Maranao. Sa ngayon ay maaaring maguluhan ang mambabasa dahil kung makikita sa ikatlong hati, mukhang imposible namang matutunan o maipasok sa paaralan ang isang wika kung hindi sumasangguni sa grammar nito. Tinutukoy ng mananaliksik sa bahaging Grammar ang mga pag-aaral na isinulat at sinaliksik ng mga mananaliksik na naglalayong himay-himayin ang bawat bahagi ng grammar ng wikang Maranao. Bilang tulong sa pag-unawa, ang bawat bahaging tinutukoy ay patungkol sa Ponema, Ponolohiya, Morpolohiya, Sintaks at Semantika ng isang wika. Ngayon, maaaring sunod nang itanong ng mambabasa kung bakit mayroon pang dalawang pagkakahati ang Grammar: Mabigat at Magaan. Ang paghahating ito ay ibinase ng mananaliksik sa mga may-akdang nasa likod ng mga isinulat na pag-aaral sa wikang Maranao at mismo na rin sa nilalaman.  Kadalasan kasi, nagpopokus lamang sa iisang bahagi ang isang paksa ng saliksik. Halimbawa, para sa bahaging Mabigat, ang The Inflection and Syntax of Maranao Verbs ni Howard McKaughan ay nilimitahan sa pag-aaral ng mga pandiwang Maranao habang nakatuon lamang ang atensyon sa verbal inflection. Pansinin ang Verb at Inflection bilang mga susing salita sa pamagat ng papel. Ibig sabihin, bilang isa sa mga bahagi ng morpolohiya ng isang wika, kung saan pinag-aaralan ang mga morpema ng isang wika, maaaring ilagay sa hanay na ito ang ganitong klaseng pag-aaral. Isa pang halimbawa para rito ay ang Maranao, Voice and Diathesis na isinulat ni Loren A. Billings na tungkol naman sa pagtingin sa mga pandiwa ng Maranao, ang pagkakaroon nito ng iba’t ibang inflection bilang diathesis at hindi idinidikit sa Kanluraning konsepto ng voice.

Hindi ba’t mabigat nang pakinggan dahil lamang sa mga salitang Inflection at Diathesis? Ang mga pag-aaral na ito ay nakatuon lamang sa mga mambabasang maalam na o bihasang-bihasa sa larangan ng lingguwistika upang hindi na magdagdag pa sa napakamadugong paglalahad ng konteksto kung wala rin namang alam ang magbabasa. Kung kaya’t naisipang gumawa ng isa pang kategorya ang mananaliksik sa ilalim ng bahaging Grammar: ang Magaan. Sa bahaging ito naman makikita ang mga pag-aaral sa wika na patungkol sa grammar ngunit nagsisikap na magpaintindi sa kanilang mambabasa nang hindi ito pinahihirapan sa mas malalalim na konsepto. Halimbawa, bilang pagpapalinaw, Ang Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Maranaw ay simpleng pagtatambalan lamang. Mayroong dalawang hanay ang makikita sa akda: Tagalog at Maranaw. Ni hindi sinubukang palalimin ng may-akda ang isinagawang paghahanay. Ganoon lamang kasimple. Mayroong mga ganitong uri ng akda na nakita ang mananaliksik kung saan “magaan” lamang na tinatalakay ang iba’t ibang mga bahagi ng grammar ng wikang Maranao. Kung ang Mabigat ay nakatuon lamang sa iisang bahagi ng grammar, maaaring magkaroon ng bird’s eye view sa pangkalahatang grammar ng isang wika ang mga akda sa ilalim ng bahaging Magaan.

     Sa Diksyunaryo na bahagi naman makikitang kadalasan ang mga bilingual dictionary o mga diksyunaryong tambalan lang naman. Halimbawa, ang isang Maranao-English dictionary ay mga hanay lamang ng salitang Maranao at sa kana’y salin sa Ingles, o kaya’y kahulugang nasa wikang Ingles. Kung English-Maranao nama’y salin lamang. Si Howard McKaughan ang isang prominenteng pigura sa larangan ng grammar ng Maranao. Bilang din namang isa rin siya sa mga makikislap na pangalan sa mga akda mula sa unang bahagi. Kung minsa’y ang kanyang mga diksyunaryo’y isinagawa nang mayroong siyang kasamang Pilipino, na maaaring tingnan sigurong gabay sa kanyang pagbuo.

       Para sa huling bahagi, ang Pagkatuto, nakikita ng mananaliksik na sa parteng ito ng isinagawang pagsasakategorya ng mga akda tungkol sa wikang Maranao na magkakaroon talaga ng epekto sa pagkatuto ng isang mambabasa. Kung ang layunin ng unang bahagi’y makapag-ambag sa saliksik sa grammar at matuto ang mambabasa, sa ikatlong bahagi nama’y makapagturo talaga nang tahasan ang grammar at matutong makapagsalita ang mambabasa. Ito ang pagkakahawig ng bahaging      Wika bilang Kaalaman sa ikatlong kategorya mula sa isinagawang balangkas kanina. Halimbawa na lamang, ang akdang Puganadan: Maranao ay naglayong makapagturo talaga ng wikang Maranao na mabasa ng mga Maranao mismo. Nais ko lamang pansinin ding maaaring maihanay nang dalawang beses/sa dalawang kategorya ang isang akda. Hindi rin inaasahan ng mananaliksik na mangyari ito ngunit hindi maiwasang mapansin ang ilang mga katangiang nagpapatingkad na magtulak na talaga at ibaon sa isang kategorya. Maaaring permanente o pansamantala na muna ang ganitong paghahanay ngunit susubukan munang ipaliwanag ng may-akda kung bakit may ganitong nangyari.

            Ang Maranao Grammar, halimbawa, na isinulat ng Peace Corps Volunteers Language ay nagkaroon sa simula ng pagtalakay tungkol sa mga bahagi ng grammar ng Maranao at sumunod namang bahagi’y naglayon nang makapagturo dahil sa mga simpleng pangungusap pakikipag-usap bilang mga halimbawa.

            Sa bahaging Wika bilang Instrumento ay pawang mga thesis lamang ang nakalap ng mananaliksik tungkol sa wika bilang instrumento nga sa pagkatuto ng isang mag-aaral. Nilayon lamang ng mga saliksik na ito ang epekto ng wika sa pag-aaral ng isang estudyante o kaya’y ang iba nama’y sinuri ang wika ng pag-aaral ng isang estudyante. Mayroon ding mga pagtalakay sa Maranao bilang medium ng pag-aaral at pagkatuto. Ang mga ganitong saliksik ay pinag-aaralan ang wika ng mga estudyante kasama na rin ang epekto ng pag-aaral nila ng pangalawang wika, ang wikang pambansa. Isang halimbawa nito’y ang pagtingin ni Skoropinski sa epekto ng MTB-MLE sa guro liban pa sa bisa nito sa mga mag-aaral talaga.

Para sa paglalagom, hindi na lamang nadidikit sa iisang bahagi ang mga isinagawang pag-aaral sa wika ng Maranao. Hindi man ito sentro at malayo sa mga wika sa Hilaga at Visayas, masasabi ng mananaliksik na hindi na archaic pa o naaagnas na lamang sa parchment ng mga pag-aaral sa pandiwang Maranao ang mga nakasulat na akda tungkol sa grammar nito. Mayroong mga pag-aaral na nilalayong magbago sa mga naunang pagtingin, mga pag-aaral na magpakita ng silip sa grammar ng Maranao bilang isang sistema, mga pag-aaral na nakaaapekto sa pagkatuto at mga pag-aaral na nagtutumbasan lamang. Maaari ring maihanay sa dalawang kategorya ang isang akda kung kakikitaan ng mga katangiang naglalampasan sa higit sa isang proposisyon ng isang kategorya.

            Pangalawa nang naidagdag ng mananaliksik ang paghahanap ng mga grammar at diksyunaryong naisulat ng ibang mananaliksik tungkol sa wikang Maguindanao. Napag-alaman ng mananaliksik, habang nangangalap ng impormasyon tungkol sa Maranao, na isa sa mga kapamilya ng wikang Maranao ay ang wikang Maguindanao. Dalawa sa tatlong magkakaratig-lalawigan na mga wika talaga ang pagiging bahagi ng dalawang nababanggit na wika. Inirerekomenda ng mananaliksik na ipagpatuloy ang pagsasarbey pa hanggang sa umabot sa wikang Illanun/Iranun.

I. GRAMMAR

A. Mabigat

Billings, Loren A. 2010. “Maranao, Voice, and Diathesis.” Piakandatu ami. ed. (Loren Billings. Nelleke
Goudswaard). Manila: SIL Philippines. pp. 30-35.

Binigyang-pansin ng may-akda rito ang morphosyntax ng verb inflection sa wikang Maranao. Sinasabi rito na ang voice na isang konseptong kadalasang ginagamit sa pagkakategorya ng pandiwa sa wikang Ingles ay hindi gaanong umaakma sa wikang Maranao. Idinagdag pa ng mananaliksik na kung hindi ito mga voice, hindi rin ang mga ito mababasa bilang mga voice inflectional kundi mga derivational dahil ang mga panlaping ito ay hindi malayang nagagamit sa lahat ng mga pandiwa. Binabanggit din ng may-akda na ang diathesis ay Voice ngunit hindi sa lahat ng pagkakatao’y minamarkahan ang anyo ng isang pandiwang Maranao. Doon na inilalagom ng mananaliksik na mas babagay ang Diathesis sa Maranao kaysa sa paghahanay ng mga pandiwa nito gamit ang konseptong Voice. Magandang pagsasakongkreto ito ng mas malalim pang pagtingin sa kinauugatan ng isang wikang ibang-iba sa wikang ginagamit ng mananaliksik. Mas iminumulat pa ang mga mata, mas pinakikintab ang lente’t hindi nagkaroon ng pagkiling sa struktura ng inang wika kundi’t tinitingnan ang isang pinag-aaralang wika bilang walang ibang pinagbabasehan, hangga’t maaari, kundi ang sarili nitong anyo at kayarian.

Fleischman, Eric. 1980. “Magindanaon Verbal Inflection.” Maguindanaon Dictionary. Cotabato City:
Notre Dame University. pp. 26-45.

            Sinasabi ng artikulo na ang paglalaping inflection sa mga pandiwa ng wikang Magindanaon ay maaaring makapagsabi o makatulong sa pagsasakategorya ng bahagi ng pananalita na ito. Nagtataglay ang mga laping ito ng mga impormasyong makapagsasabi hindi lamang ng panahunan kundi maging sa iba pang mga aspeto katulad ng pokus, aspeto, at moda. Ang bawat laping pampandiwa ay isinasakategorya sa malalaking bahaging pokus muna at sa ilalim ng mga hanay na ito’y ang sub-kategorya pang moda. Hindi isaha o payak na paglalapi lamang ang mga ginamit na halimbawa ngunit mayroong mga nasa anyong langkapan, hugnayan at kabilaang mga lapi. Maikukumpara itong pag-aaral na ito sa mga nasulat nang artikulo ni McKaughan na partikular sa pagiging kaiba ng mga wika ng Pilipinas sa mga wika ng Kanluran, lalung lalo na ng iba’t ibang prosesong pinagdaraanan ng mga pandiwa.

Lee, Ernest. 1964. “Maguindanao / l /.” General Linguistics. Vol. 6. No. 1. Lexington City: College of
Arts and Sciences, University of Kentucky.

            Nagkaroon ng pangkahalatang pagtingin sa iba’t ibang bahagi ng grammar ng wikang Maguindanaon sa artikulo. Ang mga inaral na bahagi’y Phonology, Distribution, Morphophonemics, at Semantics. Sa bahaging ponolohiya, tinalakay ang mga ponemang mayroon ang wika, kasabay ng pagsasakategorya ng mga ito. Mayroong / l / sa pamagat sapagkat sa bahaging distribusyon, tiningnan ng mananaliksik kung saan namang sinuri’t inilarawan ang paggamit ng ponemang nabanggit sa ilang mga aspeto tulad ng kambal katinig, reduplikasyon, mga posibleng pantig ng wika at iba pa. Mayroon ding pagbibigay-diin sa ponemang itinatanghal sa bahaging morpoponemiko at kung paanong naaapektuhan ang mga conjugation kapag nakasasali na ang / l /. Interesante rin dahil tiningnan din ng mananaliksik ang potensyal na kahulugang dinadala ng mga inisyal na / l / (ng mga salita) na matatagpuang ginagamit sa wikang Maguindanaon.

Lee, Ernest. 1962. “On Non-Syllabic High Vocoids in Maguindanao.” Studies in Linguistics. Vol. 16.
Nos. 3-4. New York City: Department of Anthropology and Linguistics, University of Buffalo.

            Sinimulan muna ang artikulo tungkol sa mga ponemang mayroon ang wikang Maguindanaon. Ang mga ponema ay isinakategorya para sa mas madaling pagbabalangkas kung sakaling makapagdaragdag-impormasyon at mas madaling paghahanap. Ayon sa artikulo, iba-iba ang naging pagtingin sa mga non-syllabic high vocoid ng mga wika sa Pilipinas: Ang iba’y katinig, para sa iba nama’y patinig. Ginamit ng may-akda ang patinig na perspektiba at sinubukang ipaliwanag kung bakit. Ang kanyang paliwanag ay pinalawig sa iba’t ibang aspeto katulad ng distribusyon ng mga patinig, at kung paano ang mga itong binibigkas, ang pagkakaroon ng pagkakataon ng paggamit ng gitlapi, reduplikasyon at mga nangyayaring pattern ng pagbabagong morpoponemiko. Sa huli’y nagkaroon ng listahan ng lahat ng posibleng pantig na mabubuo sa wikang Maguindanaon dahil sa nilinaw na ang mga maaaring magkakatabing ponema.

McKaughan, Howard. 1962. “Overt Relation Markers in Maranao.” Language. Vol. 38. No. 1. USA:
Summer Institute of Linguistics.

            Sinimulan ang artikulo sa paglalahad na ang mga verbal inflection sa wikang Maranao ay hindi lamang nagsasabi ng panahon/oras, uri ng aksyon at sikolohikal na punto de bista kundi pati na rin ang ilang mga gramatikal na ugnayan sa pagitan ng pandiwa at kanya nitong pinapaksa sa loob ng isang pangungusap. Tinalakay rin ang mga marker ng mga ugnayang gramatikal tulad ng o para sa mga actor, direct object, at indirect object maging sa instrumental. Patuloy pa itong pinayabong sa pagsasabing ang mga panlaping pampandiwang ito ay maaaring kakitaan o nakapagsasabi ng sinasabi ngang ugnayang gramatikal sa loob ng isang pangungusap. Nagdagdag pa ng ilang mga gamit sa panlaping pampandiwa, halimbawa, na maaaring magmarka sa isang pariralang binibigyang-diin ng isang pandiwa. Tinalakay rin and “closeness” ng isang pandiwa depende sa substantives at pinapaksa ng isang parirala o pangungusap. Samakatuwid, sinubukang ihanay ng may-akda ang mga pandiwa ng wikang Maranao habang tinitingnan ang mga panlaping maaaring ikabit dito at ilang mga marker na magdidikta o magbibigay-diin sa isang paksa.

McKaughan, Howard. 1958. The Inflection and Syntax of Maranao Verbs. Manila: Bureau of Printing.

            Ang akda ay nilimitahan sa pag-aaral ng mga pandiwang Maranao habang nakatuon ang atensyon sa verbal inflection. Dahil sa mayroong mga inflectional morpheme na nagdidikta ng ugnayang gramatikal sa pagitan ng isang pandiwa at kanyang mga katangian, inilalahad ng may-akda rito ang unang maikling balangkas ng sintaktikang pandiwa ng Maranao. Hindi kumpleto ang balangkas at pawang paglalarawan lamang. Nakalagay ang mga major syntactic word class, mga major construction type, at mga major predication type na nakaayon sa sentrong pandiwa. Lumikha rin ng mga kategoryang nakabase sa pormal na pagkilala ng mga nauulit na partial na nakasama sa pandiwa. Ipinakikita rito ang distribusyon at anyo ng mga inflectional morpheme sa pamamagitan ng paradigmatic sets.

McKaughan, Howard. 1959. “Semantic Components of Pronoun Systems.” Word. Vol. 15. No. 1. Manila: Publications of the Institute of National Language.

            May pagtatangkang ihanay ang mga panghalip ng wikang Maranao ang may-akda gamit ang mga salin ng mga Maranao na mayroong 250,000 na mananalita. Ang mga ginamit na halimbawa para sa paghahanay ang mga panghalip panao (ako, kami, etc.) bilang din namang mas madaling makikita mula rito ang apat na magkakahiwalay na kategorisasyon, kung saan nakapaloob ang mga gramatikal na ugnayan nang hindi lumalayo o kinapapalooban din ng magkakaparehong taong nakikipagtalastasan. Ang mga semantikong bahagi naman ng pagtalakay sa mga panghalip na ito ay inilalahad sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkakaroon o kawalan ng mga bahaging speaker, hearer (receiver), at plurality. Nalalayo na sa anyo ang ginamit na paghahanay ng may-akda sa bahaging ito ng pananalita ng wikang Maranao, na ibang-iba sa ilang mga pag-aaral ng mga banyagang lingguwista sa mga wika ng Pilipinas, partikular sa mga pandiwa, na maraming beses nang pinaulit-ulit na isinasakategorya gamit ang iba’t ibang paraan.

McKaughan, Howard. 1970. Topicalization in Maranao – An Addendum. Quezon City: Otto Johns
Scheerer Center for Philippine Languages.

            Layunin ng may-akda rito na bigyang-diin ang interpretasyon ni Fillmore sa ilang kaalaman sa Maranao na ginamit niyang (Fillmore) wika bilang isa sa mga wikang kanyang inilalarawan tungkol sa Topicalization. Tinutukoy ng may-akda ang artikulong ginawa ni Fillmore, na pinamagatang The Case for Case noong 1968. Ipinamumukha niyang ang mga katangian ng sintaktika ng mga wika sa Pilipinas ay ibang-iba talaga sa mga wika ng Europa. Pinoproblema niya rito ang paglalarawan ng struktura ng mga ugnayang gramatikal na nakadikit at minamarkahan ng mga panlaping pampandiwa. Sinasabi niyang nakadikit ang paksa sa isang panlapi. Ngunit, maaaring mag-iba-iba ang mga paksang ito habang nadaragdagan din ang mga ginagamit na panlapi. Nililinaw niya lamang sa akdang ito na mas madaling mabibigyan ng maayos na terminolohiya ang paghahanay ng mga pandiwa ng wikang Maranao kung titingnan na ang mga ito bilang mga case-marker ng pokus, kung kikilalanin ang taal na sintaktikang proseso ng topicalization ng mga wika sa Pilipinas at hindi direktang paghahambing o pagdidikit nito sa mga wikang hindi nito kapamilya.

Wein, Clemente. 1980. “An Alternative Classification of Maguindanaon Conjugation.” Maguindanaon
Dictionary. Cotabato City: Notre Dame University. pp. 50-53.

            Ayon sa may-akda, nakabuo siya ng walong (8) klasipikasyon ng conjugation ng mga pandiwa sa wikang Maguindanaon. Ang pagsasakategorya ay ibinase sa pagsasabi ng aksyon ng isang pandiwa na nakapaloob dito na naiimpluwensiyahan ng panlaping ginagamit. Isa na naman itong pagsasagrupo ng mga pandiwa ng isang wika ng Pilipinas na nakabase sa mga ikinakabit na panlapi. Hindi rin pinalampas ng may-akda ang kahalagahan ng pagtingin sa mga unang titik ng isang salitang ugat ng pandiwa. Maaarin rin daw kasing makita mula sa mga ito kung paanong macoconjugate ang gagamiting mga panlapi. Nagkakaroon ng iba’t ibang pagsusuri’t interpretasyon sa napakakumplikadong sistema ng paglalapi ng mga wika sa Pilipinas. Kaugnay ng iba pang mga akdang maaaring idikit sa akda ni Wein, hindi maitatangging may paiba-ibang pagsulpot ng mga ideya, maging maliliit na detalyeng makapagbabago ng pagtingin para sa paglikha ng panibagong mga proseso ng paghahanay.

B. Magaan

Dirampatan-Sharief, Minang. 2009. “Sampung Piling Salitang Meranao.” Ambagan. Quezon City: The
University of the Philippines Press.

            Isa ang Maranao sa mga wikang napili upang makapag-ambag sa bokabularyo ng wikang Filipino. Ang iba pang katawagan sa Maranao, ayon sa artikulo, ay Meranao, Maranaw, M’ranao, at Muranao. Ang paraan ng pagpili sa mga salitang ilalahok sa Ambagan ay survey ng mga mag-aaral at guro, paggamit ng mga piling salita bilang batayan sa pagsang-ayon ng mga taong tinanong, pagtatanong, kung mayroon pang ibang salitang ipapalit o kaya’y idaragdag sa mga salitang napili, pananaliksik sa mga kahulugan at iba pang mga impormasyon tungkol sa mga napiling salita at pagsasalin sa wikang Filipino ng mga nabuong sanaysay na ginawa ng tagapagsalita sa tulong ng mga Meranao na guro sa Mindanao State University. Ang mga salita ay Bangsamoro, Darangen, halall haram, jihad, kolintang, malong, maratabat, ranao, singkil, at taritib. Matapos mabigyang-kahulugan ang isang lahok ay isinasalaysay ang kasaysayan at kahalagahan ng salita. Hindi na lamang ito usapin ng pagpapayabong ng bokabularyo ng wikang pambansa bagkus, tinatamaan na rin ang pag-aamba pa lalo sa pagpapakulay ng kulturang Pilipinong patuloy pang nagiging malawak at pagbubuklod iba’t ibang diwang ‘di pangkaisahan.

Fleischman, Eric. 1981. “The Danao Langauges: Magindanaon, Iranun, Maranao, and Illanun.” Philippine Journal of Linguistics. Vol. 12. No. 1. Summer Institute of Linguistics.

            Inumpisahan ang akda na ang Maranao ay isa sa mga Danao na wika kasama ang Magindanaon at Iranun. Tinalakay rin dito ang mga diyalekto ng mga wikang Danao na ipinangalan sa mga lugar na pinagmulan nila. Sa bahaging ito, ang Maranao ay sinasabing mayroong dalawang pangunahing dayalek mula sa Lake Lanao at Iligan Bay. Bilang din namang nilinaw na magkakapamilya at magkakalapit ang mga lugar na pinaggagamitan ng mga wikang ito (kaya nga sila mayroong isang kategoryang Danao), ipinakita ng akda ang mga pagkakahawig ng mga salita sa bawat wika. Nakita sa mga pag-aaral ng mga hawig na ito na ang pinakamahina ang pagkakapareho ay ang Maranao at Magindanaon na nagreresulta sa pagkakaroon pa nila ng isang wikang pangkomunikasyon na iba sa kanilang mga unang wika (lingua franca). Sa Iranun naman pinakamalapit ang wikang Maranao. Nililinaw lamang ng akda na kahit na magkakaibang wika ang mga ito, dahil sa mga cognate na matatagpuan sa mga pag-aaral, madaling makakaunawaan ang mga mananalita ng mga ito, kahit hindi ang alinman sa dalawa ang kanilang ginagamit sa pang-araw-araw.

Fleischman, Eric. 1986. “The Maguindanaon Alphabet.” Maguindanaon Dictionary. Cotabato City: Notre Dame University. p. 10.

            Ayon sa artikulo, ang ginawang listahan ng mga titik ng wikang Maguindanaona ay ibinase sa mga ponemang binibigkas o ginagamit sa wika, at binigyan lamang ng lingguwisitikong representasyon gamit ang ortograpiya ng istandard na Mid-Western American English. Ang mga ito ay: a, b, d, e, g, h, i, j, k, l, m, n, ng, p, r, s, t, u, w, y, at z, ngunit nilinaw sa may bandang huli na ang h, j, r, at z ay hindi ganoong ginagamit o napapansing binibigkas ng mga tagapagsalita, maging ng mananaliksik, at maaaring resulta lamang ng mga banyagang wikang nakapasok sa komunidad tulad ng Arabiko at Ingles. Tulad ng maraming wika sa Pilipinas, lalo na maging ng wikang pambansang Filipino, at halos lahat ng mga wika sa buong mundo, wala nang wikang nasa isandaang porsyentong (100%) puro. Ang akda ay isang halimbawa ng manipestasyon ng ganitong penomenang nangyayari sa halos lahat ng mga wika. Maaaring magsimula ito sa pagbabago ng mga bokabularyo ngunit maaaring makasama na rin, sa mga susunod pagn henerasyon, at tuluyan nang paggalaw sa at pagbabagong muli ng struktura ng wikang naiimpluwensiyahan.

Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Maranaw. 1970. Maynila: Surian ng Wikang
Pambansa.

            Tulad ng nabanggit sa pamagat, pinaghahambing ng akda ang mga panlapi ng Tagalog at Maranaw. Hinati sa mga bahaging Pangngalan, Pang-uri, at Pandiwa ang paglalahad ng mga hambing. Nasa kaliwa ang Tagalog at nasa kanan naman ang Maranaw. Ang bawat bahagi rin ay hinati pa sa mas maliliit na bahagi. Halimbawa sa Pangngalan, mayroong Kagamitan, Pagkakagawa, Kalakasan, Kaganapan, etc. Bawat halimbawang inilalagay ay mayroong katabing katumbas na nasa Ingles. Nakapagtataka lamang na bigla na lamang nakasulat sa wikang Ingles ang ibang pagbibigay kahulugan sa mga sub-topic. Halimbawa, sa bahaging Pangngalan pa rin, mayroong sub-kategoryang Bigay o Pagawa habang ang kasunod nitong kategorya ay Figurative or Metaphoric Significance. Masasabi mula rito na hindi malinaw para sa mga sumulat ng akda ang kanilang target na mambabasa. Purong paghahambingan lamang mula sa mga salita hanggang sa mga pariralang halimbawa ang isinama sa akda.

 Moe, Ronald. 1985. “How to Find Verb Roots.” Maguindanaon Dictionary. Cotabato City: Notre Dame University. pp. 46-49.

            Nilinaw sa simula ng artikulo na kahit na mayroong layunin sa paglalagay ng mga lahok na nasa salitang ugat dapat sa loob ng diskyunaryo, maaaring makapagdulot ng pagpapaibang-kahulugan ang mga laping ikinakabit sa mga ito kung kaya’t sinubukan ng may-akda na sumulat muna ng isang listaha ng lahat ng unlaping ginagamit sa pandiwa nang mas madaling makilala agad ng isa pang mananaliksik kung salitang ugat ng isang pandiwang maylapi. Makikita sa artikulo na mga unlapi ang pinakamarami sa wikang Maguindanaon habang ang hulapi’y nasa pito (7) lamang at gitlaping nasa lilimang (5) bilang. Para rin sa mas mabilis pang pagkilala sa mga ugat’y sinabi sa artikulo na kadalasa’y nasa dalawang pantig ang salitang ugat ng mga pandiwa sa wikang Maguindanaon. May ilan pang dagdag pantulong sa mas madaling pagkilala ng isang ugat ng pandiwa tulad ng pag-uulit nito (sa anyong inuulit), mga halimbawa ng conjugation sa mga susundang titik (na umpisa ng isang ugat), at iba pa.

II. DIKSYUNARYO

Abbas, Jabber. Amboloto, Hassanor. 2006. A Multilingual Conceptual Glossary of Elementary Math and Science in English, Filipino, Magindanaoan, Maranao, and Tausug (Pilot Edition). Davao City: Save the Children-ASCEND Mindanao.
           
            Kamukha ng isang diksyunaryo, ang mga lahok ay nasa wikang Ingles saka sinusundan ng mga kahulugang nasa mga wika ng Pilipinas, at isa na nga sa mga ito ang wikang Maranao. Nilalayon ng akda na makatulong sa mga guro at mag-aaral ng elementary math at science bilang tugon sa mga problema sa sistema ng edukasyon sa isang multilingual na lipunan. Ang mga Ingles na termino ay muling binibgyang-kahulugan gamit ang mga wika ng Pilipinas bilang tulong sa mga mag-aaral na nahihirapan pang umunawa ng wikang Ingles at sa mga gurong makapagturo nang mas mabisa pa kaysa sa paggamit ng wikang banyaga o ikalawang wika ng natututong indibidwal. Nilinaw rin ng akda na hindi nito nilalayong makabuo ng siyentipikong bokabularyo bagkus, makapagbigay at makapaglahad lamang sa pinakamadali at pinakapayak na paraan. Nilalaman ng bahaging Math ang Numerals, Measurement, Number System, Operations, Fractionals, Geometry, Statistics, Graph, Problem Solving, at Instruments. Sa Science naman ang Outer Space, Earth, Water, Air, Weather, Mapping, Soil, Minerals, Metals, Matter, Energy, Technology, Life, Plants, Animals, Ecology Human Body, Health, Food, Production, Ailments, at Medicine.

Dizon, Rosario. Sandor, Abad. 2000. Tumbasang Diksyunaryo ng mga Katawagang Pangmilitar (Ingles-Filipino-Sebuano-Hiligaynon-Maranao-Tausug-Maguindanao). Pilipinas: NJP Printmakers, Inc.

            Sinabi sa simula na ang diksyunaryo ay binuo bilang tugon sa pangangailangan ng mga sundalong nakatalaga sa Mindanao sapagkat ang mga batas at iba pang katawagang pangmilitar ay may salin sa Filipino gayundin sa mga wikang sinasalita sa iba pang mga rehiyon nito. Samakatuwid, pambukas-isipan ang diksyunaryo para sa mas madaling pagkakaunawaan ng kung sinumang gagamit ng wika ng mga sundalo. Hindi na naikukubli pa ang bahaging ito ng kaalaman ng isang kalinangang hindi ganoon dati kadalas na pinag-uusapan o binabalewala ng maraming tao. Sa unang grupo ng mga salita, inuna sa diksyunaryo ang mga salitang pangkautusan sa pagsasanay. Ang mga lahok ay nasa wikang Ingles saka tinutumbasan sa kabila ng mga salita sa wikang Filipino, Sebuano, etc. At dahil nga na nasa wikang Ingles ang mga lahok, ang ginamit na alpabeto ay alpabeto ng wikang Ingles.

Fleischman, Eric. Glang, Nasrullah. 1981. Vocabulary: English-Pilipino-Magindanaon, Magindanaon-
Pilipino-English, Pilipino-English-Magindanaon. Manila: SIL Press.

            Para sa mga lahok na pandiwa ng wikang Magindanaon, ang mga ginamit ay, hangga’t maaari’y nasa anyong salitang ugat ngunit ang ila’y dinagdagan ng mga nasa anyong maylapi na nasa actor focus. Sinikap ding isalin sa Ingles ang mga ginagamit na particle na makikita sa wikang Magindanaon at Pilipino. Ang bokabularyo rin ng mga major dialect ng wikang Magindanaon, partikular ang Taw sa Laya (Dulawan, Maguindanao), Magindanawn (Banobo, Sultan Kudarat, at Maguindanao), at Taw sa Ilud (Dinaig, Maguindanao) ay isinama sa nasabing akda. Ang mga ponema ng Magindanaon na isinali sa pagbuo ng akda ay a, b, k, d, e, g, h, i, j, l, m, n, ng, p, r, s, t, u, w at y. Halos mga tuwirang tumbasan lamang ang tatlong hanay (Magindanawn, Pilipino, English) ng ginawang booklet. Ang pagkakasunud-sunod ng mga titik sa unang bahagi ay A, B, K, D, E, G, I, L, M, N, P, S, T, U, at Y. Sumunod na ang bahaging Pilipino-English-Magindanawn at sa panghuli’y English-Pilipino-Magindanawn.

Laubach, Frank. English Maranaw Dictionary. Manila Library.

            Ang anyo ng diksyunaryo ay nasa English-Maranaw (ang mga lahok ay nasa wikang Ingles at may katumbas nang mga salin sa wikang Maranaw sa kanan). Katabi ng mga lahok ay kung paanong binibigkas ang salita bago ang mismong salin nito sa wikang Maranaw. Ang pagkakasunud-sunod ng mga titik ay base sa alpabeto ng Ingles-Amerika. May mga kahulugang isahang itinumbas lamang sa lahok at mayroon ding mga nasa anyo ng pangungusap. Ang sumunod na bahagi matapos ang huling titik ng diksyunaryo’y ilang mga panuntunan sa grammar sa paggamit ng mga pandiwa sa Maranaw. Nilinaw sa bahaging ito na iba ang conjugation ng mga Kanlurang wika sa paggamit ng pandiwa ng Maranaw. Nagbigay rin ng mga halimbawang pangungusap sa Maranaw para makatulong sa pagsasalin ng mga salitang Ingles na will, would, at did. Dagdag pa rito ang salin ng can, could, at have. May mga aralin din tungkol sa Conditional Sentences at pagsagot sa mga tanong. Nagturo rin  tungkol sa conjugation ng mga pandiwa ng Maranaw na nakabase naman sa unang titik ng salitang ugat. May aralin din tungkol sa paggamit ng pandiwa para naman sa object na maramihan. Ang huling bahagi’y aralin naman tungkol sa Participles (konseptong Kanluranin/wikang Ingles) kung isasalin sa mga pandiwa ng wikang Maranaw.

Macaraya, Batua A. Bayabao, Hadji Pambaya. Hamm, David L. 1952. Maranao-English Dictionary.
Dansalan City: Madrasa Press.
           
            Sa unang bahagi ng diksyunaryo, mayroong dalawang pahinang nakalaan sa panimulang salita. Ang unang pahina ay nakasulat sa wikang Maranao at ang ikalawa nama’y nasa wikang Ingles. Sinasabi sa panimula na ang diksyunaryong binuo ay itinatanghal para sa mga tao ng probinsiya ng Lanao. Isa sa mga unang intensyon ng diksyunaryo ay makatulong sa mga mag-aaral na Maranao sa pagkatuto at pag-aaral nila ng Ingles. Nilayon din ng diksyunaryo na ang paglalahok nila ng mga pandiwang Maranao ay nasa anyo ng ugat ngunit may ilang mga pandiwang lumabas na nasa anyong pangkasalukuyan (peg-, ka-) bilang mga salin sa Infinitives ng wikang Ingles. Mayroon ding mga pandiwang inilahok na nasa ilalim ng pangnagdaan (mia-, miaka-). Isinulat din nila ang mga salita, para sa salin patungong wikang Ingles, na maaaring magkaroon ng pandiwa at pangngalan na mga anyo. Bilang tulong impormasyon na rin sa mga salita’t grammar ay nagbigay ng ilang mga halimbawang ilustratibong mga pangungusap ang akda. Ang anyo ng diksyunaryo ay nasa Maranao-English (nasa wikang Maranao ang mga lahok at ang kahuluga’y nakasulat sa Ingles). Ang pagkaksunud-sunod ng mga titik ay A, B, D, G, I, K, L, M, N, O, P, R, S, T, at W. Mapapansing walang U sa mga patinig na paghahanay ngunit may mga salitang gumagamit ng U. Halimbawa ay ang lahok na kiasumpatan.

McKaughan, Howard. Al-Macaraya, Batua. 1996. A Maranao Dictionary. Honolulu: University of
Hawaii Press.

Taong 1996 nang inilimbag ang nakuha ng mananaliksik na diksyunaryo. Rebisyon ito ng 1967 na edisyon ng nasabing diksyunaryo. Una muna siyempreng ipinakita ang listahan ng mga pagdadaglat na gagamitin sa diksyunaryo. Kasunod naman nito ang Introduksyon kung saan inilahad ang dami ng bilang ng lahok na isinama sa pagsulat ng diksyunaryo. Ipinaliwanag ding karamihan sa mga lahok ay nagsisimula o mga salitang ugat. Ang ilang mga lahok na may halimbawang pangungusap na nasa wikang Maranao ay nasa wikang Ingles. Nasa wikang Ingles ang diksyunaryo mismo. Marami ring isinamang mga katawagan sa iba’t ibang halaman. Nilinaw ring dahil sa marami ngang inflectional affixes ang wikang Maranao, hindi makikita ng mambabasa o gumagamit ng diksyunaryo ang lahat ng mga anyo ng isang pandiwa, halimbawa. Pinalawig pa ang panimulang bahagi sa pamamagitan ng paglalahad ng isang Phonological Survey, Parts of Speech na nahahati sa Pronouns, Particles, Adverbs, Conjunctions, Exclamations, Ligatures, Nouns, Adjectives, at Verbs. Sa bahaging Verbs, hindi pa rin nawala ang maikling pagpapaliwanag tungkol sa Verbal Inflection, Voices, Mode, Aspect, Tense, etc. Makikitang kahit na hindi ganoon kadetalyado ang dictionary proper ng pandiwa, nagpaliwanag naman ang may-akda tungkol sa paglalapi sa mga pandiwa. Nauna ang Maranao to English na may mga titik A, B, D, G, H, I, K, L, M, N, O, P, R, S, T, W, at Y. Sumunod naman ang English-Maranao Index.

Sullivan, Robert. 1986. Maguindanaon Dictionary. Cotabato City: Notre Dame University.

            Hindi lamang mga lahok na nakaayos alpabetikal ang nakasulat sa diksyunaryo kundi mga bokabularyong listahan tungkol sa pagbibilang, fraction, sukat, buwan (ng taon), oras ng pagdarasal, kulay, panghalip maging ng mga pangalang panlalaki at pambabae na ginagamit ng mga mananalita ng wika. Maliban pa roo’y may mga artikulo tungkol sa gramatikal na aspeto, lalung-lalo na sa morpolohiya’t ortograpiya ang isinama sa unahang mga pahina bago ang mga lahok na talaga. Maaaring nilayon ng may-akda na maipakilala muna nang husto ang struktura ng mga salita sa wikang Maguindanaon nang hindi mahirapan sa pag-unawa ang gagamit dahil nga naman sa hirap ng usaping tungkol sa paglalapi, partikular sa mga wika ng Pilipinas, lalung-lalo na sa mga pandiwa. Ang mga lahok ay nasa wikang Maguindanaon. Ang bahagi ng pananalita’y nasa wikang Ingles (nakadaglit), at ang mga kahuluga’y nasa anyong pangungusap sa maraming pagkakataon.

III. PAGKATUTO

A. Wika bilang Instrumento

Acraman, Medaylin Bertudan. 1976. Deceptive Cognates of Cebuano, Maranao and Pilipino (thesis).
University of the Philippines – Diliman.

            Nilayon ng papel na ilista at alamin ang mga deceptive cognate ng Cebuano, Maranao at Pilipino dahil sa nalilikhang kalituhan ng pagkakaroon ng mga salitang may parehong anyo ngunit magkaiba ang kahulugan. Sinuri ng may-akda ang mga deceptive cognate ng Maranao-Pilipino, Maranao-Cebuano at Cebuano-Pilipino. Gumawa siya ng pagsusuri sa anyo, kahulugan at distribusyon ng mga cognate na ito para maiangat ang mga problema sa pagkatuto ng mag-aaral na natututo ng bagong wika. Ipinakita rin ang mga salitang taboo sa isang wika ngunit tinatanggap naman sa isa. Tinalakay rin ang problema sa pagkatuto ng bagong wika kaugnay sa kaligiran ng pagkatuto ng unang wika. Nalaman ng mananaliksik na ang ilang mga salitang ginagamit sa pag-uuri ng mga bagay sa Maranao ay maaaring maging parehong anyo ng salitang ginagamit sa pag-uuri ng mga aksyon o kilos sa Pilipino at vice versa. Napag-alaman ding maaaring magkaroon ng pagkakapareho sa bokabularyo ang magkaibang wika.

 Dirampatan-Sharief, Hadja Mujahidah Minang. 1947. A Comparative Analysis of Maranao Discourse
Patterns at Home and in School (thesis). University of the Philippines – Diliman.

            Sinubukang ilarawan, ihambing at suriin dito ang mga pattern sa diskursong Maranao sa tahanan at sa paaralan. Kinilala ng mananaliksik ang mga stratehiya sa komunikasyon, maging information-based man ito activity-based o negative feedback, stratehiya sa error-correction at general communicative behavior bilang isang guro ng silid-aralan. Iniaangat ng saliksik ang kahalagahan ng kalinangan ng bata at iba pang sosyo-kultural na bagay na makaaapekto sa pagkatuto. Sinasabi sa saliksik na ang wika ng tahanan ay isang sentral na bahagi sa pagiging matagumpay sa pag-aaral. Kailangan daw kilalanin ng isang guro ang socio-affective development at cultural predilection ng mga mag-aaral.

Skoropinski, Xinia. 2013. An Exploration of the Responses of Stakeholders to a Mother Tongue-Based
Multilingual Education (MTB-MLE) Programme being Implemented in Pilot Schools in
Mindanao, Philippines. Manila: SIL International.

            Nilayon ng pag-aaral na makita ang epekto ng MTB-MLE sa mga gawain ng guro sa loob ng silid-aralan at sa mga gagamiting materyal sa pagtuturo. Hindi lamang sa kadalasang napupunang mas nakauunawa at mas nakikihalubilo sa klase ang mag-aaral kapag ang kanyang unang wika ang ginagamit sa kanyang edukasyon sa akademya ngunit napansin din ng may-akda, mula sa kanyang mga ginawang pagmamasid at pagtatanong na mas mabisa ang pagtuturo ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Sa ibang salita, mas nakapagtuturo sila nang mas maluwag sa kanilang mga klase nang hindi sila nahihirapang ipaliwanag dahil inang wika nga naman nila ang kanilang gamit sa pagsasalita sa harap. Usapin na ito ng pagkakaroon nga ba ng bisa ng at pagtingin sa “pambansa” na wika. Magkakaroon lamang nga raw ng problema kung magkaiba ng inang wika ang estudyante at kanyang guro. Hindi lamang din puro aralin ang mas nauunawaan sa loob ng klase kundi mas nakikita ng bawat isa ang nararamdaman ng bawat indibidwal sa loob ng silid dahil sa unang wika ang ginagamit sa pakikipagtalastasan.

Tabell, Babylita A. 1948. Mga Gamit ng Filipino ng mga Mag-aaral na Maranao ng Mindanao State
University High School (thesis). Lungsod ng Marawi.

            Isinagawa ang pag-aaral upang malaman ang mga gamit ng Pilipino ng mga mag-aaral na Maranao at matiyak kung anu-anong mga salik ang maaaring maging hadlang o tulong sa pagpapalaganap ng wikang pambansa. Napag-alaman ng mananaliksik na karamihan ng mga mag-aaral ay bilingual o multilingual na nakapagsasalita ng Sebuano, Pilipino, Ingles bukod pa sa katutubong wikang Maranao. Napag-alaman niya ring mas nakikinig ang mga bata kapag nasa wikang Maranao ang isinasagawang pagtalakay ng isang guro sa loob ng silid-aralan. Halos hindi raw ginagamit ang wikang Pilipino. Sinabi ng mananaliksik na ang paggamit ng Pilipino ay iniuugnay sa katayuan ng kausap, katangian ng sitwasyon, tagpuan ng interaksyon at domain na kinabibilangan. Nagkakaroon ng mataas at mababang pagtingin sa mga wika na nagsisimula pa lamang sa mataas na paaralan. Hindi ganoon kalalim malamang ang ginagawang pagtalakay sa ganitong antas ng pag-aaral para sa mga high school student. Ang struktura marahil ng wikang taal sa isang mag-aaral ay magiging mas madulas para sa kanya kung kaya’t nagkakaroon talaga ng pagpili at pagtanggi’t paglimot.

B. Wika bilang Kaalaman

Abas, Nasarudin. 2008. Mababasa at Maisusulat Mo rin ang Maguindanaon (Maguindanaon-Filipino).
Manila: SIL Press.

            Nilinaw ng akda sa simula na siya ay para sa mga mananalita ng Maguindanaon na nakababasa at nakasusulat ng Filipino ngunit hindi pa ganoon kasanay sa pagbasa at pagsulat ng kanilang sariling wika. Sa madaling sabi, tinuturuan lamang ng akda ang mga mananalita ng Maguindanaon na isulat at basahin ang kanilang wika. Ang unang bahagi ay tungkol sa alpabetong Maguindanaon na mayroon daw A, B, K, D, E, G, I, L, M, N, NG, P, S, T, U, W at Y. Mayroong mga pagsasanay tungkol sa mga bokabularyong natutunan sa simula. Mayroon ding madiing pagtalakay sa pagiging tahimik (silent) ng phone na e sa wika, na kahit na may katangiang ganito, kinakailangan pa ring isulat sa pagbabaybay ng salita. Mayroon ding halimbawang maiikling kuwento at pagsasanay matapos ang mga kuwento. Mayroon ding paliwanag sa pagkakaiba ng tunog ng i at e, maging sa o at u. Tinalakay rin ang tungkol sa kambal-patinig na ai at au. Sa huling bahagi ng mga aralin, matatagpuan naman ang paggamit sa kudlit na pagtuturo.

Butler, Dan. Butler, Mary. 1987. Maguindanaon Language Lessons. Manila: SIL.

            Ang mga teksto at araling nakapaloob sa akda ay kinuha mula sa Dalican, Munisipalidad ng Dinaig, Maguindanao. Ang akda ay nagtuturo ng mga aralin tungkol sa pakikipag-usap gamit ang wikang Maguindanaon sa pamamagitan ng mga payak na pangungusap. Sa unang hanay’y nasa wikang Maguindanao at sa kabila’y tumbas sa wikang Ingles. Hindi lamang mga payak na pangungusap-pakikipagtalastasan kundi maging bokabularyo ay isinama sa mga aralin. Mayroon ding mga aralin tungkol sa pandiwa kadikit ng speaker (nagsasalita) at hearer (nakikinig) na kinapapalooban ng paggamit. Mayroon ding mga aralin tungkol sa mga marker maging sa kultural na pagpapahalaga kung bakit ganoon na ang naabutan sa wika ng mga mananaliksik noong mga panahong iyon. Tinalakay rin ang mga dagdag pang gramatikal na pagpapaliwanag tungkol sa paggamit ng pandiwa tulad ng focus, aspeto, panahunan, etc.

Fleischman, Eric. Glang, Nasrullah. 1981. Ipembibitiyala sa basa a Magindanawn, Pilipinu endu Ingglis sa uman gay (Phrase Booklet in Magindanaon, Pilipino and English). Manila: SIL Press.

            Nilalayon ng akda na makatulong sa mga mananalita ng Magindanaon na makipag-usap nang maayos sa mga mananalita ng Pilipino at Ingles. Ginamit lamang ang dayalek na Taw sa Ilud (na malawakang ginagamit sa Lungsod ng Cotabato) para maiwasan ang pagkalito sa pagitan ng iba pang dayalek ang mangyari. Mayroong tatlong hanay ng mga pangungusap pampakikipag-usap: Magindanaon-Pilipino-Ingles. Ang mga pangungusap ay maaaring mga tanong at maaaring mga sagot sa mga tanong na ito. Ang iba nama’y maaaring maglarawan sa ginagawa ng isang nagsasalita o iba pang maaaring masabi sa kanyang kinakausap na nasa mga pinakapayak na pamamaraan. Hinati sa iba’t ibang kategorya ang mga pangungusap na ito. Halimbawa’y mayroong tungkol sa mga lugar, pamilya, etc. May ilang mga bahagi ring mga hanay ng mga salita lamang bilang pagpapakilala ng bokabularyo halimbawa ng mga parte ng katawan, mga nabibili sa palengke, panahon (araw, buwan, etc.), pagbibilang, etc.

Macaraya, Batua. Macaraya, Engracia. 1991. Maranao Words and Phrases. Iligan City: University
Research Center.

Inamin ng mga may-akda na wala silang pormal na pagsasanay sa lingguwistika. Nilalayon ng akda na makapagturo ng wikang Maranao. Pinasimulan ang akda sa ortograpiya ng Maranao. Sumunod ang Parts of Speech, kasunod ang pagbuo ng mga parirala at pangungusap. Halos kapareho ng pagtatalakay na sinulat sa akda ang pagtalakay mismo ni Howag McKaughan sa nasabing wika. Sumunod na ang mga halimbawang diyalogo. Mayroong dalawang hanay para sa bahaging ito: Nasa kaliwa ang Maranao at nasa kabila naman ang mga salin sa Ingles. Parang nagtuturo ng isang wikang banyaga sa isang mag-aaral sapagkat nagsimula ang pagtuturo mismo ng pormal na pagbati, pamamaalam, pagpapakilala ng sarili, etc. Nakahiwalay ang mga pormal at ‘di pormal na pagpapahayag. Nakasama rin ang oras, pagtawag sa telepono, mga okasyon, at paghingi ng paumanhin. Maging ang mga usaping sports, laro, pag-iingat, hayop, pamimili sa tindahan, transportasyon, at paglilibang ay kasama. Sa huling bahagi ay mga kuwento nang isinulat o maaaring oral na naipasa (noong unang panahon) na nasa wikang Maranao.

Maranao Grammar. Peace Corps Volunteers Language Program.

            Ang mga may-akda ay banyaga. Nilinaw ng akda na hindi ganoon kakumpleto ang ginawang grammar, at hindi naman pinilit kumpletuhin. Tinutulungan ng akda ang mambabasa na maunawaan ang mga karaniwang pang-araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Maranao sa mga baryo. Nagsisimula ang pagtuturo mula sa pagbibigkas ng mga patinig at katinig saka na isinusunod ang mga salitang ginagamit sa Maranao para sa katumbas ng kanilang Ingles sa Demonstratives, Nominatives, Genetive-Datives, at Deictics. Mayroon ding bahaging Existential Sentences, Pagtatanong, Pagtanggi sa Existence ng isang bagay, Negatives at Negations. Isinama pa ang Personal Pronouns na kanila namang ikinategorya. Kasunod na rito ang Datives. Sa bahaging Pandiwa naman ipinaliwanag ang mga kadalasang ginagamit bilang mga karaniwang panlapi, maging ang pagsasalaysay na nasa panghinaharap na panahunan. Mayroon ding Imperatives. Tinalakay rin ang iba’t ibang Subject Marker ng Maranao. Samakatuwid, ang mga simpleng pagbibigay ng mga halimbawang salita, parirala at pangungusap upang maipakita lamang ang pagkakasunud-sunod ng bawat bahagi ng pananalita sa pakikipag-usap ay tinalakay sa akda.

Ward, Robert. Ward, Mariel. 1968. Puganadan: Maranao. Manila: Bureau of Public Schools and Institute of National Language of the Department of Education.

Binanggit sa simula ng akda na ito ay inihanda upang magamit sa pagtuturo sa mga Maranao na mabasa ang kanilang sariling wika. Sinasabi nito na ang alpabetong Maranao ay mayroong A, B, D, G, H, I, K, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y, at impit. Ang unang bahagi ng akda ay pagtatanghal sa isang titik na nakasulat halimbawa na: Aa, sa ilalim ng isang larawang nakaguhit. Inuna ang mga patinig na A, I, O at U. Sumunod ang mga katinig. Sa bahaging ito ikinakabit ang mga patinig na unang tinalakay upang makabuo ng mga pantig. Halimbawa, sa S, mayroong SA, SI, SO, at SU. Ang pagkaksunud-sunod ng mga katinig ay S, M, L, R, N, P, T, K, B, D, G, W, Y, H, at NG. Ang impit ay nasa simbolong kudlit. Sumunod ang mga KPK (katinig-patinig-katinig) na pantig at panghuling bahagi ay mga payak na pangungusap sa pakikipag-usap bilang ensayo ng mag-aaral sa pagbabasa. Malinaw sa simulain ng akda na mayroong talatinigan ang wikang Maranao ngunit nang gumamit na ang mga awtor ng alpabetong Romano’y mapapaisip ang mambabasa na banyaga na ang konseptong ipinapasang matutunan sa mga Maranao.