January 28, 2012

Oo, Putang Ina

Pagsusulatan?


Sa likod ng notebook ko. Ang linis e. Hindi ako makatiis sa mga empty spaces sa notebook ko. Ayaw ko rin ng mga hindi pantay na bagay. Punung-puno yung kaliwang bahagi ng notebok kong malupit tapos yung kanang part e walang laman? Naaatat talaga akong sulatan ang mga blankong papel. Kahit siguro mag-drawing lang ako ng nakatayong taong naggigitara, masaya na ako para sa likod ng notebook ko. Minsan, kapag tinatamad akong kunin yung notebook ko, ita-type ko muna sa notes ng iPod o cellphone ko. Saka ko lang sila isusulat kapag may time na o nasa mood na akong tumae. Sa mga blankong yellow pad, notebook, quiz booklet at ticket sa bus, maraming salamat.



Panulat?



Ballpen. Black. Panda or Pilot masaya na ako. Babaliin ko sa harap mo ang ireregalo mo sa aking G-Tech or whatever sign pen, or sobrang tulis na pen. Naiirita ako sa mga ganung klaseng pen. Kung hindi nabubutas yung papel na sinusulatan ko e nawawalan ng itatae yung ballpen na yan sa akin kasi sobrang diin ko magsulat. Kapag nagsulat ako e bumabakat sa tatlong papel. Tanggap ko na rin ang MS Word para sa pagsusulat. Okay na yung mga daliri ko sa keyboard. Masaya na silang katatalon sa mga titik kaya kahit sobra-sobra ang pagsabog na pinagpuputok ng butsi ko, mas mabilis na nasusundan ng mga daliri ko sa keyboard ang daloy ng aking mensahe kaysa sa pagsulat ng aking kanang kamay sa papel. Masaya rin namang may draft na akong naisulat sa likod ng notebook ko bago ko siya ilipat sa laptop ko.



Eh ano naman?



Wala lang. Naaatat talaga ako. Parang super call of nature. Hindi ako mapakali kapag hindi ako nagsusulat. Hindi ako makagawa nang maayos ng mga gusto kong gawin kapag nananawagan ang mahiwaga kong ballpen at nagdudugong utak. Feeling ng inner side ko, gusto niya talagang ilabas ang gusto niyang sabihin dahil araw-araw niyang isisigaw yung gusto kong isulat hanggang sa bumigay na ako sa paninigaw niya at magsisimula na akong isipan ng malupit na intro yung naisip kong akala ko'y malupit na paksa o kahit isang malupit lang na linyang naisip ko. Mula sa isang maliit na obserbasyon sa masarap pagtripang mga tao o kaya magandang punch line o astig na kumento, marami nang gustong idagdag ang aking naiisip. Hanggang sa nakakabuo na ako ng maraming pangungusap, ideya, paksa, talata, hanggang sa gusto ko na talagang isulat dahil baka makalimutan ko yung iba.



Eh para kanino?



Para sa akin. Masaya akong binabasa ko ang sarili ko. Masaya ako sa mga nagawa ko kasi ang saya sa feeling nang may natapos at binabasa. Para sa mga pinatatamaan, para sa masa, para sa mga mokong, mga papansing katulad ko. Para sa mga Pilipino, para sa kabataan, para sa mga tanga, para sa mga nagtatalinu-talinuhang katulad ko, para sa mga bobo, para sa mga tao. Para makahanap ako ng tamang paraan, para sa kapwa ko, para sa mga kaibigan ko, kasama sa buhay. Para sa kanila, sa inyo. Para sa mga jologs, para sa mga fans ni Justin Bieber, para sa mga mahilig sa musika, sa laro, sa pagkain. Para sa isang taong may masayang pagtingin sa buhay at kakaibang pagtingin sa mga tao.



Kung manunulat ako, gugustuhin kong mabasa ang mga sinusulat ko. Gugustuhin kong makapagmulat ng isipan, makatulong sa panitikan ng Pilipinas at makapagpasaya ng aking mga mambabasa. Kung manunulat ako, layunin kong tumatak sa isipan ng mga Pilipino. Hindi ko hinahangad na sumikat bagkus ay luminaw lamang ang pagtingin ng mga tao sa mundong aking ginagalawan. Gusto ko lamang makita nila ang mundo kagaya ng malabo pa ring pagtingin ko rito. Kung manunulat ako, gusto kong masipa ang damdamin ng mga tao, makiliti sila o kaya'y mapaisip sila sa mga sinasabi ko. Kung manunulat ako, may pakialam ako, magtatanong ako nang magtatanong, pipilitin kong sagutin ang aking mga tanong, maghahanap ako, makakahanap ako at magpapahanap ako.


creds

Urbana at Feliza


Freshie: Ate, kinakabahan po talaga ako. Isang week pa lang, takot na takot na ako. Haha. Patulong naman po. Kahit konting advice lang po. Hehe.


Upper: O ano, kumusta naman ang first week mo sa klase, sa school? Hassle no? Ang daming kailangang ipasa na feeling mo e hindi mo naman magagamit nang buo at nagsasayang ka lang ng pera. Pero, sinasabi ko sa iyo, kailangan mong gawin, ang dami mo ring dapat bilhin, lahat ‘yan ay kailangang matupad sa ayaw at sa ayaw mo kasi ayaw nating lahat na napapagalitan at napapahiya.


At dahil matagal na akong nag-aaral dito, (Huwag mo nang itanong kung ilang years na! Mahirap lahat dito! Mahirap makapasok, mahirap sa loob, mahirap din makalabas!) at alam ko naman na kung anong oras na naman ako matatapos magpo-procrastinate, bibigyan na lang kita ng mga advices na sa tingin ko e makakatulong para maka-survive ka naman kahit papano at heads up na rin sa nakakagulat at nakakaasar na mga pangunahing ipinapatupad sa school, para ngayon pa lang magsisi ka na at makapag-isip nang maaga kung ayaw mo ng ganitong buhay.


Huwag na huwag mong kalilimutang magsuot ng ID, unless kilala ka na ni Papa Guard. Dahil sa dinami-dami nang pumapasok dito para sa mga kung anu-anong bagay, maganda na rin yung hindi ka pinaghihinalaan ng mga tao sa loob ng campus, lalung-lalo na ng mga prof at ng mga papa guards. Hindi naman sigurong nakakatuwa kung haharangin ka na lang maya’t maya ng mga matatanda.


Huwag mong masyadong gawing bonggacious nang bonggang-bongga ang iyong hairstyle. Yung tipong, kulay parrot (huwag ka na lang magpakulay kung hindi naman talaga kinakailangan), sintaas ng mga punk sa internet, sintigas ng buhok na parang sa Statue of Liberty. Una sa lahat, nakaka-distract kang tingnan at ayaw ng mga prof dito na nakaka-distract kang tingnan. Pangalawa, gusto ng council dito na iisa lang ang nakikita nila sa mga estudyante. Ayaw nilang may bigla na lang naiiba. At diyan na rin papasok ang uniform kasi nga gusto nila ng ‘uniform’ na populasyon sa campus. Nako, ngayon pa lang ay magba-bye ka na sa mga alahas mo sa katawan, kahit yang mga baller na yan. Suwerte mo kung walang nakapansin sa mga iyan sa una mong linggo. Kapag nakita yan ng mga matatalas na mga mata, kukunin iyan sa iyo at puputulin sa harap mo. Kapag medyo mahal e baka kumpiskahin na lang nila at ibenta sa magpagkakakitaang presyo – pero teorya ko lang naman yan. Para na naman sa pagtataguyod nila ng iisang paniniwala at iisang pagtingin, huwag mo munang kulayan ang iyong katawan pag nasa campus ka na.


Syempre girl, kapag naka-PE uniform ka na, baka bumakat ang iyong bra. Baka naman may mga hindi ka rin colorful na bra. Bahala ka, baka ipatanggal sa iyo yung bra mo. Joke! Pero please, iwasan na lang natin talaga ang masita nang masita at magkaroon ng rekord sa office. Nako, ayaw natin ng ganyan!


And last, but not the least, para sa ikagaganda na rin ng reputasyon mo, maligo ka bago pumasok ng school. Dapat neat kang tingnan kaya para kahit nakalimutan mo ang ID mo, na sana’y hindi mangyari sa’yo, hindi ka pagsusupetsahan ng mga papa guard at mga taong naghahanap ng mapagtitripan sa campus bilang masamang tao o kung anupamang makapagpapapangit sa image ng school natin.


Napansin mo na siguro ang pagdadasal before and after class. Masanay ka na. Pero siguro naman, nung elem e tinuruan na rin kayo magdasal, before and after. Okay na rin siguro yung feeling na humihingi ka ng guidance from God sa mga makakasalamuha mo pang mga tao dito sa campus. Ipag-pray mo rin na sana hindi maalala ng prof na may quiz kayo that day, na submission niyo na pala ng requirements, may exam pala kayo or recitation, report, at malay mo, malay mo lang talaga, sagutin iyan at malimutan ng prof ang lahat, kasi, sa DAMI talaga ng gagawin mo rito, iwiwish mo talagang ma-delay ang ilan sa mga gawain. Siyempre dun sa prayer after class magpapasalamat ka, pero kapag naalala ng mga prof mo, baka tanungin mo si Lord kung bakit niya ginawa iyon sa iyo, kung bakit ang hirap-hirap ng quiz or exam. Bale makakapag-reflect ka sa sarili mong ang tamad-tamad mo pala at hindi ka talaga nakulangan sa oras. Masaya rin magdasal no? HUWAG na huwag ka ring gagalaw kapag Angelus time at 3 o’clock Prayer time kasi pagagalitan ka rin. Magbigay ka na lang ng paggalang, saka ka magwala sa bahay kapag nakauwi ka na.


Ang pagkuha ng 12 units of Theology ay requirement din kaya dehins ka makakaayaw sa mga subjects na yan. Pero malay mo, makaramdam ka ng ‘calling’ o ‘pagtawag’, para sa pag-aalay mo ng iyong sarili sa ating Panginoon. Huwag sanang ‘calling’ ng magulang mo kasi bagsak ka. Hahaha!


Marami ring fee ang mae-encounter mo rito – Donation Fee, Powerplant Fee, Energy Fee, and so on. Nako, kailangan mo talaga Magtim Fee sa mga fee na yan kasi required din sila. Kailangan bukal sa loob, pero required. Required na DONATION FEE. As in. Magbigay ka na lang kung gusto mong manatili sa school.


Kung may ‘calling’ ka naman sa ibang mga bagay tulad ng pagtataguyod ng iyong sariling Org or whatever council, lahat ng mga iyan ay dadaan sa Admin. Nako, kung ako sa’yo, hindi na ako makikipagkilala o makikipagbanggaan sa Admin. Pero kung gusto mo, sige, BAHALA KA. HUWAG MONG SABIHING HINDI KITA BINALAAN. MAGSISISI KA BAHALA KA.


Ay ito pa pala, may mga camera everywhere sa school. Huwag kayong magkukumpulang magkakaklase dahil oras na naabutan kayong magkakadikit at mukhang nagp-planong team sa basketball, muli’t muli, lagot na naman kayo sa mga papa guard, or council, or prof, or kung sinumang walang mapagtripan. Mag-smile ka na rin kung may time ka sa mga camera na madadaanan mo para magmukha ka namang mabait sa paningin nila. Pero huwag naman araw-araw kasi, kahina-hinala rin naman pag ganon.


Yung mga school supplies mo pala, sa susunod, sa school mo na bibilhin. Sayang lang yung mga pinamili niyo sa National kung ngayon mo lang ito nalaman. Gusto rin siguro ng pamunuan e pare-pareho lang tayo ng ginagamit. Parang wala na tayong pinagkaiba sa mga factory workers, iisa itsura, iisa ang gamit. Pero drama ko na lang yan, chos!


Huwag na huwag ka rin sasalampak o uupo sa mga corridors at hall ways. Pagtitingnan ka ng mga tao, kasi ikaw lang ang gagawa ng ganun, kahit na lahat naman tayo e gustong magpahinga kung saan dadapuan ng pagod. Marami namang benches sa campus e, kaso nasa initan. Ayaw lang nilang magmukha tayong pulubi, kahit na alam nilang hindi naman sila nagpapapasok ng pulubi. Ayaw nilang magmukhang makalat ang hall ways at corridors kahit na alam naman nilang naka-proper attire tayo at may ID at all times.


Kapag may discussion kayo sa loob ng classroom, huwag na huwag mong tatanggihan ang prof. Puwede kang magtanong pero ang tanong mo e dapat may hindi ka lang naintindihan o narinig o may gusto ka lang ipaulit. Hindi mo puwedeng i-engage sa isang debate ang isang prof para lang ma-prove mo na mas tama ang iniisip mo, kahit na feeling mo talaga, tama ka. LAGING tama ang mga prof dito. Sumunod ka na lang sa mga sinasabi ng modules at huwag nang kuwestiyunin ang kanilang mga sinasabi. Magbabasa ka na lang, makikinig at magtatanong ng hindi narinig. Kapag may assignment, sa module o book nilang ini-require ka na lang tumingin. Nandun naman na siguro yun. Huwag ka nang mag-research pa sa internet, dahil kahit na tama at may point ang mga isasagot mo, ang isasagot lamang na TAMA ng prof mo e yung mga itinuro niya at yung mga nakasulat sa module o book na memorize na niya cover to cover.


Huli sa lahat, pag aalis ka na sa school at nakatapos ka (na sana ay matupad naman sa takdang oras. Haha!), ibabalik mo nang bukal sa loob ang mga BINILI mong libro. O diba, ang saya-saya.


Sana manatili ka rito gaya ng mga ginawa ko para maka-survive in an environment like this school. Sinabi ko na ang ilan sa mga bagay na puwede mong magamit at matandaan para makatulong na rin sa iyo.


Freshie: Wow, Ate, thank you po!


Upper: Good luck!