Yakapin mo ako hanggang sa hindi ko na makilala pa ang aking sarili. Hihintayin kong gapusan ako ng aking mga panaginip hanggang sa maging mahirap nang kusa ang aking mga paghinga. Lagutan mo na ang aking mga pagod at pangarap, hayaan mo na akong malunod sa payapang aking natatanging inaasam. Layuan mo ako kaagad dahil hindi na ako magiging mahalaga pa. Layuan mo ako't palaring mapag-isa 'pagkat anong yari ba ang manatiling mate na lamang sa kinalalagyan. Huwag mo na akong guluhin dahil gulung-gulo na rin ako sa mga eksenang nakapalibot, mga huning pakilabot, halu-halong mga boses, kanya-kanyang pamamalakad.
Iwan mo na ako't dinggin ang kanilang mga nararapat. Ako'y bato na lamang na himlay rito't magpapaalala. Iwan mo lang din diyan ang maligamgam na tasa ng aking kape. Saka mo na akong balikan 'pag naisip mo nang bilhan ako ng pandesal sa umaga. Gusto ko yung manamis-namis, parang maghahalik muli ang matagal nang pinaghiwalay! Kahit pang dalawang buwang inaabangan ang paglubog ng kinang ng araw, alam kong alam mong mas mainam pa ito sa pagsapit ng ating gabi, ng aking huling pahinga.