Gumising
na ako. Alam ko, yes, alam ko na kung bakit ako gumising, bumangon. Bumangon
ako kasi alam kong nangangatal na naman yung mga hindi ko gustong yosi na yan.
Alam kong ayaw ko nang magyosi pero gusto ko pa rin. Ginugusto ko, madalas,
paggising, magyoyosi na lang ako. Tapos puro pag-iisip, pag-uusap na lang ng
buong mundo yung gusto kong makita. Galit pa rin ako sa mundo kung kaya't
pinili ko na lamang na sirain lahat ng pupuwedeng sirain. Tulad ng ganito. Sira
ka ba, Martin? Sirang-sira ka naman talaga. Pero walang ibang nilalang ang
makapagsasabi sa'yo na sira ka, na sirang-sira ka. Ikaw lang. Ikaw lang ang may
hawak sa mundo mo, sa mundo mong ayaw na ayaw mong isinasabay sa mundo nila, sa
mundo ng marami, sa tunay na mundo. Galit ka na rin naman kasi, matagal na, sa
mga tunay, totoo, taos, tira-tira. Tira-tira ka na lamang sa mga pekeng
nilalang na gustung-gusto na rin isuka ng mundo. Pero pakialam nga ba ng mundo
sa'yo. Ikaw lang din naman ang may hawak sa sarili mong yosi, sa sarili mong
kapeng ikaw mismo ang nagtimpla kasi para sa'yo lang naman talaga iyon. Mahal
na mahal mo ang kape, yosi, tara.
Sinubukan
ko nang sipsipin yung unang higop ng caffeine. Mainit! Putang ina. Galit na
galit ka rin sa init, minsan. Minsan din, okay lang sa'yong naglalakad nang
malayo para lang matuwa yung mga bagang araw-araw mong pinagtitripan. Tiningnan
ko na yung cellphone ko kung may nagtext, kung nagtext ka. Alam ko na rin
siguro kung bakit ko tiningnan yung phone ko kahit na alam ko sa sarili kong
katangahan na hindi naman siya tumunog. Wala na rin akong pakialam kung sira na
naman yung bait ko at kung bakit madalas kong nakakalimutang hindi naman pala
na gumagana yung maraming bahagi ng katawan ko. Ikalawang higop, medyo mainit
na lang. Minabuti kong isipin kung may magigising sa mundo kapag nagpatugtog
ako ng sarili kong musika. AY. Mali. Hindi ko naman sarili yon. Dinownload ko
lang, tapos nasa cellphone ko. AY. Hindi rin naman ako yung gumastos para sa
cellphone ko. Humigop nang muli sa yosi, AY. Hindi rin naman ako yung
nagpapatakbo ng pitaka ko. Ako na lang palagi yung tagagastos, tagasayang,
tagasira. Sira ulo.
Ikatlong
higop ng kape. Okay na. Okay naman talaga ako. Okay naman na ako. Hindi naman
ako mahilig magmadali kahit na ayaw kong naghihintay. Ayaw ko minsang
naghihintay pero okay lang din naman sa aking maghintay basta sumunod lang
lahat ng nilalang sa lahat ng sinasabi nila. Gusto ko lang namang sumusunod ako
sa lahat ng sinasabi nila. Sira ulo. Ikaapat. Yosi. Sindi. Sarado. Liyab. Usok.
Great. Gusto ko na talagang buksan yung Coldplaylist para lang makigaya sa trip
ng ibang nilalang. Nakikiuso. Hindi pauso. Pausok. Sira ulo. Ikalima. Ikaanim.
Babayu. Gusto ko nang maligo. Actually, kailangan ko na yatang maligo. Miss ko
na rin yung dampi ng kadalisayan minsan sa katawan ko kahit na panlabas lang.
Nakakatakot na minsan lumabas ng mansyon tapos mukha kang hindi pinaliliguan ng
nanay mo. Kahit na alam mong wala talaga akong pakialam sa kanilang lahat.
Minsan, may pakialam naman ako, kapag siguro malapit na akong mangamoy. Kahit
na hindi ko naman talaga alam kung nangangamoy na ako o kung ano nga ba talaga
yung amoy ko. Ang alam ko, wala akong amoy. Sira ulo.
Niligpit
ko na yung pinaggamitan kong isang tasa. Pati yung ash tray, nilinis ko na rin,
yata. Umakyat na ako sa kuwarto namin at kinuha ko na yung aking
t-t-t-toiletries. Pumili ng shirt na maluwag. Brief. Tuwalya. Bimpo. Mami.
Bumaba na ako para makapasok sa banyo. Binuksan ang ilaw. Nilapag ang mga dapat
ilapag. Naghubad. Nagtupi. Naligo. Nagsipilyo. Nagbihis. Umakyat. Nagligpit. Ng
gamit. Ng sarili. Ng buong mundo. Sira ulo. Matapos makipagtagisan sa mga
pabango at iba pang walang kuwentang bagay na madalas bigyang-kahalagahan,
bumaba na ako para ilayo ang aking sariling buhok sa tanyag na si Tarzan. Ugh.
Fuck. Minsan, gusto ko na talagang magpagupit pero ayoko pa talaga. Hindi ko pa
rin nakikita kung anong meron sa buhok ko kapag hindi siya napagtripan ng
maraming barbero sa perya. Okay? Uh. Okay? Okay na ba 'to? Tss. Okay na yan.
Sira ulo puwede na yan!
Buhat
ang aking napakabigat na bag, lumabas na ako. Handa para maglakad tungo sa iba
pang mga nilalang na galit na galit din.