Nasanay na rin akong gumising nang may alarm clock (sa cellphone). Hindi na ako nakaranas noon na gumamit ng sarili kong tunay na alarm clock pero naabutan ko pa dati yung sariling alarm clock ng nanay ko. Square ang hugis noon tapos glow-in-the-dark ang minute at hour hands. Nawawala naman din after some point sa dilim yung liwanag so hindi mo rin makikita yung oras 'pag nagising ka na sa madaling araw. Regardless, naririnig ko ito minsan dati kapag gumigising ang nanay ko para sa opisina sa Makati. Galing lang din siya sa aming bahay at araw-araw bumibiyahe.
Kaya, nasanay lang kaming magkakapatid na gumising nang madaling araw kung ayaw naming mahuli sa aming pupuntahan, lalo na kung araw ito mismo ng pagpasok. Hassle lang din kung sakaling hindi ako makaabot sa flag ceremony dahil kukumpiskahin ang ID ko ng kung sinong department head ang malakas ang saltik sa ulo that day. At dahil teenager, mas pipiliin pang madalas na huwag mapahiya kaysa tanggaping masaklap lang talaga minsan ang kalagayan ng bawat paggising ng araw.
Pagkasara ng maingay naming gate, maglalakad lang ako nang kaunti pababa (nasa mabundok na bahagi ng probinsiya ang kinatatayuan ng aming subdivision, maraming taas-baba ngunit sementado naman na halos lahat ng mga kalsada) tungo sa isang matayog na streetlight sa street na daraanan ng jeep na nag-iikot at nagsusundo. Maghihintay lang nang mangilang minuto, minsan ay may kasabay ring naghihintay na kapuwa papasok nang antok na antok din dahil sa madaling araw na alarm.
Sa 'di kalayua'y maririnig na ang maulit-ulit na pagbubusina ng driver. Pababa ito sa aming hintayan (galing sa mataas na bahagi ng street) ngunit hindi naman nagmamadali. Sa katunaya'y sobrang dahan-dahan lang talaga ang pagpapatakbo nito para siguro kung sakaling may gustong humabol (kung marinig man nila ang busina habang sila'y kumakain o nagbibihis o nag-aayos ng gamit) habang aligagang lalabas ng bahay.
Humikab ako sa ikalimang pagkakataon, pagkasakay ng jeep, puyat nang hindi dahil sa assignments o review para sa quiz, long test, exam, o recitation. Tipikal na high school night na walang ibang inatupag kundi talunin ang kung sino mang matatag na online pa rin, mapatunayan lamang sa batchmates na kaya kong magpuyat o hindi matulog, mga weak shit. Tapos magrereklamo dahil masakit ang ulo sa klase o 'di kaya'y magtataka kasi walang matutu-tutunan sa guro. Ibabaling ang sisi ng problema sa sistema ng paaralan at hindi sa tipikal na high school nights.
Patumba-tumba na ang aking ulo dahil sa sobrang antok ngunit ramdam ko pa rin ang presensya ng ibang mga pasahero. Ramdam ko pa rin ang aking bag. Ang pag-alog ng sasakyan sa malubak na daan. Ang ginaw ng madaling araw. Ang kiskisan ng mga kuliglig. Ang paglagapak ng palad sa balat nang makapatay ng lamok. Mga nagbabayad na pasahero. Dilim lamang ang kaibigan ko sa aking mahimbing na pagpikit at bigla na lamang akong nagising.
Malapit nang lumampas ang jeep sa bababaan ko at malayo pa ang susunod na puwedeng babaan. Aligaga akong sumigaw ng para at tumigil naman nang agaran ang jeep with kaunting inertia to bulabog the other passengers. Pagbaba ko, bigla na lamang sumigaw ang driver na hindi pa raw ako nagbabayad. Takang-taka ako dahil ang alam ko, palagi akong nagbabayad tuwing pagkasakay na pagkasakay ko at panatag akong hindi ako pumapalya, kaya sumigaw ako sa kanya pabalik na nagbayad ako.
Sumigaw lang ulit siya na hindi pa ako nagbabayad. Tiningnan ko ang mga pasaherong nakatingin sa akin. Lahat kami, ayaw mahuli sa pupuntahan. Kasabay ng pagkunot ko ng kilay, madali akong kumuha ng singkwenta pesos sa aking wallet at iniabot sa pasaherong nakaupo sa dulong babaan. Hindi na ako muling sumigaw pa pagkaabot ng "ikalawa" kong bayad. Tanggap ko na ring hindi ako sigurado kasi baka sinalimuot lang din ako ng sobrang antok, kahit na maya't maya ring nakikipagsabayan ang kabilang nagbayad naman talaga ako, putang ina, ulyaning driver!
Tumalikod na ako agad-agad sa jeep dahil baka maiwanan na ako ng bus na sunod kong sasakyan. Huli kong narinig na sigaw mula sa jeepney driver na mayroon pa akong sukli. Hindi na ako muling lumingon pa.