February 1, 2010

Anong Connect?

Puwede namang kahit ano ilagay dito hindi ba? Nasimulan ko na ang professor ko sa Ragnarok. Dahil sa napakaraming kabanuan at typo ng una kong entry rito sa kadahilanang bunga lamang ang paggawa ko ng account dito ng insomnia at madaling araw ko nang ginawa iyon, sisikapin kong mas maging makabuluhan, maikli at malinis ang aking ikalawang pagsulat. 

Monday. Unang araw ng Pebrero. Malapit na sanang mag-3. Malapit na rin ang birthday ni Master Isay. At malapit na akong mamatay sa kaba. Naiinis ako umaga pa lang ng aking paggising sapagkat hindi ako nabuhayan ng diwa ng 3:15 - ang isinet kong alarm ng aking cellphone. 3:30 na ako ginising ng aming katulong sa bahay. 

Sobrang madali ako sa pagbangon at dire-diretso hanggang hapag-kainan. Matapos mai-ready at gawin lahat-lahat ng kailangang gawin, natapos ako ng 4:00, sakto lamang sa unang ikot ng jeep para sa araw na iyon. Nasa jeep pa lang ay hinding-hindi ko na alam ang una kong sasabihin kay ___. Hindi ko na lamang inisip iyon kaya inisip ko na lamang na galit ako sa kanya kasi iiwan niya raw ako. 

Pagdating ko ng school mula sa pagsakay ng bus ay may naisip akong dalawang posibilidad na mangyari. Una, papasok nang maaga si ___ para mag-sorry nang mag-sorry sa harap ko, bago ko tanggapin ang kanyang paghingi ng tawad ay sisiguraduhin ko muna kung hindi totoo ang sinasabi niyang iiwan niya ako. Ikalawa, hindi papasok nang maaga si ___ at hindi kami makakapag-usap nang buong araw dahil sa hindi ko siya papansinin kasi galit na galit ako sa sinabi niya. Medyo nangyari ang dalawang hula ko. Inisip ko talagang malaki ang posibilidad na pumasok nang maaga si ___, hindi ko alam kung bakit, basta naramdaman ko lang. WTF?!?!?!?!!?? Kung ako nakarating ng 5:30, siya 5:45. 

Hindi na masama. Pero hindi natupad ang ikalawang parte ng hulang magso-sorry nang magso-sorry si ___, kahit na ayaw kong nagtatadtaran kami ng mga sorry kundi siya ay nagkuwento ng kanyang tatlong problema sa buhay simula noong gabi ng Biyernes nang makauwi siya sa Tanauan. Para sa akin ay hindi na tama kung ilalagay ko pa rito ang tatlong mga suliraning iyon. Basta oo na lang ako nang oo sa bawat pariralang medyo tumitigil siya at pupuwedeng sumingit habang siya ay nagkukuwento. 

Sa pagkukuwentong iyon ay hindi man lamang sumagi sa isipan kong kaya niya ako gustong hiwalayan ay dahil sa isa sa mga problema niyang iyon. Dumaan ang buong oras hanggang sa mag-first period na parang wala akong pakialam sa kanya, pero ang totoo ay gustung-gusto ko na siyang yakapin, kausapin at piliting huwag niya akong iwan. 

First period. Wala ang adviser namin. Hindi ko alam kung suwerte, sapagkat wala na namang ituturong kababalaghan sa amin at hindi pa muna kami masisingil sa aming mga utang at kung malas, dahil sa hindi ko maisip kung ano ang aking ibang puwedeng gawin kasi hindi ako maaaring magsaya dahil badtrip pa ako ng mga panahong iyon. 

Nang bandang dulo na ng period ay nilapitan ko si ___ at sinabi sa kanya na tinext niya ako na iiwan niya ako. Tumango naman ang babae at muli akong umatake ng isang tanong sa kanya na kung gagawin niya iyon. Ang sabi ni ___ sa akin ay ewan niya at makailang-ulit pa akong nagtanong at pagsagot niya ng ewan nang maraming beses bago ko siya iwan sa lugar na pinag-usapan namin. 

Alam kong naging bastos ang aking nagawa sa harapan niyang iyon pero hindi ko naman gugustuhing magdabog at sigawan ang taong mahalaga sa akin. Pinili ko na lamang na talikuran muna ang problemang kinakaharap naming dalawa nang umagang iyon at lumayo na muna sa kanya. Alam ko kung paano akong magalit. 

Dumating ang lunch. Pagkagaling namin sa maikling birthday program na inihanda namin para kay Sir Divina ay nagtungo na kami sa Maceda. 20 minutes na ang nakalipas at wala pa rin ang mga babae sa Faraday. Sumagi sa isipan kong may bine-bake nga pala sila kaya ganoon. Makalipas ang ilang minuto ay nakita kong may dalang tray si ___. 

Bigla na lamang umiwas ang aking mga mata pakaliwa at inisip na sana'y hindi nakita ni ___ ang pagtingin ko sa kanya at biglang paglipat ng atensyon. Lumapit na lamang si ___ sa akin at nagbenta ng pichi-pichi. Ang tangi kong nasabi ay pahingi ng limampiso. Umalis ako nang hindi ako nakatanggap ngunit makalipas ang ilang sandali ay bumalik si ___ at pinapakuha ako ng isang pichi-pichi. 

Muli, hindi ko na naman alam kung matutuwa ako kasi libre at ang sobrang grabeng nasarapan ako sa aking natikman o malulungkot dahil sa hindi ako nakapagpasalamat sa mabuting gawang aking natanggap. Wala rin akong magawa kasi naasar pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang problema namin. 

Pagkatapos nilang mag-ayos sa kanilang HE room ay dumating na si ___ malapit sa aking kinauupuan at may isa pang dalawang pichi-pichi. Hindi ko ito pinansin kahit na laway na laway na ang aking bibig sa pagkuha at paglaspang sa pagkaing inistambay sa harap ko. Wala akong nagawa kundi kainin ang pagkain. 

Nang sumapit ang MAPEH time ay nag-discuss lamang ng mga kaunting requirements si Ma'am Carlos bago umalis nang walang paalam. Nang libre na ang aming klase sa loob ng MAPEH room ay nakita ko na lamang na naghahawakan ng kamay sina ___ at *. Hindi ko alam pero medyo nagselos ako kasi ang alam ko talaga akin lang si ___. XD 

Ikalawa, iniisip ko kung mahahawakan ko mamaya ang kanyang kamay, kung magkakausap pa kami sa mga susunod na oras, kung magkakasabay pa kami mamaya, kung magkakabati kami, kung kami pa rin talagang dalawa, masyadong mabilis ang oras para sa isang taong sobrang nag-iisip kung paano niya lulutasin ang problemang hindi niya alam kung siya o ibang tao ang nagsimula. At ang huling pangungusap ay pawang kabarberuhan lamang. 

Pagbabalik, kinausap ko si ___ pagkauwian at nagkaayos na kami sa pag-uwi. Kung paano? Hindi ko rin ma-explain. Basta ang alam kong ginawa ko ay pinilit ko siyang wag akong iwan sabay yakap sa kanya sa bus. Hindi ko alam kung epektibo ito sa iba ngunit sa tingin ko'y gumana ito, kahit kaunti, for a dollar, ninety-nine. Bago kami maghiwalay sa metropolis ay nagkasabay pa kami ng aming sasabihin sa tuwing magkakaiba na kami ng landas. Ang tagal gawin ng sagering. Enjoy naman e.