Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase sa unang bahagi na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroon ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ag siyang panitikang mayroong tiyak na mambabasa. Anong tiyak nga ba ang tinutukoy rito?
Sa sumunod na bahagi ng mga pagtalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.
Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkaroon ng iba't ibang wika, iba't ibang kultura, magkakaibang kongkretong karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.
Madaling tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtratrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroon ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (bata at panitikan) o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang "dapat" na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?
Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay-pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay-hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang 'di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May sad at scary endings. At may mga bata ring 'di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.