April 14, 2021

May kung anong paghalinang taglay ang isang blangkong papel. Nakakaatat mandumi, manggulo, kulukuting maringal. Hindi ako maging ibang tao ang makapipiglas sa naitatagong angking baho ng puting papel, puting paraiso, puting katahimikan. Ilang ulit mang magsimula, magbabalik at magbabalik sa blangkong espasyo, sa kawalan ng maiisip, isasaisip, simula, marungis, tama pa ba hanggang sa tama na.

Mapaanyaya, hahalimuyak ang bangong kay puti, kay lalim na sisisirin, hinding-hindi makikita ang dulo, sumisid mang mambutas at umapoy ang lagablab tungong kilay at pumiglas. Maririnig ang bawat guhit na umaawit nang walang himno ngunit may kaluluwang mahilig maligaw, magpaligaw, sumayaw mang walang tugtog sa apuhap, madidiinan pa rin sa pakiramdam ang walang pakay na piglas, paraiso, pamamaalam sa puti.

Magulo, may gambala. Biruin mo't biruin ng lahat na hindi sa lahat ng katutura'y may nakatagong sa ilalim ng mesang punung-puno ng lampas na mga marka ng iyong ballpen, aking ballpen, mga takot sa tasang mga lapis at tintang masarap amuy-amuyin kapag hindi pa dumarating si ma'am, si ser, si ginoong may kulang ka pa pero bukas mo na bayaran. Pagbabayarin ka pa rin kahit na lamukot na at hindi na puti pa ang magaspang, magulo, sinarili mong puting mga papel.