Lasing na lasing na naman tayo noon. Yes, na naman. Sa katunayan, wala na rin tayo minsang pakialam unless may sumusuka na ng dugo. Pero ibang kuwento pa rin yon. Wala na rin naman na ako sa mood magkuwento, madalas. Madalas, minsan, marami kasi akong naaalala. Kaso, mas madalas, kaunti na lang yung mga pinipili kong alaala para hindi na ako masyadong nasasaktan. Kahit na yung mga pasakit na iyon e ako lang din naman ang bumuo, nag-imbento, at nagpasadyang ipanggitgit sa oh, so "helpless" kong kalagayan.
Mahilig akong magpaawa. Madali rin naman kasi akong kaawaan. Tingnan mo 'tong sarili ko. Kaya ganito ako e. Ni hindi ko kinakayang buhatin kung anuman ang trip na ipasan sa akin ng mundo, ng Mundo. Sila na lang ang bahala diyan. Wala na rin akong pakialam kung lumipad na naman yung kailangang ipunto ng bawat binibitawan kong mga pangungusap dito. Hindi naman kita personal na niyaya sa sarili kong kuweba. Ikaw ang unang nanghimasok. Ikaw ang unang nagsindi ng yosi, at hindi pa sa akin ang lighter.
Nakatatlong yosi na yata ako no'n at hindi pa rin umiikot sa atin, sa akin ang shot. Doon ko na rin masasabing umiikot na ang mundo nating lahat kasi wala na tayong pakialam kung may darating pa bang pag-asa sa mundo... sa Mundo. Wala na tayong pakialam sa "mahahalagang" bagay sa mundo, sa Mundo kasi nga umiikot na lang siya para sa atin. Ni hindi naman din tayo pinilit ng kalawakan para mag-aral nang mabuti o piliin ang pinakamainam na brand ng yosi para sa ating mga baga. Tayo na nga rin minsan ang pumipigil kapag sumusuka na tayo ng dugo pero nasa ibang kuwento na lang yon. Ang mahalaga, ramdam na ramdam natin yung pagkapilosopo nating lahat at gustung-gusto nating makipagsabayan kay Plato kahit na alam na nating dalawang isa lamang siyang malaking pauso.
Madali lang namang magpauso. Kailangan mo lang, matinding sakit sa lalamunan, sa baga, sa sinus, maging sa puso. Kailangan na kailangan mo yung panghuli para makapagbulalas ka nang maayos sa alapaap kung makapasok ka man. Wala namang nagdala ng happiness noon pero todo yakap ka pa rin sa akin. Hindi ko naman maalala kung namilit ako pero lahat na lang yata ng nasa harap ko, hinihila ako papunta sa kanila. Hindi naman ako nagpapahila. Madali nga lang magpauso. Sinubukan ko nang magsinding muli--
Hindi ka na pumayag. Marami nang nanonood at hindi ko na piniling alalahanin kung bakit sinasakal mo na lang ako bigla. Sinubukan kong magpumiglas pero ano nga bang gagawin ko sa'yo pagkatapos? Susuntukin ka? Iuumpog sa gate? Babasagan ng baso sa ulo? Dehins maaari... Alam mo naman na siguro iyon, ngayon. Ngayun-ngayon lang din naman.
Tumingin ako sa gate. Bukas naman siya. Sinubukan kong lumabas para lang makapagbisyo na talaga. Ayaw niyo na talaga. Ayaw mo na talaga. Wala naman kasi yung isa. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko kasi wala na naman akong maalala. Siguro kasi, pinili ko rin naman magkaroon ng mga wala na ganito kaya lang medyo hassle na kapag gusto ko na silang hukayin muli. Masakit din paminsan-minsan kapag sagad na sa pamumuwersa yung utak mo at lalo nang natatapalan yung puso mong sawi, ayon sa iyong standards.
May habulan.
May tampuhan.
May kakapalan ng mukha.
Humalik ka na sa huling pagkakataon sa puso kong akala ko lang nama'y binalewala na nang paulit-ulit ng mundo, ng Mundo. Pero hindi nga pala ikaw yung mundo, ang Mundo. Isa ka sa mga katulad kong nanonood na lang sa malayo pero handang makipag-away kapag nakalagok nang muli ng isang tasang nikotina. Hindi tayo ang Mundo at wala tayong pakialam sa mundo. Ikaw na rin mismo ang nagpapaalala sa akin nang makailang ulit na magpahanggang sa ngayon na akala lang talaga yung pagbalewala ng mundo sa akin. Paumanhin, paulit-ulit.
Tara, yosi.