Konti
na lang. Tang ina konti na lang talaga. Kanina pa kami nakatutok kay boss. Kay
Boss Bilog. Si boss bilog lang naman talaga ang gusto kong sambahin dito.
Gustung-gusto ko siyang tinitingnan, ewan ko na naman kung bakit. Si Boss Bilog
ay magaling, maaasahan. Parang lahat ng tao rito sa amin e siya na lang parati.
Siya na lang parati ang tinitingnan, inaasahan, magaling. Ako rin naman. Hindi
naman ako nagseselos o naiinis kay Boss Biilog dahil sa ako rin ay isang
tagahanga. Parati ko siyang inaabangan, hinihintay, tinititigan,
inaantabayanan. Siya na ang parating tama. Hindi ako nadismaya kahit kailan sa
kanya. Siya na talaga. Konting-konti na lang Boss Bilog, at mapapasaya mo na
naman ako. Pero ang hirap pa rin kasi kapag may hinihintay, kapag naghihintay.
Huwag ko na lang munang kayang hintayin si Boss. Quiet lang muna. Shh.. Dapat e
hindi masyadong atat. Kailangang may ginagawa akong marami nang hindi ko siya
napapansin, kahit na gusto ko siyang pinapansin. Kahit na parang buong araw,
gabi, tanghali e parang parati ko na lang siyang hinihintay. Tapos na ang
umaga. Katatapos lang naman. Malapit na naman pumatak si Boss Bilog.
Sa
wakas. Bumuhos din. Sa bawat tuldok na pumipintig sa aking mga tenga e bumuhos
na rin sa wakas ang napakaraming dugo mula sa kanilang dalawa. Hindi lamang
dugo kundi pawis na rin. Dugo’s pawis. Syet. Parang kadiri naman. Pero kailan
nga ba ako huling nandiri? Siguro noong maliit pa lang ako. Alagang-alaga naman
kasi ako ng aking mga magulang. Parang kapagka nadumihan lang siguro nang
konti, ako pa yung pagagalitan at hindi yung kapaligirang nilalaruan ko. Pero
ngayong patay na silang dalawa, siyempre, mag-isa na lamang ako, malamang.
Hindi ko masasabing okay ako kasi walang kumupkop sa akin. Walang may gusto sa
akin. Ni hindi ko alam kung saan magsisimula, saan ako magtatapos. Mamamatay
din naman lahat tayo, at nakakatakot nga namang isipin iyon, pero bakit ko pa
iisipin ang hindi kayang isipin kung
puwede ko naman palang pag-isipan ang kakayanin ng aking isip? Maraming pader,
likuan, senyas, kulto, multo at kung kani-kaninong mga mata, hanggang sa umabot
ako sa lugar kung saan naroon nga si Boss Bilog. Pumasok ako, masaya, siyempre
kasi bago. Ako lang yung masaya, siyempre, kasi nga nakapasok ako. Pero yung
mga kasama ko, hindi naman sa galit sila sa akin o ayaw nila akong nakikitang
nakikipagtangahan sa kanila, pero ang tamlay-tamlay nila. Hindi ko na naman
alam kung bakit. O bakit ako lang ang masaya? Bakit nga ba? Dahil ba sa ako na
ang nakakikilalang tunay sa mga totoong kalakaran sa mundo? O matamlay sila
kasi sila mismo ang nakadiskubre ng mga totoong kalakaran sa mundo? Paano nga
bang malalaman? Nasa emosyon nga ba ang desisyong makikita sa ekspresyong
mailusyong misyong konsumisyon kaysa sa delusyon ng emisyon mula sa institusyon
ng mga kunwaring solusyon? Mahirap sigurong matukoy. Pero bakit hinahanap pa
rin ang totoo? Tapos alam namang mahihirapan kapag nalaman ang katotohanan,
pero bakit hinahabol pa rin? Gusto ba ng mga taong nalulungkot sa katotohanan o
natutuwa sa katotohanan? Marami nga bang katotohanan? Magkakaiba? May
magkakaibang katotohanan? Pagka nagkaganito, may katotohanan pa ba?
O
gutom na? Sumigaw na kasi si Boss Bilog, pero hindi isang bulyaw na nakakairita
at nakakatakot. Isang sigaw na parang humahaplos sa aming mga tenga, at
lalamuna’t sikmura, tulad nga ng nasabi ko kanina. Sige na, aalis na kami,
ginusto rin naman namin yung inihudyat mo. Ito na, YES! Pero kahit na
sabay-sabay kaming makikipag-espadahan sa mga uod at taeng puti, wala pa rin
akong kasama. Tulad nga ng sabi ko kanina, magkaiba ang katotohanang aming
nakita. Magkaiba talaga. Pagka ganoon e wala na talaga? Wala na ba talagang
gustong sumama sa akin? Nasaan na yung pagrespeto kanya-kanyang opinyon?
Opinyon tungkol sa katotohanan? May ganon kaya? Ito ang aking opinyon ukol sa
katotohanan – masakit kaya sa tenga? Pero kahit anong mangyari at isipin nitong
walang laman kong utak, hinding-hindi sasakit sa aking tenga ang bulyaw ni Boss
Bilog. Kahit na may mga taong sige sa pagsigaw sa pagtanaw nang tama sa mga
pananaw ng iba pero hindi pa rin maunawaan sa labo at hindi pagkakatugma ng
ginagalaw ng kanilang mga hangarin at isipan, parang ako, pero hindi ako, ipokrito?
Hindi siguro.
Ginulo,
binulalo, menudo. Ayoko na muna ng lutong-bahay. Baka kasi napapansin na ako ng
bantay. Hindi naman kasi ako nagbabayad. Bakit nga ba masaya pa rin ako kahit
hindi ako nagbabayad? Kinakain ko lang kasi yung mga tira-tira sa karindirya ni
Manang Malawlaw. Wala na kasi akong pera. Kasya lang pamasahe, at pangkain ko
sa gabi. Sa sobrang gutom ko, idinadaan ko na lamang sa mga multo at baril ang
aking tanghalian, dito sana sa lutong-bahay ni Manang Malawlaw. Pero baka nga
kasi nakakahalata na ang bantay. Minamata na ako rito, sa may entrance pa lang.
Kailangan ko na munang maghanap ng ibang makakainan. Subukan ko kaya sa isang
restaurant, na air-con, para malamig, para kunwari sosyal. Tsaka yung bantay
naman sa mga ganun, maraming pasikot sa loob ng restaurant na hindi napapansin.
Yung ibang trabahador naman, pulot nang pulot lamang ng ibang mga bagay. Putang
inang sikmura ‘to. Inaasar na nga ako sa sobrang gutom, paiisipin pa ako kung
paanong makakakain. Para kasing noong sinunod-sunod ko ang hindi pagkain ng
tanghalian, ikamamatay ko pa, ‘di kaya’y magkakasakit pa ako nang malala.
Parang masasayang lang din yung oras na paghanap at masuwertehan si Boss Bilog,
tapos maoospital lang ako, o magiging bangkay. Ayoko namang ng ganun. Sayang
naman kasi ‘di ba? E yung iba, okay lang sa kanila yun, pero sa’kin, hindi.
Matindi
na ang sakit ng sikmura ko. Baka mag-alboroto na si Boss Bilog nang hindi pa
ako naglalagay ng laman sa aking tiyan. Ang hirap magtrabaho na pati ang
sikmura e kasama sa pinoproblema. Game na. Game na talaga. Papasukin ko na ba ‘to?
Mapula naman e. Mapula na masyado. Masyado na akong natakam, kinuluan, nahilo,
baka mahilo pa ako lalo, papasok na nga ako. Air-con, yes. Anong sunod?
Titingnan ko muna yung mga upuan. Halos puno na pala, kailangan ko nang
pumuwesto. Busy namang silang lahat e. Busy ngumuya, dumaldal, magyabang,
maglakad, humingi ng order, ng dagdag, magbitbit, magpatahimik ng mga nagwawalang
bata, magtext sa syota, magtext sa syinosyota, magtext sa dalawang syota, at
magpapansin na lang din. Yung iba, pumupunta lang siguro rito para lang masabi
sa mga kaibigan nila na nakapunta nga sila rito. Yung iba naman, gusto lang
talagang malaman kung bakit nga ba pumupunta ang mga tao rito. Yung iba,
pumupunta lang rito para makipagkita sa sindikato o ex-housemates, ex-wife,
ex-yaya. Yung iba, pumupunta lang dito kasi ito yung pinakamalapit. Pero may
pumunta na kaya rito para mamulot ng pagkain? Hindi naman ako suot pulubi,
nagtratrabaho naman kasi ako, kasama ni Boss Bilog, kaya siguro ako pinapasok
at hindi pinagsuspetyahan ni Manong Guard. E pumupunta lang naman dapat yung
mga tao para kumain, kumain lang, kasi nga gutom, pero dapat may maayos na
porma? Dapat ba talaga sa porma? Kung sa bagay, yung ibang gusgusin, mukha
naman talagang walang pera. Ako siguro, mukhang may pera, kaya pinalampas. Buti
hindi na’ko sinundan nang tingin nang hindi na ako pumila para umorder, kasi
walang pang-order.
Pera. Teka. Bengga! May tumayo! Hindi ako naaatat sa pagtayo niya. Nasasabik na ako sa extra rice na iniwan niya pati sa pakpak na hindi niya inubos. Nakita ko na rin yung kuhanan ng sawsawan ng manok. Puwede na siguro yun. Umalis ka na! Yes! Teka, wala bang nakatingin? Maya-maya siguro. Isa... Dalawa... Tatlo... Teka, tatabihan ko na lang para hindi kunin. Hindi naman siguro ako tatandaan ng mga tao rito. Wala naman siguro akong kamag-anak dito, ba’t pa’ko mahihiya? Teka. ‘Di ba dapat sa mga kamag-anak ko nga ako pinakahuling mahihiya? Puta. Ang gulo, ang gulo na ng mundo, ang gulo na ng isip ko pero mas magulo na ang sikmura ko kaya ineenjoy ko na ang sawsawang isinabaw ko sa extra rice sabay papak ng pakpak. Putang ina. Ang sarap talaga kumain ‘pag sobrang gutom. Bibilisan ko ba? Wala naman yatang nakakaalam. May nakakaalam kaya? Wala naman sa batas ‘to. Ngayon lang naman ako nandito, hindi pa nila siguro mahahalata. Konti na lang, ubos na. Wala na’kong pakialam. Wala nang hiya-hiya ‘pag gutom, natatae, inaantok, galit, selos, at marami pang puwede palusot ng mga pulpol.
Gugol.
Sakto lang. Pabalik na naman ako sa paghihintay kay Boss Bilog. Saan naman kaya
ako bukas? Babalik pa ba sa dati? Mananatili? O mag-iisip na nang matino?