Sabi nung isa kong prof, ang huling tanong daw, mula sa limang basic na tanong (ano, sino, saan, kailan, bakit), na matututunan ng isang bata ay ang Bakit. Bakit nga ba? Hindi ko na alam. Baka teacher o psychologist e masasagot na ang tanong na iyan. Tinamad na rin akong mag-Google ng sagot para lang mailagay rito kung sakali kasi hindi naman iyon ang nais ko na ipunto sa inyo. May nakasabay kasi ako na pamilya sa jeep noong isang linggo: may magulang, may dalawang maliit na anak, ang isa ay babae at ang isa naman ay lalaki. Ngayon, itong batang lalaki ay tanong lamang nang tanong ng Bakit Questions. Hindi ko na sila maalala kasi... kasi... may hangover pa ako ngayon. Ngayon ko na rin ginawa ito para lang maipalusot kung may tatanga-tanga akong sinasabi, which is all the time, by the way, at maipartida para kung sakaling may astig akong naisulat. Baka lang naman. Pero balik na tayo kay batang maliit. Sinasagot naman yung mga tanong niya ng kanyang mga magulang.
Pagdating ko sa bahay, tinanong ko agad ang aking nanay kung noong bata ba ay palatanong ako. Sabi ng nanay ko, hindi raw. Depektibo ba ako? Matagal na. Siguro kasi, nung bata pa ako, pinagbabasa kami nang pinagbabasa ng tatay namin kapag wala kaming pasok at wala kaming klase. Kung anu-anong mga libro lang, maaaring fiction, non-fiction. Marami kaming libro sa bahay. Kaya siguro pagsusulat lang yung kaya kong gawin at may kaya akong patunayan. Kapag mas marami ka na kasing nabasa, mas nagiging tolerant ka sa mga bagay-bagay. Hindi mo na kakailanganin pang awayin yung mga inaaway mo dati. Maiintindihan mo na ang maraming bagay na hindi mo maunawaan dati. Mas marami ka nang masasabi tungkol sa buhay, mas makapag-iisip ka na nang malalim, mas makapagtatanong ka pa ng mas maraming Bakit Questions nang hindi lumalapit sa nakatatanda. Kayang-kaya mo na silang sagutin nang mag-isa lamang.