Ayan na, ayan! Parating na naman sila! Hindi ko na naman sigurado kung dapat ba akong kabahan o oorder na lamang ako ng isa na namang bucket, at isa pa... At isa pa.
Papayagan ko na naman ang aking sariling maging mapagbigay sa panahon, sa aking mga katabi, at malalayong katabi. Hahayaan ang sariling makalingat ng ilang mga pagsilip ng galit at tuwa, ng siya at lungkot, ng ikaw at ako. Tayong dalawa lamang, sana'y pagbigyang hindi. Pagbibigyan ang sariling walang maibibigay na kahit na ano, ni pagkilalang tapat sa mga huni ng madla. Babayaang maiwan sa likod ng mapamasong rehas, sa habag ng ilalim, at dilat ng dilim.
Panandaliang magsisitigil ang karamihan, halos lahat. Haharanahin ng mga pintuan ang gilagid ng mga nakikitira lamang. Sa segundong sumemana ang mga santang sandamakmak ang kapokpokan, azul ang siyang kakalma sa mga lalamuna't pagkalunod pang bote-boteng serbesa. Ay, grasya. Hindi ko ito titigilan. Hindi ako mapapagod hangga't may mangyayari pang hindi, may nag-aabang pang totoo. Saka na 'yang mga papuring hindi naman kinakailangan. Saka na rin ang mga ipokrisiyang wala namang matibay na paninindigan ni kongkretong mapakikinggan.
Lahat ng mga boses sa iyong itinadhanang pag-iisip ay tipong mga alimango lamang sa aking sahig na kubrekama. Lampas pa sa harayang dahan-dahang makaiintindi ang mga manggagalugad ng ginto't alak, perlas at pilak. Subukan mong kilalanin ang mga along takot kang salubungin. Bubulusok ang galit kong sinsinungaling ng mga sirenang sinulid ang isinisiid sa sinag ng sungay.
Huhupa? Huhupa mo mukha mo. Hindi porke't may umpisang akala'y ang mundo na agad ang patungo. Hindi lahat ng sulirani'y may pag-abot sa payak na sumasalamin sa lahat ng anupa't akalain din! Akalain ko nga naman, akalain mo nga naman. May umagresibong agaran, palakpakan ang mga kalapati't sagaran ang pag-imbot sa bulatlat ng sa gana, makatagpo lamang muli ang kagyat na ngiti.
Tahimik, sa huli'y langgam na lamang ang may gana. Pakikiusapan pa ang mga ilaw at tugtog, ang mga higante sa kusina. Paratang sa mahihina, may kutya ang mga kabit-kabit na karayom. Maasgad na kung maasgad, sisirain lang ang lahat ng isang masigabong lutong ng gutom. Pagod na ako sa mga nakahain, hindi naman ako aalis. Pagdapit ng sandaling tutuldok na ang paraya, alam kong alam mong may guhit sa ating mga walang kuwentang digma.
Halika, halika.