Nauubusan na naman ako ng hininga. Ilang ulit na akong bumuga, makailang ulit pang umatras. Hindi ko mapigilang tumanggi sa bawat naririnig. Magmula pa sa hanggang tungo sa pagpunta. May mga pare-parehas na kutitap ang siyang nagsisilbing bakit at sayang, kung siyang magpapatawad ay siya ring ikinagagalak magpaminsan-minsan.
Mayroon akong mga kuwento, papaakyat sa mumunting mga hakbang. Gabing may pagluha ang langit at arangkada ng paghahati. Katatapos lamang ang lagok galing pares kasabay ng pagsagot sa maraming tanong ng nag-iisang kaibigan. Kinabuksan pa mapagtatantong nakapagligtas ng buhay ngunit saka na muna iyon. Unti-unting bumabagal ang pag-usad ng mundo habang kapuwa pa ring nag-uunahan ang mga dumi sa kalsada. Tinatantiya pa rin natin kung may umaga pa ba akong aabutan ngunit sige lang sa paglapag ng mitsang pusta. Katulong sa pag-intindi ng nakaraan, malayo na sa pagkalimot ang siyang naghatid sa akin sa ginhawa.
Salamat, kaibigan, o kaibigan kong masiyahin. Maubusan man ako ng mga panggatong ay tuloy pa rin ang iyong pag-alab. Ipagpatuloy mo pa ito nang iyong buong maunawaan ang paulit-ulit ko lamang ding paalaala sa iyo:
May kinahihitnang mahalaga ang bawat pagsuko.
Ang dumi'y tinatanggal sa iba't ibang pagkakataon ngunit hindi madalas mangyari ang minsan. Ang palagi ay laging iwasan 'pagkat hindi na madaratnan pa ang pagpayak ng sampal ng pagiging ganap na tao. Sa pag-uulit, tayo ay sagana. Huwag atupaging nauubos ang buhay bagkus ay sarili ang tanging pagpalain. May bukas, oo, ngunit namamatay rin ang lahat sa alaala. Magiging panatag nga ang lahat, oo, pero bigyang-husgang ang mapatid ay may suya pa ring dapat iwasan.