Ang bayani ang madalas na patunghayang suriin ng mga teyorista hinggil sa mga epiko. Madalas marahil, sila nga naman ang pangunahing tauhan ng mga nabanggit na bahagi ng matanda at mayaman na oral na tradisyon, kaya naman sila na rin ang mas pinangungunahang bigyang pansin at malinaw na pakahulugan ng mga iskolar na matagal nang pinag-aaralan ang mga epiko ng Pilipinas. Malinaw na ring ineestablish at marami na ring naisulat tungkol sa kani-kanilang mga kapangyarihan, mga nauulit na gawain at tinataglay na mga kakaibang kapangyarihan maging ng mga kapanganakan. Ayon kay Eugenio (2001), ang bayani ay merong isang pambihira o di karaniwang kapanganakan, halimbawa na lamang kay Sandayo na nahulog mula sa buhok ni Bae Salaong habang siya’y nagsusuklay, isang milagrosong paglaki, napakagandang pisikal na anyo, isang napakalakas na boses, kakayahang mamuno at malasalamangkang kapangyarihan. Tulad ng nabanggit ni Arsenio Manuel kung saan ang mga epiko ng Pilipinas ay nagtataglay ng supernaturalism o ng heroism kung saan kaakibat nito ang pagiging sentral na figure ng tribal hero ng mga sinasabing bahagi ng oral na tradisyon. Halimbawa na lamang, si Tuwaang ay isang dominanteng tauhan kasama pa ang mga tauhang makapangyarihan din (Manuel, 1962). Dagdag na rin niya na ang mga sentrong tauhan sa Hinilawod ay sina Labaw Donggon (Hinilawod I) at Humadapnon (Hinilawod II) na kapwa lalaking tauhan. Ang iilang mga tauhang nabanggit ay sinasabing nagtataglay ng malalaakas na kapangyarihan at siyang mga tauhang nakikipaglaban sa daloy ng napagdesisyunan nilang paglalakbay. Maaaring sabihing sa kanila nga umiikot ang pagpapatuloy ng ganitong oral na tradisyon, mga lalaking tauhang dominante, nangunguna at siyang nais maipakilala ng mga epiko. Sinasabi ring ang mga tauhang ito ay mga kagila-gilalas at nagtataglay rin ng mga kapangyarihan tulad na lamang ni Aliguyon na may kakayahang bumuhay (Manuel, 1962). Maaari ring meron silang mga katulong sa kanilang paglalakbay na siyang merong kapangyarihan tulad ng mga bayani sa mga epikong matatagpuan sa gitna at timog na bahagi ng Pilipinas (Manuel, 1962). Ang pagiging bayani ng isang tauhan ang nagbibigay sa kanya ng maraming mata upang basahing lalo, dahil sa kanyang mga angking katangian, na maaaring nauulit sa iba pang mga epiko. Sa mga epiko ng romance, madalas na pangunahing misyon ng bayani sa kanyang paglalakbay ay ang makuha ang pag-ibig ng napili niyang babaeng pakakasalan, o kaya’y nakararating siya sa kalagitnaan ng paghahanap ng magagandang babae na kanyang maaarin pakasalan. Halimbawa, isa sa mga pangunahing pakikipagsapalaran ni Lam-ang ay ang panliligaw at pagpapakasal niya kay Ines Kannoyan. Katulad nito ang panliligaw at pagwawagi ni Banna (bayani) kay Laggunawa. May mga bayani ring hindi lamang isa ang gusto tulad ni Labaw Donggon na nanligaw nang tatlong beses; ang kanyang unang obheto ng pagmamahal ay si Abyang Ginbitinan na nakatira sa “bunganga ng Handog, sa may ilog Halawud”, ang pangalawa bilang si Anggoy Doronoon na isang magandang babae ng underworld, at pangatlo na isang kasal nang babae na si Malitung Yawa Sinagmaling Diwata, na “nakatira sa kung saan ang nagniningning na liwanag ng araw ay nagsisimula (Eugenio, 2001), ni Bantugan na nanligaw sa maraming prinsesa, Lumalindaw na nanligaw at nagwagi ng limang babae, at ni Kudaman, na kahit na naipakasal na sa isa sa simula e nakakuha pa ng siyam na dagdag sa daloy ng kanyang paglalakbay (Eugenio, 2001). Pupuwede rin silang magkaroon ng maraming babaeng asawa. Pupuwede rin kayang magkaroon ng maraming lalaking asawa ang isang babaeng tauhan? May epiko kayang ganoon? Ngunit hindi rin naman nagsisimula ang paglalakbay ng bayani dahil sa isang babaeng tauhan. Katulad ng sa kaso ni Lam-ang, ang pangunang dahilan sa pag-alis e ang misyong hanapin ang kanyang ama. Sa Labaw Donggon naman, ang dalawang anak na lalaki ng bayani, naging mga bayani rin sa daloy ng epiko, ay hinanap din at ninais na sagipin ang kanilang ama (Eugenio, 2001). Kung merong kanya-kanyang katangiang nauulit o humahawig ang mga tauhang bayani ng epiko, posible kayang meron ding pagkakahawig sa pagitan ng mga babaeng tauhan? Kung positibo man madalas ang mga tinataglay ng isang bayani, maaari rin kayang magtaglay ng makabuluhan o nakatutulong na katangian ang isang babaeng tauhan? Ang bayani lamang ba ang malakas, nangunguna at nakaaangat sa isang epiko? Kung titingnang mabuti, ang mga bayaning ito ang maaaring sabihing nagiging sentro na lamang ng mga epiko. Sila kasi ang mga ginagamit na modelo ng kanilang mga komunidad para sundin, gayahin, at para magpaunawa sa komunidad na kinabibilangan ng oral na tradisyon kung anu-ano ang mga kahilingan ng isang mabuting nilalang. Pero paano na ang mga babae? Magkakaroon ba ng malaking kaibahan kung aalisin ang mga babaeng tauhan? May mga posible pang maging papel ang kababaihang tauhan na maaaring pumantay o humigit pa sa tinataguriang bayani ng isang epiko? Puwede pa kaya ang iba pang imahe, liban sa kung anong meron sila ngayon, para naman sa mas iba pang puwedeng pagtingin, asahan, at maging ng pagkakaiba at pagkakapare-pareho ng mga tauhang nakabase sa kasariang ito?
Karaniwan nang naipagpapalagay ang mga imahe ng babaeng tauhan sa mga naunang epiko ng Pilipinas bilang, halimbawa na lamang, isang ina, kapatid o di kaya nama’y makapangyarihang diwata o diyosa. Hindi naman ito matatawaran sapagkat, iyon nga naman ang madalas na ibigay na tungkulin o nais na maipakita bilang isang tauhang babae ang kasarian. Hindi na mailalayo ang ganitong uri ng pagbibigay papel para sa mga ganitong uri ng tauhan. Para lamang sa pagpapalakas ng mga naunang pangungusap, nais ko sanang kumuha ng ilang halimbawa mula sa ilang mga epiko. Si Lam-ang ay merong inang si Namongan na ipinanganak siyang may kahirapan (Manuel, 1962; Eugenio, 2001). Mula pa lamang rito, sa simula ng ibang mga epiko, nariyan ang kapanganakan ng bayani. Hindi malamang mawawala ang isang tauhang ina kung kailangang ipanganak ng isang bayani. Ang ina rin ni Lam-ang ang kanyang kinakausap at tinatanong kung nasaan ang kanyang ama (Manuel, 1962; Eugenio, 2001). Ang ganitong imahe ng ina na lapitin ng anak sa tuwing may kailangan ito. Makikitang pinapaboran naman ng anak, kahit na siya ay isang bayani, ang kanyang ina sapagkat sa kanya naman siya nanggaling. Ilan pang imahe ng isang babaeng tauhan na madalas ipakita ay ang pagiging alipin o tagasunod ng mga ito. Meron mang mga lalaking alipin o tagasunod, mas madalang pa rin ang ganitong sitwasyon. Halimbawa na lamang, mula pa rin sa epiko tungkol kay Lam-ang, ang mga kaibigang babae (na siyamnapu’t siyam ang dami) niya ay kanyang ipinatawag para hugasan ang kanyang maruming buhok sa ilog (Eugenio, 2001); Nangyari ring ipinatawag ni Lam-ang sa kanyang ina ang mga kaibigang babae upang siya’y tulungan sa pagligaw (Villanueva, et. al., 1970), dagdag pa rito ang isa nang kanyang ipinag-utos, sa mga babae pa rin, na kuhanin ang ngipin ng buwayang kanyang tinalo sa isang labanan para gamiting anting-anting sa pagpapatuloy ng kanyang paglalakbay. Meron ding pagkakataong hiningi ni Lam-ang ang kanyang susuotin at mga kadena ng ginto para itali rito ang kanyang tandang, inahin at aso, na mga may kapangyarihan din (Manuel, 1962). Hindi lamang sa ina o sa mga malapit sa bayani siya nag-uutos. Nariyan ang pangyayaring kinausap ni Aliguyon ang ina ni Bugan upang kausapin ang kanyang anak at magdiwang ng isang pista para makapang-akit ng mga poging lalaki mula sa mga kalapit barangay. Minsan ding tinawag ni Tuwaang ang kanyang kapatid na babae na lumabas sa kanyang silid na may dala-dalang kahong puno ng nganga. Ang kapatid ay umupo sa kanang bahagi ni Tuwaang at siya’y inalayan nito ng dala-dalang nganga (Manuel, 1962). Ang ganitong pag-uutos, sa babae madalas ay pagpapakita ng imaheg mapagkakatiwalaan ang babaeng tauhan, at maaaring maalam sa maraming gawain. Sa kaso rin ng ina, ang ina madalas ang tumutulong sa anak sa kanyang mga mauunang gagawin, nagpapayo o di kaya’y umaantala sa pagdedesisyon. Sa pagdedesisyon halimbawa, ang ina ni Lam-ang ang siyang tumutol sa kanyang ligawan si Ines Kannoyan, na anak ng pinakamayamang tao sa bayan ng Kalanutian (Eugenio, 2001; Villanueva, et. al., 1970). Nariyan din ang bahagi sa epiko ni Aliguyon kung saan ang kanyang inang si Dangunay ay pumunta sa lugar ng labanan at sinabi sa kanyang anak at kay Pumbakhayon na itigil na ang kanilang pagsasagupaan dahil pareho lamang silang hindi kayang magapi o hindi nila kayang gapiin ang isa’t isa. Minsan ding sumingit ang kanyang ina para patigilin muna ang nangyayaring labanan dahil sa kailangan nilang dalawang kumain. Si Aliguyon din ay minsang pinaalalahanan ng kanyang ina na siya (Aliguyon) ay maaaring magdala ng pagkalipol sa mga hiyas na siyang nagpapalamuti sa kanyang kasal (Manuel, 1962). Isa pang tanyag na imahe ng babaeng tauhan sa isang epiko ay ang pagiging kasintahan nito o interes sa pag-ibig (love interest) ng isang bayani. Malamang sa malamang e maganda ang hubog ng katawan ng babae at inihahambing pa madalas sa araw. Halimbawa na lamang, sa epiko pa rin ni Lam-ang, nagustuhan nga ni Lam-ang si Ines Kannoyan matapos siyang hikayatin ng kanyang ina. Kung maibibigay ni Lam-ang ang dowry na hinihingi, makukuha niya na si Ines Kannoyan bilang kanyang asawa. Nariyan din ang pagkakataong inutusan ni Aliguyon ang kanyang hip bag na mapunta sa kanya bilang hudyat ng kanyang proposal sa pagpapakasal sa kapatid na babae ni Pumbakhayon. May pagkakataon pa ngang mabilis na inagaw (snatch) ni Aliguyon si Bugan at madaling tumakbo papauwi (Manuel, 1962). Mauuwi rin ang mga ito madalas sa pagpapakasal ng dalawa. Mula sa epiko tungkol kay Lam-ang, siya at ang kanyang iniirog ay ikinasal sa isang simbahan. Inabot naman ng sampung araw ang pagpipista upang mapatotohanan o makumpirma ang pagiging mag-asawa nina Aliguyon at Bugan (Manuel, 1962). Madalas may ganitong pangitain sa mga epiko, ang kasintahang nagiging asawa, hanggang sa, kung papayagan e nagiging ina na rin. Ang ganito ring mga okasyon ay makikitang pinaghahandaan at hindi lamang basta-basta, hindi lang dahil sa ang bayani ng epiko ang ikakasal, kundi dahil na rin sa mga matitinding kahingian ng mga magulang o kaanak (o minsa’y alipin) ng babaeng kinahuhumalingan ng bayani. Nariyan din pala ang grupo ng mga babaeng hindi utusan ngunit ipinakikitang may gusto sa isang bayani, o isang kapantay ng bayani (maaaring kanyang kalaban sa ibang lugar na kanyang pinagkakapagsapalaran). Halimbawa, sa epiko tungkol kay Aliguyon, hinihikayat ng mga babae si Pumbakhayon na pugutan ng ulo si Aliguyon. Hindi rin naman nagpahuli ang fans ni Aliguyon kung saan noong nakipaglaban naman siya kay Dinoyagan sa Hananga, ang mga babae sa lugar na iyon ay siya ang ipinagbubunyi (Manuel, 1962). Ang ganitong imahe ng grupo ng mga babaeng nagmumukhang fans ng isang bayani ay makikita rin sa mga epiko. May imahe ring nagmumukha na lang parating mahina ang babaeng tauhan. Pantulong-sagip na dahilan para rito ay yung noong ayaw pagawin ni Aliguyon si Bugan ng kahit anong bagay upang ito’y hindi mahirapan. Sila lamang ay itinatabi o inilalapit maaari sa bahay, sa mga gawaing bahay, na ipinipilit na ibagay sa kanila, sa kanilang katauhan, katayuan, antas at mga nakakayanan lang daw na gawin sa buhay. Pinagsabihan pa nga niya ang matatandang babae na huwag itatabi si Bugan sapagkat baka ito mahilo sa pakikipagngangaan. Sa epiko naman na Bugan sa Hudhud, inilarawan si Bugan bilang isang ulirang may-bahay (Villanueva, et. al., 1970). Mapapansing kung may nangyayari mang kasama ang isang babaeng tauhan, parati at hindi mawawala ang bayani, o ang pagbanggit sa bayani na maaaring may direktang relasyon sa kanya o malapit sa kanya. Kaakibat man ng pagpapatibay pa sa pagiging sentrong tauhan nga ng isang bayani sa epiko, makikitang hindi lumalabas ang isang babaeng tauhan nang hindi nariyan ang presensya ng isang bayani o di kaya’y may gagawin ang babaeng tauhan para sa ikabubuti o ikaliligtas, pasentro at padireksyon sa kinauukulan ng bayani. Mula rito, mukhang hinding-hindi mawawala sa bayani ang sentro ng isang epiko. Ang ganitong mga paglalarawan at pagsasabigay ng mga imahe sa mga babaeng tauhan ng mga epiko ay hindi na bago sa mata ng mga mananaliksik, at sa mga nagsisimula na ring pag-aralan ang mga epiko sa akademya. Ang ganitong mga pagtingin ay napasimulan na nga, dahil sa madali nga naman silang makita o mapansin, sa medyo mababaw na pagsusuri, at patuloy nang naididikit. Hindi ko naman sinasabing hindi na maaari ang ganitong mga pag-aaral ngunit nais ko sanang subukan pang baguhin, pagandahin o baka sakaling linangin o paigihin pa ang imahe ng mga babaeng tauhan sa epiko.
Si Mila Aguilar (2001) ay merong papel tungkol sa kanyang pag-aaral ng roles ng mga babae Philippine folktales. Ang kanyang papel ay pinamagatang Women in Philippine Folktales na pinangunahang pagtalakayan ang pagkakaroon din naman ng mga babaeng tauhang trickster sa mga ganitong uri ng panitikan ng bansa. Ilan sa kanyang mga halimbawa ng mga Filipino female trickster ay sina Tusong Marcela, asawa ni Ludovico, Mariang Sinukuan, Talang Silangan (Tagalog counterpart ni Mariang Sinukuan), at ang “banal at magandang asawang babae” na mahahanap sa parehong Kristiyano at Muslim na aral o turo. Nagbigay siya ng ilang mga excerpt mula sa iba niyang mga papel na nagpapakita ng katangiang trickster habang pinasesentruhan ng babaeng tauhan sa bawat akda. Ang pangunahing thesis ng binanggit na papel kanina ay sa kung malalaman ang papel ng mga babae sa mga kuwentong bayan ng Pilipinas, makatutulong ito sa paglalarawan nang madetalye sa kasakdalang hanay at antas ng mga posibleng kontribusyon ng mga babae sa panitikan at lipunan ng Pilipinas. Ang kanya pang pangunahing haka ay ang babae sa ganoong punto ay hindi pa rin nakikitaan ng pasakdal na sakop ng kanilang mga naitulong na sa panitikan at lipunan ng Pilipinas. Iniisip niyang ito dahil sa madalas na ikinakahon nila (babae) ang kanilang mga sarili bilang mga “feminine” na subheto ng pag-ibig, tahanan, pangangalaga sa bata, at pamamalagi sa bahay na pakiramdam. Pero mula sa mga binanggit niyang mga babaeng trickster na tauhan, maaari raw manghimlay ang function at responsibilidad ng babae sa panitikan at lipunan. Tingin ko, nais niyang bigyan pa ng ibang, sinasabi niya ngang, function, ang babae sa panitikan, hindi lamang para magkaroon naman ng bagong pagtingin, kundi para likhaing mula, o magpanganak ng bagong pagsusuri sa mga posible pang maging gamit o pagkakakilanlan ng sinusubukang iangat na kasarian sa panitikan ng Pilipinas. Siya ay nagbibigay ng mga bago at alternatibong mga papel ng kababaihan na malayo nga naman sa kasanayan ng diwang Pilipino maging sa diwa ng nakararami hindi para lamang makapagbigay man lang ng bago o “kakaiba” na paghusga kundi pati na rin maiangat pa at maisakatuparan ang mapatindi ang pagtuklas pa sa maaari pang kalikasan ng isang babaeng tauhan na maaari niyang gamitin o maaari nating mapansin bilang instrumento o kataglayan na makapanananggi sa naturang naunang naidikit na ngalan.
Kaiba naman ng isa pang artikulo mula sa Philippine Graphic (www.philippinegaphic.com.ph), na pinamagatang The Wonder of Philippine Epic Stories (2011), nabanggit sa isang bahagi ng papel ang kabuluhan ng pagpansin, mula sa mga epiko, ng mga pagkakapareho ng gender stereotyping sa pagitan ng lipunang Pilipino at ng lipunan ng ibang bansa kung saan ang kalalakihan ay merong “machong imahe” at kinokonsiderang “mas malakas” na kasarian, habang ang kababaihan nama’y merong “walang kaya/helpless/incapable na imahe” at kinokonsiderang “mas mahina” na kasarian. Ang ganitong uri ng pagbasa ay mababaw sapagkat hindi talaga ganoon kasikip lamang ang mga layunin ng babaeng tauhan sa mga epiko ng Pilipinas. Nais ko sanang baguhin, o sirain kung maaari, ang ganiton makitid na pananaw at pag-gegeneralize sa mga babaeng tauhan ng ating mga epiko. Hindi sana ganito na lamang ang pagtingin natin sa mga tauhang hindi lalaki ang kasarian sapagkat maraming mga pagkakataong nakatutulong ang angking mga kalikasan ng mga tauhang ito sa functional na daloy ng isang epiko. Sana’y magkaroon ng panibago at mas nalinang pang mata ang mga akademiko, o mas maiging sa madla, na gagamitin nila sa pagbasa ng papel ng mga babaeng tauhan, halimbawa na lamang sa mga epiko.
Ano nga ba ang maaari pang gawing pagtingin sa mga babaeng tauhan ng mga etnoepiko? Paano bang tinitingnan o binabasa ang mga layunin/gamit/asal/silbi ng mga babaeng tauhan sa epiko? May kakayahan kayang manaig/pumantay sa bayani ang isang babaeng tauhan sa daloy ng naratibo ng isang etnoepiko? Maaari bang magkaroon ng iba o alternatibong pagtingin at pagbasa sa kababaihang tauhan ng mga epiko ng Pilipinas?
Mailahad nang malinaw kung masusuri bang maiaangat ang pagiging babaeng tauhan sa mga etnoepiko ng Pilipinas. Susubukang bigyang linaw, bigyang ibang mukhang hindi naman siguro nalalayo o maling pagkakahawig sa mga naunang pagbasa ng mga babaeng tauhan, kung bakit ganoon na lamang ang nagiging katangian ng mga babae sa mga epiko at susuriin kung kailangan bang ganoon sila o may alternatibo pang maaaring pagtingin sa ganito nilang mga katangian. May pagkakataong maglalahad ako ng mga kuru-kuro batay sa mga nakalap na ibang impormasyon hinggil sa tinutukoy na pag-aaral, patungkol at patulong sa ninanais na palakasin o pataasin ang mababa o naturang madalas na pagtanaw sa mga tinataglay na kalikasan at kaugalian ng mga babaeng tauhan sa epiko.
Sasakupin lamang ng pagsusuring ito ang hinggil sa mga etnoepiko na taal sa Pilipinas. Magpopokus ako sa mga inisyal na pagbibigay-turing sa mga babaeng tauhan, nang hindi inilalayo ang sariling perspektibo sa bayani; sa mga gawain ng mga babaeng tauhan, sa kanilang mga asal at kalikasan, habang nariyan ang presensya o kanilang iniisip ang bayani ng epiko. Hangga’t maaari’y lilimitahan lamang ang nasabing pag-aaral, katulad ng nabanggit sa itaas, sa mga babaeng tauhan, upang matingnan, matunghayan kung maaari, kung lalaki lamang ba ang maaaring maging pangunahing tauhan o bida, kailangang bumida, o ang babae’y may angking mga katangian ding nauulit ngunit makapagsasabing makabuluhan naman sa patuloy na pagdaloy ng isang etnoepiko. Pinapayagan na rin ang sariling tingnan ang mga iba’t ibang mga etnoepiko ng Pilipinas para makita kung anu-ano ang naging mga epekto, anu-ano ang nakaaapekto sa naging kinabagsakan ng mga kalikasang taglay na naidikit sa mga babaeng tauhan ng mga epikong nahati sa iba’t iba ring panahon at etnisidad.
Gamit ang feminismong lapit, susuriin kung gaano nga ba kalaki ang pagiging bahagi o lumiliit lang ba ang pagtingin at pagpasok ng isang babaeng tauhan sa bawat epiko. Magpopokus na lamang sa imahe ng mga babaeng tauhan na gamit ang makapeministang pananaw. Unang-una, mula sa sosyalistang feminsmong pananaw, kung saan tinatanaw na ang inferior na posisyon ng kababaihan ay naiuugnay sa sistemang nakabatay sa antas ng tao sa kanyang lipunan at sa struktura ng pamilyang nakapaloob sa sistema. Mula rito, maaari kong ipahiwatig na madaling naitatali ang pupuwedeng maging paulit-ulit na papel ng babae sa isang epiko, base sa kanyang antas o bahaging kinalakhan sa kinapapaloobang parte ng pamilya at tahanang kanyang tinitirhan. Maging sa postmodern na feminismo, na naghahayag na lahat ng babae ay magkakaiba, na hindi na dapat nag-gegeneralize base sa kasarian, lalung-lalo na sa kababaihan, ay patuloy na sumisira sa mga naunang nang naidikit na katangian. Kaakibat ng global na feminismong tumatalakay sa pagkilala ng pagkakaroon ng iba pang pagkakaiba liban sa kasarian. Mula sa mga lapit na ito, gagamitin ko lamang nang pahapyaw at hindi lalayuning gamitin pa nang buo para lamang mapatunaya ang aking puntong may iba pang maaaring maging papel at imahe ang mga babaeng tauhan sa mga epiko. Hindi sana mabilis na maikakabit pa ang katangian ng isang babaeng tauhan kung nakabase lamang sa antas o bahaging kanyang pinapapel sa pamilya at lipunang struktura. Nais din sanang magbigay pa ng mas kaaya-ayang imahe ang mga babaeng tauhan para naman mabigyang lakas at boses din para makatayo sa pansariling matitibay na mga paa at hindi na lang parating nakaangkla ang posisyon sa pagdikit o pagsama na lamang sa bayani ng epiko. Nais ding sirain, gamit ang mga binanggit na pananaw, ang mga pag-gegenralize na nagaganap sa tuwing nakasasalubong na lamang ng konsepto ng babae sa mga epiko. Kung bibigyang kalakasan na lang din ang mga tauhang ganito, nawa’y maipaabot nang malinaw at makapagsuri ako ng naiibang pagtingin, hinggil na rin sa ikalilinang ng imahe ng mga babae sa epiko, maging ng mga babae sa lipunan, sa pamamagitan ng feminismong pananaw. Ang feministang lapit ay nagsasabi ring ang kasarian ay binuo ngunit nababago rin. Ibig sabihin, kung meron mang naitakda nang papel at mga katangian para sa isang kasarian, maaari pa ring magkaroon ng iba pa ang dagdag na pagbasa. Maaari akong magmungkahi o magsuto ng panibagong lente sa aking pagsusuri hinggil sa mga babaeng tauhan ng mga epiko. Hindi ko engrandeng gagamitin, uulitin ko, ang feminismong lapit, dahil sa hindi ko naman ganoong kasakdalang gamay ang ganitong uri ng pagpapatibay, bagkus ay maglalahad lamang sa pinakasimpleng paraan, mula sa mga payak na konseptong nabasa tungkol sa nabanggit na uri ng lapit, sa abot ng aking makakaya at sa paglalapat nito sa mga babaeng tauhan ng ating mga epiko.
Nais ko sanang simulan ang bahaging ito sa nagsasabing sa kabilang dako, inilalarawan ng mga epiko ang mga lipunang lumikha sa kanila (Castro, et. al., 1983). Kung ganito nga, maaari ring sabihing ang mga nililikha nilang tauhang bida ang siyang mga nais nilang makita sa kanilang komunidad at siyang mga kontrabida o kalabang nilikha naman sa epiko ang mga tinuturing na ipinagbabawal o masama sa kanilang pananaw. Ang pagpapakilalang halimbawa ng isang babaeng tauhan bilang mahirap kuhain, at pinaghihirapan, bilang maalam sa ‘labas’ ng kanilang komunidad, at bilang maganda at malinis ay pagrerepresenta ng pagrespeto at paghirang ng mga babae sa komunidad bilang mga makabuluhang bahagi ng lugar at esensyal sa kanilang pagbabagong buhay at pag-unlad hindi lamang ng panloob na katangian kundi bilang isang buong pamayanan.
Merong isang epiko, tungkol kay Bindian, ang bayani, na hinikayat ng isang boses na iligtas ang isang diyosang nagngangalang Bugan mula sa malulupit na kamay ni Kabuniyan, ang diyos ng daigdig sa langit. Nang nasa dulo na ng pagliligtas itong si Bindian (kung saan siya ay malapit nang magapi ni Kabuniyan), siya ay nagmakaawa para sa kaligtasan ng kanyang buhay, na sinagot naman ni Bugan na siya (ang diyosa) na lamang ang saksakin nito gamit ang kanyang patalim. Kahit na ito ang binanggit ni Bugan, dahil sa natunghayang pagsasakripisyo ng babae para sa bayani, pinatakas ni Kabuniyan ang dalawa ngunit ang diyosa ay tumakas na agad at naging isang talon (waterfall). Habang nagdadalamhati si Bindian dahil sa siya’y iniwan ni Bugan, siya pala ay sinusundan ng isang ahas na naging tao, na pinakasalan naman niya. Kahit na si Bindian ay kasal na, nagpapatuloy pa rin siya sa pag-aalay ng mga sakripisyo nang may pag-asang si Bugan ay babalik pa rin sa kanya balang araw (Manuel, 1962). Sa kontekstong ito, nakita ang matinding kalungkutang naramdaman ng bayani. Kahit na sabihin nating nakahanap pa rin siya ng isang asawa, bilang kapalit sana sa sana’y asawa niya na sanang si Bugan, makikita pa rin ang paghihintay ng bayani sa kanya. Ang ganitong paghahanap at pagmimithi sa babaeng gusto ay makikita rin sa iba pang mga epiko. Hindi lang naman pala agad-agad na ang babae ang may gusto sa bayani. Sa pagtinging ito, sa mga ginagawang panliligaw at pag-aalay ng mga bayani para makuha ang loob ng kanilang gustong mapangasawa, hindi na ang bayani ang nakayuko dahil sa nakatingin siya sa babaeng mahal niya na nasa kanyang ibaba, bagkus, ang imahe ng lalaking nakatingala sa itaas kung saan naroon ang babaeng kanyang ninanais. Naibababa marahil, mula sa pagiging sentrong tauhan ng bayani patungo sa paghingi ng kamay sa itaas, ang nakaaangat na tauhang kanyang pinaghihirapan, ay pagkakataon din palang tingalain at pahalagahan. Ang ganitong pagiging makabuluhan ng isang babaeng tauhan ay hindi maitatanggi. Kung wala siya, hindi magkakaroon ng iba pang kabuluhan ang pakikipagsapalaran ng bayani. Ang babaeng tauhan ang naging pundasyon o dahilan ng pagkakaroon ng bayani ng misyon sa kanyang buhay na kailangan niyang tuparin. Ang babaeng tauhang ito ang maaaring naging simula ng paglalakbay ng isang bayani. Dagdag pa rito, ang mga dowry na hinihingi ng mga kaanak ng babae para masukat ang kakayahan ng kanyang manliligaw. Ang ganitong mga kahingian ay hindi lamang basta-basta ngunit lubos na mahihirap na mga gawain at bagay na maaaring makapagsabing ang babaeng nililigawan ay hindi lang din naman basta-bastang nakukuha, hindi lamang basta-bastang asawang tauhan ng bayani, ngunit asawang iniibig, pinahahalagahan at siyang tumutulong sa pagpapakitang gilas at bahagdang pagpapakilalang buo, at pagkilala sa sarili ng isang bayani, na subukan ang kanyang kakayahan, at patunayan ang kanyang kapangyarihan.
Nang magtagumpay si Labaw Donggon sa panliligaw kay Abyang Ginbitinan, siya ang kanyang naging unang asawang babae. Sumunod niyang nakuha si Anggoy Durunun ng underworld bilang ikalawang asawa. Kapag nakakakita rin ang magkakapatid ng tatlong magkakapatid na babae, madalas na pinipili ng bayani ang pinakabata (Manuel, 1962). Si Aliguyon naman ay nakita at niligawan ang pinakabata sa magagandang magkakapatid na mga kapatid ni Pumbakhayon, si Bugan (Eugenio, 2001). Isa pang maaaring makita sa mga epiko ng PIlipinas ang madalas na pagpili ng bayani sa pinakabata, kung merong magkakapatid na babae. Madalas makitang pinakabata mismo ang siyang pinakamaganda at ang pinakamatandang babaeng kapatid naman ang siyang pinakamarunong o pinakamatalino. Kung maaari ko mang itanong, bakit nga ba ang maganda ang pinipili ng isang bayani at hindi ang mas maalam kaysa sa pinili niya? Hindi kaya’y sinasabi ng oral na tradisyon na ang panlabas na kaanyuan ay hindi na nalalayo sa mga katutubo bago pa man dumating ang mga Espanyol na nagbinyag at nagturo sa kanila ng ‘malinis’? Sa aking pagkakatanda, ang epiko ni Labaw Donggon ay isang bahagi ng mga epiko ng mga paganong grupo na tinipon ni Arsenio Manuel. Ang depinisyon naman ng pagano, ayon sa Merriam-Webster dictionary, ay isang tagasunod ng isang politeistikong paniniwala o ang paniniwala sa maraming diyos. Kung ang ipinakilalang relihiyon ng mga Espanyol ay ang paniniwala sa iisang diyos, masasabi na ring ang komunidad kung saan binuo ang oral na tradisyon ng Labaw Donggon ay naniniwala sa maraming diyos; ibig sabihin, may konsepto na ang mga katutubo noon ng pagiging malinis o maganda batay sa panlabas na postura, at madalas na ikinakabit sa pinipiling babaeng tauhan ng bayani sa epiko. Parating maganda ang babae, malinis. Ang ganitong pagsasakatauhan ng isang babae ay hindi lamang pagdidikit nito sa kadalisayang tinataglay madalas ng isang babae ngunit pati na rin ang pagbibigay sa kanya ng angking katangian, tulad ng pagkakaroon din ng isang bayani, na maaaring madaling idikit sa kanya. Ilan pang dagdag halimbawa sa paglalarawan ng panlabas na kaanyuan, mula pa rin sa epiko tungkol kay Labaw Donggon:
390
Sa kanyang mahal
Kay Anggoy Doronoon (ang pinakamagandang babae sa daigdig sa ilalim ng lupa)
Ng daigdig sa ilalim ng lupa
Kilala sa kanyang karikitan
Itong pinakatatanging dilag
Na siyang muling susuyuin
Na siyang muling liligawan
(Castro, et. al., 1983, p. 140)
Ang konsepto ng feminine beauty ay hindi malinaw na binibigyang kahulugan, pero nakakalat ang mga pinaghanguan ng mga babaeng bida na mukhang itinatampok ang kanilang nagniningning na kagandahan, at ang kanilang mga payat at mainam na pangangatawan. Sa mga epikong Manuvu, ang magagandang dilag ay inihahambing sa araw habang ang pagpapakita ng Maiden of Buhong Sky ng kanyang sarili ay katulad naman na parang nandoon ang araw kung saan naroon siya; tulad ng mga sinag ng sumasapit na araw. Ang kapatid naman ni Tuwaang na babae ay ikinumpara rin sa sumisikat na araw at sa isang matayog na batang ginintuang puno. Ang dalaga naman ng Dliyag’n sa Guman ay inilalarawan bilang “isang kumikislap na kagandahan,” “pinakakaibig-ibig sa mga bulaklak.” Ang mga asawa ni Kudaman ng Palawan naman ay “payat at ginto,” isa sa kanila ay “ginintuan hanggang sa kanyang mga kuko.” Ang mga babae ay meron ding nakahanay na mga ngipin, ang liwanag na nanggagaling sa kanilang mga ngipin ay nililiwagan ang ibang mga mundo. Isa sa mga asawa ni Kudaman ay merong transparent na balat na “kaya mo nang makita ang ngangang dumaraan pababa sa kanyang lalamunan.” (Eugenio, 2001) Mapapansing kapag may babae, tila gusto rin nilang mailarawan ang mga tauhang ito katulad ng pagkakalarawan sa isang bayani, kahit na sa panlabas na kaanyuan lang muna. O kaya naman, kapag sinusubukang ilarawan, o nagkakaroon ng paglalarawan sa babaeng tauhan sa epiko, ito’y hindi simple lamang kung hindi pagbibigay mataas na kaanyuan o kaantasan din, o kaya paghahambing sa isang napakagandang katangiang maaaring pumantay sa tinataglay na pisikal na anyo ng bayani. Ang ganitong katangian ay nasusuri ko bilang halos simpantay na rin ng dinadalang katangian ng bidang lalaki sa epiko. Nagkakaroon ng pantay na kahirangan o kapilian ang mga lalaki at babaeng tauhang may posibilidad na maging mag-asawa sa daloy ng naratibo.
Mula naman sa paghahanap ng natatanging kagandahan, nais ko ring balikan ang konsepto ng asawang babae. Ang unang asawa ang karaniwang itinuturing na pinakapunong-kabiyak noon magpahanggang ngayon (Castro, et. al., 1983). Kaakibat ng epiko tungkol kay Bindian na isinalaysay kanina, ang pagbabanggit ng katagang ‘una’ ay nahihiwatigan ng agad na magkakaroon pa ng ibang asawa liban sa isa, at humahantong na nga na magkakaroon ng maraming asawa ang bayani. Ngunit kahit na ganito, kung titingnan natin ang panahon ng pagbuo ng epiko, maituturing na hindi masama ang pagkakaroon ng maraming asawa ang bayani. Ayon sa aking isang kaklase, ginagawa ito ng bayani hindi lamang para sa napakalawak na mapagkukunan ng tulong at pagpapadali ng pag-unlad ng buhay ng bayani kundi ito na rin ay isang pagbibigkis para sa isang matibay na pagkakabuklud-buklod ng bawat miyembro ng komunidad. Kung ganitong napaiikli ang mga pagitan sa bawat kapwa nakatira sa komunidad, hindi na kinakailangan pang kuwestiyuning hindi naman problematiko ang pagkakaroon ng maraming babaeng asawa. Hindi nakapagpapababa sa antas ng babaeng tauhan sa loob ng isang epiko bagkus ito ay nakapagpapakita lamang ng maiging pagdedesisyon ng bayani para sa kanyang komunidad at pagtingin sa babaeng asawa hindi bilang tropeyong kinokolekta at napagwawagian lamang kundi bilang pag-uukol ng importansya para sa kanilang pamayanan. Hindi ko binubura ang pagkakaroon ng pag-ibig. Hindi ba’t kaya nga ginagawa ng bayani ang lahat ng kanyang makakaya e para sa makuha niya lamang ang pinakaaasam niyang kasintahan? Kung mukha mang natatalo ang ganitong konsepto ay sa panahon lamang ngayon iyon tatatak. Kung babalikan ang panahong unang isinasagawa ang oral na tradisyon ng mga epiko, hindi hadlang ang pagkakaroon ng maraming asawa ng isang bayani.
Dagdag pa sa konsepto ng mga napiling babae ng isang bayani, may isang bahagi sa epiko tungkol kay Sandayo na nais ko naman pagtuunan ng pansin. Nang dumating ang araw na inutusan ni Sandayo ang kanyang monsala (flying scarf) na sunduin si Bolak Sonday, nangyari lamang na namatay ang bayani, hindi pa man umaabot ang pinasundong babae. Napagdesisyunan ni Bolak Sonday na hanapin ang espirito ni Sandayo upang siya’y muling buhayin. Nang makarating na si Bolak Sonday sa pinaroroonan ni Bae Pendeligan na siyang may hawak sa espirito ni Sandayo, ito’y kanyang kinalaban at napanalunan at hinihingi. Binuhay niyang muli si Sandayo at sila’y bumalik sa Sumina (Eugenio, 2001). Mula naman dito, makikita ang ginawang pagtatanggol ng isang babaeng tauhan sa epiko. Si Bolak Sonday na isang pinsang babae ni Sandayo ang siyang nagpasimuno sa misyong buhaying muli ang bayani. Meron din naman palang pagkakataong ang babaeng tauhan naman, na hindi diwata o diyosa, ang nagkakaroon ng papel na makipaglaban para sa bayani. Hindi ba’t mas madalas ang pakikipagsagupaan ng isang bayani para sa isang babae? Natunghayan naman mula sa halimbawa katulad ng epikong tungkol kay Sandayo ang ginawang pakikipag-away ni Bolak Sonday kay Bae Pendeligan para sa isang lalaki, at iyon pa ay ang bayani mismo ng epiko. Naipagtanggol ang isang tagapagtanggol, ng isang babae pa! Nabubuo ang isang imahe, sa ganitong pagkakataon, ng pagtataglay rin ng lakas ng isang babaeng tauhan sa mga sitwasyong nasasangkot sila, o pinili nilang maisangkot ang kanilang sarili.
Liban sa pagiging asawa naman, ang babaeng tauhan ay maaari ring magkaroon ng imaheng bahagi siya ng pamilya ng bayani, ngunit nais ko sanang magmungkahi ng ibang lente pagbasa ng ganitong uri ng tauhan. Mula sa epiko tungkol kay Tuwaang, ang kanyang kapatid na babae ay natatakot sa mga maaaring kaharapin ng bayani sa kung sakaling sagutin niya ang hamong makipagsapalaran para sa dalaga ng Batooy (Manuel, 1962). Sinubukan ding pigilan ng kanilang mga ina sina Sandayo at Lam-ang na ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay (Eugenio, 2001). Makikita naman dito na hindi lamang pala ang nanay na tauhan ang siyang maaaring pumigil sa nais na gawing paglalakbay ng bayani. Mula sa itaas, nakitang ang kapatid na babae naman ang nangamba sa desisyon ng bayani. Isang babaeng tauhan ang nangangamba sa pag-alis ng kanyang kaanak. Hindi nito ipinapakita ang pagiging hadlang lamang ng babaeng tauhan sa pag-usad ng kuwento ng bayani kung hindi ito’y isang pagpapakilala ng isang tauhang may pakialam at maaaring may nalalaman sa labas ng unang mundo ng bayani. Kung walang alam ang babaeng tauhan sa labas, maaaring hayaan na lamang niya ang bayani kung ano nga bang meron sa labas kung sakaling makabalik siya e makatatanggap siya ng salaysay ng mga bagay mula sa bayani na wala sa kanilang loob. Ang pagiging matatakutin ng babaeng tauhan upang pagsabihan ang bayani na huwag nang matuloy ay maaaring masuri bilang isang tauhang may alam sa kahirapang daranasin sa labas, kaalaman sa mga suliraning kahaharapin ng isang bayani at pag-aangat muli sa antas ng kanyang isipang puwedeng humigit pa sa padalus-dalos na bugso ng bayani. Hindi lamang nito binibigyan ang isang babaeng tauhan bilang mas maalam sa bayani kundi nagbibigay rin pagkakataon sa kanya upang mabasa at maunawaan na maaari siya ang nauna bago pa man ang bayani ang manguna.
Nagkakaroon din ng mga katawagang sa babae lamang ginagamit. Halimbawa, sa epiko tungkol kay Sandayo, ang Bae ay tawag ng paggalang sa mga babae sa lipunan ng mga datu. Ang Magaw naman ay salita ng pagmamahal na tumutukoy sa isang babae, kapatid na babae, pinsan o kaibigan (Castro, et. al., 1983). Naiaangat din kaya ang pagkakaroon ng ganitong mga uri ng katawagan sa mga babae, ganitong mga salita para lamang sa mga babae? Hindi kaya’y ipinahihiwatig lamang nito ang hindi mabuburang paggalang na masasalamin sa komunidad na pinanggalingan ng nasimulang oral na tradisyon? Makadaragdag kaya ito para mas maiangat pa ang imahen ng babaeng tauhan sa epiko? Nagkakaroon kaya ng hindi lang ibang pagtingin kundi mas mahalagang pagtukoy sa isang babaeng nakapaloob sa isang epiko? Kasi kung may ganitong uri ng paggalang sa kababaihan, maaari kayang ipakita ng mga ito na importante rin naman sila?
Labas naman sa pagiging kamag-anak, bahagi ng pamilya o malapit sa bayani, narito ang ilan sa aking mga kuru-kuro ukol sa mga ganitong uri ng babaeng tauhan sa epiko. Dagdag na halimbawa para sa grupo ng mga babaeng nagkakagusto sa isang bayani o mortal na kalaban ng bayani; nang makarating si Tuwaang sa Pinanggayungan, siya ay naging obheto ng pamamangha at panggigilalas ng kababaihan doon. May pagkakataon ding sa epiko tungkol kay Bantugan, nang magpaalam ang bayani sa kanyang anak, at sa kanyang kapatid na babae, ang kababaihan sa kanilang lugar ay umiyak (Manuel, 1962). Sa ganito namang mga pagkakataon, mapapansing hindi nabibigyang pangalan ang mga babaeng nagkakagusto sa isang lalaki. Madalas na lamang silang ilarawan bilang ‘mga babae’ o ‘grupo ng mga babae.’ Samantala, makikita rin sa maraming epiko na ang isang babaeng merong hindi lamang isang manliligaw ay meron namang pangalan. Nababanggit pa ngang hindi lamang siya basta-basta. Kung maaari ko mang ipaliwanag, ito ay naiiba sa pagkakaroon halimbawa ng isang bayani ng maraming asawa. Nailahad kanina na ang isang mapapangasawa ay hindi lamang ganoon kadaling makuha dahil sa may mga kailangan pang gawin at kuhanin ang isang bayani, o isang lalaking maniligaw, bago pa man mapasakanyang kamay ang babaeng kanyang gusto. Kapag isinalaysay naman na nagiging subheto ng kinahihiligan ng mga babae ang isang bayani, ito ay pagpapakilala lamang sa isang bayaning malakas ang bisa ng karisma o dinadalang anting-anting, o di kaya ng katangiang pisikal. Sa pagtingin sa isang bayani ng mga babaeng tauhan tulad ng naibigay na halimbawa, pati na rin ng dami ng manliligaw ng isang babaeng binigyang ngalan, maaari kong suriin ito bilang ang pagbibigay ngalan sa isang tauhan ay pag-angat ng kanyang antas sa daloy ng isang epiko bilang isang tauhang makabuluhan sa magiging kahihinatnan ng naratibo. Hindi nawa bumaba ang pagtingin sa babae dahil sa grupo ng mga babaeng tauhang may gusto sa bayani dahil sa ebidensyang nagkakaroon ng maraming kalaban sa panliligaw ang bayani sa babaeng kanyang gusto, kung gayundin, ay may grupo rin ng mga lalaking may gusto sa isang babae.
Kasunod dito ang konsepto naman ng diwata o diyosa bilang isa pang image ng babaeng tauhan sa mga epiko. Ilan sa mga halimbawa, mula muna sa epiko tungkol kay Agyu; si Alimugkat na diwata ng tubig at karagatan na kalahating babae, kalahating isda na nananahan sa palasyong ginto sa kailaliman ng dagat, nariyan din si Undi na diwata ng tadhana at Yegpintid ne Diwata na pagtukoy sa Pinakamataas na Diwata (Castro, et. al., 1983). Sa epiko tungkol kay Sandayo naman, si Asog, ang espirito o diyosa ng mga ulap, si Bae Pigdindingan na nasalubong at tinanggihan ni Sandayo, na siya ring diwatang nagalit at gumawa ng malakas na hanging sisira sa sinasakyang Gadyong ng bayani ngunit madali paring nagapi, pati ang diyosang si Bae Asog na pumutol sa matindi at matagal na pagsasagupaan nina Sandayo at Domondianay (Eugenio, 2001). Isa pang maaaring maging papel ng isang babae sa loob ng isang epiko, liban sa pagiging kapamilya o kaanak (ina, kapatid, anak, etc.), bilang alipin o tagasunod, ay ang pagiging diyosa o diwatang makikilala ng bayani sa gitna ng kanyang paglalakbay. Makikita sa maraming epiko na maaaring tumulong o humadlang ang ganitong uri ng tauhan sa pagdaloy ng isang epiko. Mula rito, nauulit pa rin ang pagpapatibay ng bayani sa kanyang sarili at paghuhugot sa kanyang angking lakas upang lumaban, na isang babaeng tauhan ang siyang gatilyo para rito. Kung papansinin, ang nakakalabang lalaki ng bayani sa isang epiko ay nakakalaban niya nang sobrang tagal, at nasama nga naman na ito sa isa sa mga katangian ng isang epiko kung saan nagkakaroon ng napakahabang paglalaban ang dalawa; ibig sabihin, pantay o halos pantay lang ang lakas ng dalawa. Halos pantay sapagkat sa sobrang dami ng pahinga at lubos na tagal ng laban, may mananalo pa ring iisa. Kung susuriin naman ang tagal ng laban sa pagitan ng isang diyosa o diwatang nasasalubong ng bayani, unang-una’y hindi ito ganoon kahaba kumpara sa mga nakakalaban ng bayani na lalaki. Ikalawa, maaaring sabihing hindi magkapantay ang lakas ng dalawa (diyosa/diwata at bayani) sapagkat may taglay mang kagila-gilalas na kapangyarihan at kakayahan ang bayani nang siya ay ipanganak, tao pa rin siya, dahil siya ay nanggaling sa kanyang ina, na isang tao rin. Ang diwata/diyosa ay hindi kailanman maaaring maging kapantay ng isang nilalang na katulad ng bayani. Maaaring siya ay mas mahina o mas malakas, maaaring magkaiba. Ngunit maaaring ipakita nito na may imahe ang babaeng tauhang katunggali o katuwang ng bayani na hindi niya ito kailanman makapapantay, o magkalayo ang kanilang antas; nagkakaroon ng imaheng hindi pantay ang diyosa/diwata at ang bayani.
Hindi lamang naididikita sa pagiging ina, asawa, kasintahan, alipin, diwata o diyosa ang imahe ng isang babaeng tauhan. Kung magkagayunman, maaari silang magkaroon ng alternatibo pang pagbasa hinggil sa kailangan nilang maipamalas at maipakita sa takbo ng epiko. Hindi kailangang nakatali na lamang sa pagiging mahina o dalubhasa na lamang sa mga gawaing bahay at pagpapaalipin ng isang babaeng tauhan sa isang bayani ng epiko bagkus may pagkakataon pa ring lumalakas at tumitindi ang kakayahan, kalikasan at katangian ng isang babae sa oral na panitikan, maging na rin sa kanyang lipunan. Ang mga naunang pagbasa sa kababaihan ng epiko, nagkaroon man ng mababang pag-unawa dahil sa makitid na pagtingin sa karanasang naramdaman at naihatid sa mambabasa o tagapakinig, ay nabibigyan ng panibagong anyo at mukha na maaaring gamitin sa lalo pang pag-angat ng kanilang mga sarili, bilang pag-unlad at paglinang pa sa kanilang imahe hindi lamang sa pantikan, kundi maging na rin sa lipunan. Hindi natatakot ang isang babae, kundi siya ay palaban. Hindi lamang mahina ang babae kundi kaya niya ring pantayan, o higitan pa ang bayani sa epiko. Hindi lamang pambahay ang gawain ng isang babaeng tauhan kundi kaya niya ring makipagsapalaran gaya ng ginagawang pakikipagsapalaran ng bayani sa marmaing epiko. Hindi na lamang parating ang babae ang ililigtas kundi kaya niya na ring iligtas ang bayani. Hindi lamang siya isang ina o kapatid na kaya lamang mangamba para sa kapakanan ng bayani kundi isang kaanak na marunong at mas maalam pa sa mga nangyayari sa labas ng kanilang komunidad, na kaya lamang niya pinoprotektahan ang bayani e sa maaaring alam niya ang daranasin nito paglabas. Hindi lamang siya isang tagasunod o aliping may gusto o matinding paghanga sa mga bayani kundi may katangian ding magkaroon ng tagasunod o alipin, at maaaring isa sa mga ito ay ang bayani pa. Hindi lang ang bayani ang nagtataglay ng katangian at kalikasang makatatapat sa mga sinag, ningning at liwanag ng kanilang sinasambang araw, kundi pati rin ang isang babaeng kaya nag-anyong kapantay ay dahil ito’y para sa kanya. May kakayahang mag-isip para sa sarili, para sa bayani at nagtataglay ng katangiang nakapagpapababa sa loob o katayuan ng isang bayani. Ang ganitong pagtingin ng komuniad, mula sa mga nabuo nilang oral na panitikan, ang nagsisilbing patunghay na magalang na pagdakila sa mga babaeng inaapi at tinitingnan gamit ang mababaw na lente sa kasalukuyang panahon. Sa ibang salita, mas nakaaangat ang pagtingin sa kababaihan ang mga naunang komunidad, hindi pa man sila dinarayo ng mga mananakop, at hindi pa nagiging malakas ang boses o tinig ng makapeministang pananaw. Hindi na kailangang ipagtanggol ang mga babae noon, sila’y dinadakila ay may konsepto ng pagkakapantay-pantay hanggang ngayon sana, kung hindi dahil sa mga dayuhang nanakop.