Wala rin akong iPod dati o Walkman bilang pantawid lamang din sa bagot ng biyahe. Masuwerte na 'ko kung interesante ang pinag-uusapan ng mga matatanda kasabay ng hindi maingay na makina ng jeep. Okay na rin minsan kung nakabukas ang radyo ng driver, balita man o musika.
Pero paano kung wala ang mga ito? Paano kung hindi rin ako inaantok? Paano kung malakas ang ulan at kakailanganing tapalan ang mga bintana nang hindi pumasok ang tubig? Kung gabi na at malabo na ang lahat sa labas? Kung tulog na lahat ng pasahero, at arangkada't preno na lamang ng jeep ang abot ng aking tenga? Na sasabayan pa ng mangilan-ngilang lamok at langaw ('wag na 'wag lang ipis!) na gigising sa pasimot ko na ring kaantukan?
Kaming dalawa na lang ng driver ang gising kaso inaantok na rin yata siya. Hindi siya puwedeng makatulog pero hindi rin naman ako puwedeng biglang magsalita na lamang at kausapin siya. Paulit-ulit ang hagip ng matatayog na ilaw sa kalsada. Iyon at mangilan-ngilang pagsimoy ng hangin sa kahalamanan. Matitigil lang nang saglit ang pasada sa bawat pag-imbot ng kalsada. Titingnan kong muli ang mga paborito kong pasahero kung may gising ba ang kahit isa sa kanila. Pero malamang sa malamang ay pipikit lamang din silang muli kung magising man, at kung hindi'y hindi rin nila naman ako kakausapin o makakausap.
Susubukan kong pumikit ulit. Tanging mapapakiramdaman na lang ang pag-alog ng lahat sa sasakyan. Halos kabisado ang bawat kinalalagyan, at tanging natitira sa kadiliman ang maputlang liwanag na nanggagaling sa driver. Bubuntong-hiningang malumanay. Makakauwi rin kami.