March 24, 2012

Sama Ti Era

Tayo nga namang mga Pilipino ay mahihilig sa musika. Malimit na kumakanta, may tonong mga boses at naghahanap ng aliw sa bawat tugtog, himig at sarap sa pakiramdam na dulot ng ating mga musika. Isa sa mga bandang Pinoy, tatak OPM nga naman na humugot ng napakaraming fans dahil sa kanilang mga panulat, at mapaiindak at kaaya-ayang tunog sa tenga, ang Eraserheads ang isa sa mga grupong nanghikayat sa maraming Pilipino na hindi masasayang ang pagtangkilik sa sarilin atin. Kung pag-ibig lang din naman ang madalas na makikita sa musika, hindi mawawalan ang Eraserheads ng mga kantang magpapaalala sa sakit, saya, hilo at sarap ng pakiramdam ng umiibig. Ngunit gusto ko sanang pagdiinan sa papel kong ito ang isa pang mukha sa napakaraming paksang maaaring pag-usapan at gawing materyal ng mga banda, ng musika Pinoy, ng Eraserheads partikular, kung saan nagpasikat din lalo ito sa kanila nang hindi nababawasan ang kalidad ng paghatak ng mas marami pa nilang mga tagapakinig dahil sa ganda, talento at “Oo nga, Oo nga no!” na mga maisasagot sa tuwing napakikinggan sila ng mga Pilipino, nang hindi man lamang naghahanap sa pag-ibig.

Kung pagtakas din man lang sa hirap ng mundo, nariyan ang musika para sa atin. Sa mga lirikong ipinababatid sa atin ng Eraserheads, tila alam na alam na ng mga sumulat ang mga sikreto sa mundo, o nakahanap na sila ng mga lunas sa sikreto ng mundo. Kung maghahanap din man lamang ng makapagpapagaan sa mundong puno ng problema at sakit sa ulo, kung mapakikinggan ang ilan sa mga kanta ng Eraserheads, na tumulong din ang nagbigay tatak sa kanila, makikita at maririnig ang mga titik na maaaring tumulong at makapagpagaan sa pakiramdam na habang sinasabayan ang indak ng gitara at drums ng tugtog e mapipilitan nang tanggapin ang katotohanang mahirap at masakit na sasabayan at iindakan na lang din na namumulat at nakukumbinsi ng musika ng nabanggit na OPM band.


Sa unang bahagi ng kantang Alapaap, binabanggit na darating ang araw na magtatapos ang mundo, o maaaring sabihing nagtatapos o bumibigay na sa buhay ang kinakausap ng persona. Darating ang mga araw sa isang tao na tila gusto na niyang magpakamatay o tapusin na ang lahat ng paghihirap at problema sa pamamagitan ng paglimot, pag-iwan na lamang at hindi na pagpansin dito. May mga taong gusto na talagang mamatay dahil sa hirap ng buhay. Minsan, hindi rin naman maitatangging may mga taong naisip na lamang lagutan ng hininga ang kani-kanilang mga sarili dahil sa pakiramdam nila ay hindi na nila kaya at wala na marahil silang nagagawang tama at kaaya-aya sa paningin ng kanilang mga kaibigan at pamilya. Iyon ang sinigurado ng persona sa unang bahagi ng akda, na malamang sa malamang ay aabot din ang mga tao sa ganitong punto sa buhay. Sa pagpasok ng chorus e makikitang wala namang kinikilalang problema ang persona. Gusto niyang ipakita sa kanyang kinakausap na wala lang iyang mga problema na iyan at siya ay nagpapakasarap lamang sa alapaap. Sa ganitong panghihikayat na iparamdam sa kinakausap ng persona na hindi niya dinadala ang sakit at hirap ng buhay, maaaring kinukumbinsi niya ang kanyang kinakausap na sumama sa kanya dahil sa gusto niyang iparamdam din sa iba ang sarap na nararamdaman niya sa ngayon. Ang persona ay yung tipo ng kaibigan na nagdadala ng ligaya sa iyo sa mga panahon ng iyong paghihirap at pagmamaktol sa buhay. Handa ang persona na dalhin ka sa sarap na dulot habang ika’y nasa alapaap upang makalimutan ang problema at huwag nang iwanan ang mundo sa pamamagitan ng pag-iwan sa mundo. Sa sumunod na verse, tinatanggal niya ang hiya ng kanyang kinakausap. Maaari ring sabihin nito na kahit sino, kahit pa man hindi pa ganoon kadikit sa kanyang kinakausap o sa unang pagkakataon pa lamang nakasama ng persona ang kanyang kinakausap e kahit sino na lamang ay maaaring sumama sa kanya. Walang pinipiling edad, kasarian o kung anupaman ang paghihirap na dinadala ng mundo kaya nandiyan lang din naman ang persona para sa kahit na kaninong gustong magpakasaya, wala rin siyang pinipili. Sa ikatlong verse, kitang-kita na marahil ay kilala na ng persona ang mundo. Iminumulat niya ang kanyang kinakausap sa dami ng sumasakal sa mga tao sa mundo e kailangan daw nating buksan ang ating puso’t isipan habang pinalilipad ang kamalayan, na hindi dapat magpakulong sa hirap at pandidikta ng buhay. Maaaring sinasabi ng persona na tayo ang may kontrol sa ating mga buhay kung titingnan nating mabuti at magsasariling kusa tayong hanapin ang ating mga nais na makamit at gawin nang hindi nagpapahawak at nagpapailalim sa mga ipinipilit na pagtulad sa atin ng buhay, na ang ating buhay ay para sa atin, ay atin at hindi ng mundo mismo, hindi sa kanila, hindi sa iba. Sa dulo ng kanta ay paulit-ulit na tinatanong ng persona ang mga taong nakapakinig na sa kanyang mga naisin at ginagawang pagtapak sa kanyang mga problema. Tinitingnan ng persona kung nakumbinsi niya na nga ba talaga ang kanyang kinakausap. Kung paulit-ulit niyang tinatanong ang kanyang kinakausap kung nais ba nitong sumama e dahil sa maaaring nakikita niyang nag-aalinlangan pa ito sa simula ngunit parang gusto niyang sumama sa persona. Nakikita ng persona ang malamang na pagdadalawang-isip ng kanyang kinakausap, sa kung iiwan niya ba ang mundo o mananatili rito. Dahil sa ganito na lamang ang ginagawang pagpilit at hindi pag-iwan sa taong sa tingin ng persona ay namomroblema sa buhay, ayaw niyang ipagdamot o gawing pansarili na lamang ang sayang kanyang nararanasan sa tuwing lumalayo at lumalabas sa mundo.


Sa chorus, kung saan nagsimula ang kantang Maskara, isa na namang paraan ng pag-iwan sa mundo ang matutunghayan. Pinapasuot ng persona ng maskara ang kanyang kinakausap sa tuwing magkakaroon siya ng problema. Gusto niyang ipakita ang ibang pagtingin mundo. Ano nga ba ang nagagawa ng isang maskara? Itinatago nito malamang ang mukha ng kung sinumang susuot nito? Bakit kailangang magtago sa mundo? Kinkumbinsi ng persona na itago ang sarili mula sa mundo upang tigilan na muna siya nito sa paghabol, sa panggigitgit ng hamon ng buhay. Sa pagpasok ng unang verse ng kanta, ikinukuwento ng persona na sa tuwing siya ay nangangamba sa buhay, iniisip niyang siya ay isang superhero, ibang tao, ibang sarili. Kung naghahanap man ng makapagpapagaan sa sarili, iniiwan ng persona ay kanyang tunay na sarili at naghahanap ng ibang identidad na ihaharap sa mundong kinakalaban. Maaaring napili ng persona na maging superhero dahil alam naman ng lahat na ang mga superhero e malalakas at nagtataglay ng mga superpowers na gustung-gustong taglayin ng karamihan. Para bang ang sagot na lamang sa mga problema e ang pagkakaroon na lang ng napakalakas na mga kapangyarihan at hindi ang mga natutunang abilidad at talento sa pagdaan ng mga panahon. Sinabi sa may dulo ng unang verse na hindi nasasaktan ang superhero. Ayaw na nasasaktan ng persona, ayaw niyang naghihirap. Kung gugustuhin man niyang pagtaguan ang mundo, pipiliin niyang huwag masaktan, hindi kakabahan at hindi mag-aalinlangan o magsisisi sa kanyang gagawing pagtalikod. Ang pagkakaroon ng ganito kalakas na puwersa sa pagtalikod sa mga hamon ng buhay ay pilit na hinahanap ng maraming tao kahit na alam nilang wala naman talagang superpowers. Ang pagharap sa mundo nang may ibang mukha at may ibang mga abilidad at kapangyarihan na malayo sa hawak ng reyalidad, ay madalas na pinapangarap ng mga tao. Nais man lamang nilang kalimutan ang kanilang mga pasakit sa buhay ay dadagdagan pa nila ito ng pagbibigay ng malakas na kapangyarihang tutulong umano sa kanila sa paglaban kahit na pagtalikod sa laban ang ninanais din nila. Sa mga pagkakataong pumapangarap na maging ibang tao, gustong iwanan ng persona ang kanyang sarili na maaaring magsabing ayaw niya sa sarili niya at itinatakwil niya ang kanyang sarili pagkatao. Ang pagtingin sa mga superhero, sa mga hindi totoong taong hindi kumikilala ng problema dahil sa suwerteng kanilang natanggap ay hindi naman nagiging reyalistiko sa paghahanap ng sarili ng persona. Maaaring tingnan mali din naman ang ganitong prinsipyo sa buhay ng persona dahil sa kung titingnan ding mabuti ang mga superhero, sila ay naghihirap din at madalas ay mas malalaki ang kanilang mga responsibilidad sa oras na malaman ng madla ang kanilang taglay na kapangyarihan. With great power comes with great responsibility ikanga ni Uncle Ben ng comics na Spiderman. E bakit ninanais ng persona na maging superhero kung gusto nga niyang lumayo sa mga responsibilidad ng mundo? Siya ba ay malay sa hirap ng kanyang ninanais na ibang identidad? O simpleng natingnan niya lamang ang gandang dulot ng pagkakaroon ng superpowers at hindi na niya inisip pa ang mga susunod na pangyayari? Marahil ay mas matinding pagharap pa sa mundo ang kahaharapin ng ginagawang pagtalikod ng persona. O maaari ring sabihing hindi siya sikat sa kanyang panahon kaya naghahanap siya ng bagay na maaaring magbigay pansin sa iba upang tanghalin naman siya kahit papano ng kanyang pamilya at mga kaibigan. May mga tao rin namang naghahanap ng atensyon dahil sa kulang marahil ang kanilang mga nagagawang paghihirap kaya hindi sila madalas napapansin. Kung gusto mang mapansin ng persona, papangarapin niya na lamang na maging superhero para mapansin naman siya. Maaaring pahiwatigang ayaw niyang naghihirap kaya gagamitan niya ng malakas na kapangyarihan ang kanyang mga problema nang hindi nasasaktan at namamatay habang napapansin ng mga nakakakilala sa kanya na may kaya rin siyang gawin at ayaw niyang pahuhuli sa mundo, sa kanila.


Ang Superproxy ng Eraserheads ay tungkol sa isang kaibigang iniaalay ang kanyang sarili para malimutan ng kanyang kaibigan ang mga problema niya at siya na mismo, bilang superproxy ng kaibigan ang papalit sa kanya sa buhay. Sa kantang ito naman ng Eraserheads, iminumungkahi ng persona na ilipat ang kanyang mga problema sa ibang tao para saluhin at paghirapan. May mga tao ring iginugugol ang kani-kanilang mga oras sa mga kailangang gawin sa buhay nila nang hindi nabibigyan ng oras ang pagpapahinga at pagbibigay-kasiyahan sa sarili. Sa simulang bahagi ng kanta, tinatanong ng persona ang mga problema ng kanyang kinakausap at kung masasagot ng Oo ng kanyang kinakausap ang lahat ng kanyang mga tanong e ibibigay niya ang kanyang sarili para pumalit sa nangangailangan ng kanyang tulong. Ang persona ay tipo ng mga kaibigan na handang ibigay ang kanilang mga sarili para sa kanilang mga kaibigan. Kinakalimutan nila ang kanilang mga sarili para sa sarili ng iba. Kung bibigyan man nila ng pagkakataong makapagpahinga ang kanilang mga kaibigan, sila na muna ang papalit sa mga problema nitong kasalukuyang kinakaharap. Pero sa dulo ng pag-iwan at paglimot nang panandalian sa mga problema, hindi pa rin apektado sa hirap at pasakit ang persona. Bakit? Proxy lamang siya. Maaari ngang malayo sa problema ang tinutulungan ng persona ngunit hindi pa rin naman problema iyong ng proxy dahil babalik at babalik din ang may tunay na nagmamay-ari ng problema. Kung may gagawin man ang kanyang proxy, maaaring pa ngang magkamali ito at puwedeng magdalawang-isip pa ang kanyang kaibigang tumawag at naising may pumalit man lamang sa kanya. Ang super sa superproxy ay hindi sa pagiging mapagkakatiwalaang mahusay ng proxy na magagawa niyang garantisadong tama at walang mali ang lahat ng pinagagawa sa kanya ng kanyang kaibigan kundi ang pagiging super niyang proxy e dahil sa pati ang mga bagay tulad ng pagyakap sa asawa at pagbiyahe na lamang papuntang trabaho e kailangan pang may pumalit sa kanya. Kumbaga, ang superproxy na mismo ang magiging kapalit sa lahat ng problema ng kanyang gustong tulungan. Kung bakit ba kasi kailangang pang may magcommute para sa’yo, sa mga pinakasisimpleng bagay e humihingi pa rin ng tulong ang isang tao at sige pa rin ang superproxy. Kung hindi man lang din magagarantisahang magiging maayos ang mga tinalikurang gawain, na ang garantisado lamang e ang pahinga, maaaring hindi na lamang kumuha ng superproxy ang isang taong pinag-aalayan na masyado siyang nahihigop sa nararapat na mahusay at tamang pagkakagawa ng kanyang mga tungkulin. Pero kung magiging maluwag naman sa buhay ang pagbibigyan ng tulong ng superproxy at gusto lang talaga niyang magpahinga, maaaring ipaubaya na lamang niya ang kanyang trabaho para lang din makalimot sa hirap ng mundo at pagbigyan naman ang sarili.


Nakapagpapagaan din naman ang Easy Ka Lang. Sa simula pa lamang ng kanta e pinapakita na ng persona na lahat din ng mga tao ay nahihirapan sa mundo. May mga tao kasing akala nila, sila lamang ang may problema at wala nang iba pang makapapantay pa sa kanilang mga dinadala. Ipinararating ng kanta na hindi nag-iisa ang taong may problema, na lahat naman e dumadaan sa mga paghihirap at pagpapakasakit ng totoong buhay. Kung wala man lang ding mahanap na solusyon ang namromroblema, kailangan niya na lamang isiping kapareha lang naman din siya ng marami pang tao sa mundo at kung minsan pa ay may nakararanas pa ng mas mabibigat na problema kaysa sa kinakaharap niya ngayon. Pamagat pa lang, makikita na na ang kinakausap ng persona ay nag-iinit ang ulo. Maaaring ipinahihiwatig lamang ng persona na hindi naman nadadaan sa init ng ulo ang mga problema. Ikanga ni Aang sa Avatar: The Last Airbender, “Harsh words won’t solve problems. Action will.” Kung puro dada at pagmamaktol na lang ang mga gagawin ng isang namromroblemang tao, wala naman itong magiging tulong o kontribusyon sa pagbabawas at pagpapagaan ng problemang pinapasan. Kung mabigat na nga ang problema e bakit pa lalong pabibigatin ang nararamdaman, bakit pa ba magagalit? Bakit pa magagalit kung hindi ka naman nag-iisang taong may problema? Ipinapayo ng persona na hindi dapat magpadala sa mga pandidikta ng buhay dahil tayo rin naman mismo ang may pagkontrol at hindi ang ating mga problema. Kung pagagaanin natin ang ating mga isip, mas madali naman sigurong masasagot natin ang ating mga problema. Mas mabilis tayong makapag-iisip kung ikakalma lamang natin ang ating mga bumbunan saka tuluy-tuloy na mapapawi ang pagpapakasakit sa buhay. Lalo pang sinuportahan ng linyang “Ang kakasermon mo sa akin//Sawang-sawa na 'ko niyan//Sa bahay namin” ang pagsasabi ng hindi naman talaga nag-iisa ang kanyang nagwawalang kausap sa mundo ng mga problema. Kung nagsasawa na ang persona sa mga sermon e marahil ay araw-araw na siyang namomroblema sa kanilang bahay kaya kung kaya niya namang idaan sa ngiti at pagiging kalmado sa buhay e bakit hindi subukan ng kanyang kinakausap. Wala rin namang mapapalang maganda at baka mas lalo pa ngang lumala ang kumukulong sitwasyon kung pakukuluin din mismo ang iyong damdamin sa mga problemang ibinabato sa iyo. Binanggit din ng persona sa kanta na “Easy ka lang//At baka ka mahibang//Magmumukha kang timang”. May mga taong nadadala nga naman sa kanilang mga problema at hindi na nagagawa nang tama ang mga dapat na gawin kung magpapaagos lang din sa hirap ng dinadala. Payong kaibigan ikanga naman ng persona na huwag idaan sa init ng bumbunan at baka ika’y mabaliw sa kaiisip ng kung anu-ano at madiretso ito sa paglala pa ng sitwasyon o pagkawala sa sarili na nahahantong din sa pagpapakamatay. Tinuturo ng kanta na hindi lamang ngitian ang mga problema kundi palakasin ang loob at huwag magpapatalo. Hindi dapat dinadala ng matatagal ang mga problema dahil masasayang lamang ang buhay kung puro paghihirap na lamang ang aatupagin sa buhay.


Kung gusto lang din naman ng Eraserheads na huwag nang magalit, sa kanilang kantang With A Smile na all-time favorite ng mga Pilipino e dagdagan pa ang paglimot sa galit at palitan ito ng ngiti. Kung gusto lang din naman ng panandaliang pagsagot sa problema o kahit kakaunting bigay ng lakas ng loob sa mga hamon ng buhay e ang pagngiti na malamang ang pinakasimpleng paraan para rito. Binabanggit sa kanta na wala namang madaling daan para sa tagumpay kaya naman hindi natin kailangang magmadali at mainggit sa nangyayari sa iba. Kung pare-pareho lang din naman tayo ng mga dinaraanan, at mapagtatanto nating parte nga naman ng buhay ang problema, edi ngitian na lamang ang mga ito at sabihin sa sariling normal lamang ang nangyayari sa ‘yo. Abnormal nga naman ang isang taong walang problema. Kaya kung ngingitian lamang natin ang ating mga problema, alam natin sa mga sarili nating ang mga akala nating maling nangyayari sa atin ay hindi naman talaga mali. Hindi naman na kailangan daw magpatalo sa mundo, na pumayag na palungkutin tayo ng mundo, kundi ngitian na lamang ang ating mga problema at tanggapin silang naging malaking bahagi sila ng ating mga tagumpay.


Kung maghahanap din man lang ng makapagpapalimot nang panandalian sa hirap ng mga problema, nariyan ang mga kanta ng Eraserheads para magpaalalang kung nalalapit ka nang bumagsak sa iyon buhay, maaari itong malimutan sa pamamagitan ng pagpapanggap, paghahanap ng panandaliang ligaya, paghingi ng tulong sa kaibigan, pag-alis ng galit sa puso at pagpalit dito ng ngiti. Madali na marahil nakita ng Eraserheads ang sagot sa mga pagpapakasakit sa buhay. Kung kaya lang din naman nilang maisip na sirain at wasakin ang pandidikta ng buhay sa kanila, at susundan pa nila ito ng karampatang solusyon sa kani-kanilang mga problema, maigi at mahusay nilang ipinamamahagi sa pamamagitan ng kanilang masayang musika ang kanilang mga tulong sa mahirap na buhay sa Pilipinas. Sikat din naman sa mga Pinoy ang pagngiti na lamang sa problema. Kung may nakaiintindi lang din naman sa mga taong namromroblema tulad ng Eraserheads ay marahil nangyari na rin ang mga ito sa kanila, na nagdaan din naman sila sa mga mahihirap na pagsubok ng buhay. At sagot lang nila, nasa kanilang mga musika, sa kanilang musikang patuloy ng aandar sa kokote ng mga Pilipinong nakikinig sa kanila, bilang mga tulong sa patuloy pang pagsabay sa agos ng buhay na punung-puno ng mga problema. Ang pagtingin sa problema bilang parte lamang talaga ng buhay, ang paglimot dito, ang pagngiti lamang sa tila nangungutyang mga problema, lahat ng ito’y nakitaan ng sagot ng Eraserheads. Sinisira nila ang pinakanatural ng takbuhin sa mundo na sa kung pandidiktahan man tayo ng ating mga problema at pansariling mga presyon, kaya nating kumawala at may kapangyarihan tayong kontrolin ang mga akala nati’y kumokontrol sa atin.

Mabuhay ang Eraserheads!