Diksyonaryong
Sentinyal ng Wikang Filipino (2011)
Ang diksyonaryong nakuha ko mula sa
Komisyon sa Wikang Filipino ay ang kanilang pang-ika-75 anibersaryong edisyon. May
paunang mensahe sa simula si Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III na dahil
daw sa multi-etniko at multi-kultural ang Pilipinas ay napakagandang ang diksyonaryong
ito ng wikang Filipino ay nagbigay halaga sa lahat ng wikang umiiral sa buong
kapuluan ng ating bansa mula Batanes hanggang Jolo. Tinawag niya pang Wikang
Panlahat (lingua franca ng Pilipinas) ang wikang Filipino. Ibig sabihin, ang diksyonaryong
nailimbag ay para sa mga taong marunong na ng Filipino, o nakapag-aral na at nakapagsasalita
na ng Filipino. Nang tiningnan ko na ang bahating Daglat ng diksyonaryo, ito
ang aking nakita:
1.2 Mga diyalekto at wika
Badyaw Palawan
(Bk.) Bikol (Png.) Pangasinan
Bontok Samal
(Hlg.) Hiligaynon (Seb.) Sebuano
Ibaloy Sisang Siasi
(Ig.) Igorot (S-L) Samar-Leyte
(Ilk.) Ilokano Sulu
(Is.) Islam (Tg.) Tagalog
Isneg Tawi-tawi
Ivatan (T’boli) Tiboli
Kankanay Tagbanwa
(Kpm.) Kapampangan Tingguian
Kinaray-a (Tau.) Tausug
(Mar.) Maranao (Tir.) Tiruray
(Mgd.) Maguindanao (Vis.) Visaya
Palawan Agta
Una sa lahat, mukhang hindi malinaw
para sa kanila ang pagkakaiba ng diyalekto at ng wika. Hindi ba’t ang wika’y
mas malaki ang nasasakupan kaysa sa diyalekto bilang din namang ang diyalekto
ay mas maliit na bahagi lamang ng isang wika. Paano na lamang kung hindi pa
gaanong maalam sa wika ang gagamit ng kanilang diksyonaryo? Kahit na sabihin
nating kung nasa opisina lamang nila o nasa College of Law ng UP Diliman lamang
makikita ang diksyonaryo nilang ito, dapat ay maaari itong basahin ng kahit sinumang taong matatas sa Filipino kahit na
hindi siya nagme-major sa larangang nabanggit. Paano na lamang malalaman ng
isang Engineering Major o ano pa mang major ng agham na larangan kung alin sa
mga nakalista sa ibabaw ang diyalekto at kung alin ang wika? Ni hindi nga
siguro nila alam kung ano ang pagkakaiba ng dalawa. Madali lang naman sigurong
ilagay sa ilalim halimbawa ng wikang Palawan ang diyalektong Palawan Agta. Mas maigi rin sana kung inihanay nila sa
tatlong malalaking isla ng Pilipinas ang pagkakategorya ng mga wika (Luzon,
Visayas at Mindanao).
Ikalawa, kung gagawin naman nila iyong
paghahanay sa tatlong malalaking isla, lalong lilitaw ang kanilang kakulangan
nila sa kaalaman tungkol sa mga wika ng Pilipinas. E hindi lang gaganyan
kakakaunti ang mga wika ng Pilipinas. Hindi pa umaabot sa kalahati ng totoong
dami ng wika ng Pilipinas ang kanilang inilista. Nasaan na halimbawa ang mga
wikang Ibanag, Itneg, Romblomanon, at Waray? At hindi ba’t maraming ring diyalekto
ang bawat malalaking wika tulad ng Ilokano, Bikolano at Tagalog? Nasaan ang mga
ito? Maling sabihin sa simula pa lamang ng diksyonaryo na lahat ng wika ng
Pilipinas ay makikita o nasaliksik nila para sa ilalagay na mga lahok. Maaari
naman sigurong ilagay na lamang na lahat ng lingua franca sa malalaking
etno-lingguwistikong grupo ay nailagay nila. O lahat ng malalaking wika ng
malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nasaliksik nila. Ngunit maaari lamang
sila madali dahil sa konsepto pa lamang ng laki. Mas maigi na siguro ang
paggamit na lamang ng tungkol sa lingua franca. Papaano na naman iyon e
Hiligaynon nga, wala sa kanilang listahan.
Ikatlo, para sa bahaging ito, hindi lahat ng
lahok ay nilinaw kung saang wika o diyalekto sila nanggaling. Paraan ba ito ng
pagsasabi na hindi naman na nila kailangan pang ilagay kung anong wika ang
pinagmulan ng isang lahok para mas lalong tumibay ang pagtingin sa wikang
Filipino bilang wikang ibinase sa maraming wika ng Pilipinas ngunit kailangang
tingnan bilang para sa lahat? O halos lahat ba sa kanilang mga lahok ay
nanggaling sa wikang Tagalog kaya hindi na lang nila nilagay ang wikang
pinanggalingang wika bilang din namang malaking porsyento ng Filipino ay
Tagalog? Maiintindihan ba agad ng mga mambabasa iyon? O napakalaking porsyento
ng bilang ng mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog? Kung galing nga sa
Tagalog, bakit hindi pa rin nila inilagay katabi ng salita gayong nasa mga
dagli ang Tagalog (Tag.)? Paano na lamang ang mga wikang nanggaling sa wikang
Espanyol na matagal nang ginamit ng mga Tagalog at hindi nila alam na banyaga
pala ang etimolohiya ng salitang iyon? Mahalagang maipalam sa mga gagamit ng
diksyonaryo ang pinagmulang wika ng isang salita kung sasabihin lang din naman
nila sa simula na multi-etniko tayong bansa. Hindi ito pag-aangat ng konsepto
ng rehiyunalismo o pagkakaroon ng pagkakaiba-iba kahit na nasa ibang bansa tayo
at may mga nagkakatagpong mga ideolohiya. Bagkus, ang simpleng paglahad lamang
ng pinanggalingang wika ng isang salita ay mabisa nang pagkilala sa wikang
iyon, para malaman niyang may naiambag siya sa pambansang lingua franca, at
iyon ay kung nais nga nilang patingkarin na pambansang effort ang pagbuo at
paglinang sa wikang Filipino. Hindi ba’t hindi gaano kagandang makitang nailagay
sa diksyonaryong iyong binabasa ang isang salitang taal sa iyong bayan, kung
hindi rin man lang iaacknowledge ang pinanggalingan nitong wika, samantalang
ang ibang salita naman ay nalalagyan? Hindi ba nila naisip na hindi naman lahat
ng Pilipino ay alam kung Tagalog nga ba nagmula ang isang salita o Sebuano o
Waray? Narito ang halimbawa ng isang lahok na may nakalagay na pinagmulang wika
(Note: Nahirapan akong maghanap ng salitang ganito. Halos lahat kasi ay walang
inilagay na pinagmulang wika.):
gu.sôk (Bk., Hlg., S-L.,
Sb., Tau.) png. Tadyang.
Magandang bagay naman ng paglagay nila para
sa salitang ito. Marami naman sigurong hindi nakaaalam ng salitang gusok
ngunit bilang tadyang ang kahulugan ng salita ay malamang sa malamang
ay alam ng mga Bikolano, Hiligaynon, taga-Samar at Leyte, pati na rin ng mga
Tausug ang salitang ito. Bahagi ito ng katawan at hindi naman siguro maaaring
hindi nila alam ang ibig sabihin ng gusok
dahil sa wika nila mismo ito kinuha. Marami bang gumagamit ng salitang gusok? O tadyang pa rin ang madalas pa ring gamitin? Pasimple lamang ba ang
paglalagay nila ng lahok na ito? Basta lamang ba iniligay nila ang salitang ito
para lamang masabing bahagi ng paglinang sa wikang Filipino ang mga wika ng
Bikol, Silangang Visayas at Timog Mindanao? Hindi kasi makikitang mabigat ang
pakitungo nila sa pagsasabi nila sa unang bahagi pa lamang ng diksyonaryo na para
sa maraming wika ng Pilipinas ang Filipino na sinaliksik nila para rito. Lubhang
kakaunti lamang ang bilang nga mga ganitong lahok. Halos lahat ay walang
ganitong paglalagay o paglilinaw, o maaari ring napakalaking bahagi ng kanilang
diksyonaryo ang wikang Tagalog. Kung ilalagay nila ang ganitong paglalahok,
bakit hindi nila gawin sa Tagalog? Mga Tagalog lamang ba ang alam nilang pinakagagamit
ng kanilang binuong aklat? Hindi naman kasi lahat din ng salita ay taal lamang
sa Tagalog. Halimbawa na lamang sa lahok nila na guniguni:
gu.ní.gu.ní
png. 1. Pagbubuo ng mga
larawang pangkaisipan o mga palagay tungkol sa mga bagay na hindi naman tunay
na nangyayari. 2. Kapangyarihan ng isip na bumuo ng gayong larawan at
palagay. 3. Bunga ng imahinasyon;
palagay o anumang likha ng pag-iisip na karaniwan ay walang batayan at hindi
nakikita. –gu.ni.gu.ni.hin,
ma.gu.ni.-guni pd. –laman ng guniguni idy. Nasa isip. –wala sa
guniguni idy. Hindi man lamang
nagugunita o naiisip. sk: imahinasyon,
hinagap, haraya.
Una, para sa bahaging ito, ayon muna sa UP
Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010) na ang salitang guniguni ay nanggaling o ginagamit na
noon pa sa mga wikang Aklanon, Kapampangan at Tagalog. Kita-kita ang kakulangan
sa kaalaman ng mga gumawa ng diksiyonaryo tungkol sa mga wika ng Pilipinas. Pangalawa,
gusto ko sanang kumentuhan ang tungkol sa kanilang pagbabaybay. Kung gagamit ka
pa lamang sa simula ng iyong lahok ng ibang simbolo, halimbawa sa kasong ito sa
simbolong i, para magkaroon ng
emphasis sa pagbigkas, bakit sa bahaging gunigunihin,
maguniguni, etc., ay hindi na
isinaalang-alang ang tamang simbolo/titik? Maganda na sana ang ipinakitang mga
gabay sa paggamit ng diksiyonaryo na isinulat sa may bandang unahan, katulad na
nga ng nabanggit na tungkol sa tamang pagbigkas ngunit bakit hindi na naging
masinsin ang paggamit sa tamang simbolo para sa tamang pagbigkas? Isa pang napansin
ko ay ang pagkakaroon ng gitling sa bahaging maguni-guni. Bakit hindi rin masinsin ang paggamit ng bantas para
sa mas mapagkatitiwalaang baybay? At isa
pa, mula naman sa halimbawang pangungusap mula sa sinusuring lahok, nagkaroon
ng pagkakamali sa sulat na Waka imbes
na Wala ang nakasulat. Wala bang
nagproofread ng kanilang diksiyonaryo? Sana’y ginawang malinis man lamang nila
ang pagsusulat bilang pang-anibersaryo nila itong edisyon. Palalampasin lang
sana itong maliit na bagay na ito kung mga Pilipino lang ang gagamit, ngunit
papaano na ang mga banyaga? Kinakailangan pa ba nilang hanapin ang salitang waka para lamang mapagtanto nilang baka
typographical error lamang ito para sa wala
para magkaroon na ng diwa ang ginamit na halimbawang pangungusap? Ang isang
diksiyonaryo ay nararapat lamang na maging isang reference material na kung
gagamitin ay mabilis at madalian para sa mambabasa o nananaliksik. Hindi na
nito kinakailangan pang nililito ang gagamit sa kanya. Kahit na maraming salita
pa ang nakapasok bilang mga lahok sa kanyang bawat pahina, hindi dapat maging
abala ang baybay, pagbigkas, at iba pang mahahalagang detalye para sa
gumagamit.
Narito ang isa pang halimbawa ng lahok mula
sa Diksiyonaryo ng KWF:
i.a.bot
[abot]
pd. Ibigay sa pamamagitan ng
pag-aabot.
ang bote ng patis.>
Isang rule ang pinaalala sa amin ng aming
guro na hindi dapat maging bahagi ng
kahulugan ng isang salita ang mismong salita. Sa halimbawang ito pa lamang ay
malilito na ang gumagamit ng diksiyonaryo. Sayang lamang sa espasyo ang lahok
na mga katulad nito. Inilagay ko naman ang aking sarili bilang baguhan sa wika
kaya sinubukan ko na ring puntahan ang sinasabi ng diksiyonaryo na [abot] na
dapat kong puntahan:
1a.bot png. 1. Lawak,
laki, sakop ng anuman. 2. Ang pagbibigay sa pamamagitan ng kamay. 3. Pagkuha, pagdaiti, o paghipo sa pamamagitan ng dukwang; nakaunat
na kamay, sungkit, atb. 4. Ang
nasasakop ng isip, pang-unawa o kaalaman. pag.a.a.bot,
ta.ga.a.bot png. a.bu.tan, a.bu.tin, i.a.bot, ma.a.bot, mag.a.bot, u.ma.bot pd. a.bot-a.bot pr. sk: 1. saklaw; kaya
Kapag hindi na ginamit ang kamay, hindi na
abot ang tawag doon? Paano kung naiabot gamit ang paa? Marami pa namang
gumagawa ng ganoon sa bahay, lalung-lalo na ang mga nanay. Ano ang gagamiting
salita kapag nagkagano’n? Pagbibigay ba talaga ang salitang abot? Paano kapag tinanong ako ng isang
kong kaibigan kung abot ko ang isang bagay? Kailangan ko pa ba itong ibigay sa
kanya? Hindi. Ang abot ay kung kayang
mahawakan o mahipo ng kahit na anumang bahagi ng katawan ng tao ang isang
bagay, kung sa literal na abot ang
pag-uusapan. Hindi gaanong nakatulong ang [abot] na inilagay sa lahok na iabot para sa mas tiyak na kahulugan. Lalu
lamang malilito ang gumagamit ng diksiyonaryo, lalo na kung hindi siya isang
native speaker ng Filipino. Maigi siguro kung inihanay sa pandiwa ang salitang
abot at inilagay sa ibaba ang mga maaaring gamiting panlapi. Iba rin naman kasi
ang pakahulugan kapag umabot na, bilang ang abot
rito ay ang pagdating o pagsapit. Maaaring mag-iba ang pinakakahulugan ng
salita base sa ginamit na panlapi sa salitang-ugat, lalung-lalo na sa mga pandiwa.
Ikaapat, kung babalikan na ang nauna
kong tinatalakay tungkol sa mga wikang isinama sa diksiyonaryo, paano na lamang
ang mga lahok na nasa wikang banyaga? Hindi naman din sila naglagay ng Ingles
ni Espanyol sa kanilang listahan. Alam ba talaga nila ang esensya ng iba’t
ibang wikang nakapaloob sa isinusulong na wikang Filipino sa bansa na base sa
maraming wika? Hindi lamang kasi wikang taal sa Pilipinas ang kasama sa
Filipino ngayon kundi pati na rin ang mga banyagang wikang nagkaroon na ng
malaking epekto sa ating kultura gaya na lamang ng mga wikang Ingles, Espanyol
at Intsik. Hindi nalilimitahan sa wikang Filipino, patuloy itong nagbabago, at
sa patuloy na ginagawang paglinang sa pambansang lingua franca ay hindi sana
malimutang kilalanin ang mga wikang nag-ambag, kahit na sinabi pang inangkin na
natin ang mga ito. Tanggapin ng mga leksikograpo na wala nang purong wika,
ngunit kailangan pa ring alalahanin ang mga salitang naging pundasyon ng isang
wika.
Magandang bagay naman na isinama
nila ang mga gabay tungkol sa pag-uulit ng pantig. May mga salita kasing
mukhang inuulit ngunit kapag tinanggal na mula sa anyong ito ay nagmumukhang
wala namang kahulugan ang salitang naiwan na parang salitang-ugat. Tungkol
naman sa pagbabaybay ng mga salita may vowel clusters halimbawa na lamang sa
mga katagang piyano, pyano at piano, tatlong variants ng baybay ang ipinakita nila bilang
paglilinaw sa mga maaaring pagbabago sa salita kapag inaadapt na ng naturang
pagbigkas ng isang wika. Mabuting isinama nila ito sa diksyionaryo upang hindi
malito ang gumagamit sa mga batas ng pagbabaybay sa wikang Filipino. Kaakibat
na rin nito ang mga gabay tungkol sa mga pagbabagong morpoponemiko sa wikang
Filipino na hindi naman naituturo nang masinsinan sa elementarya o iba pang mga
kurso sa kolehiyo, pati na rin ang kasaysayan ng ortograpiyang Filipino bilang
mas makatutulong na mapalinaw ang sistema ng ating pagsulat.
Ipinagtataka ko lamang kung bakit
kinakailangan pa nilang ilagay ang dami ng kanilang lahok mula sa
pinanggalingang edisyon patungo sa kanilang edisyon na ito. Hindi naman siguro
ito magagamit ng mga maghahanap lamang ng mga kahulugan. Ito ba ay para mas
mapagkatiwalaan ng tao ang kanilang libro dahil sa sinasabi nilang
signipikanteng dami ng dagdag sa kanilang mga lahok? Ang kailangan lamang nila
ay mas lubusang pag-eedit impormasyon lalung-lalo na sa mga maliliit na detalye.
Kailangan din nilang pagtuunan pa ng pansin kung makalilito lamang ba ang isang
lahok na makatatagpo ng gumagamit.
UP Diksiyonaryong
Filipino: Binagong Edisyon (2010)
Katulad ng Diksiyonaryong Sentinyal,
ang UP Diksiyonaryong Filipino ay may pagpapahalaga rin sa mga katutubong wika
ng Pilipinas. Nang aking silipin ang listahan ng mga dagli ay nagulat ako sa dami
ng wikang isinama nila ngunit magkahalong mga emosyon liban sa pagkasindak ang
nagpaisip sa akin. Una, natuwa ako sa mukhang kumpleto o mas matinding
pananaliksik na ginawa para sa mga wikang nakapag-ambag na sa Filipino. Maraming
wika ang nanggaling sa Luzon, sa Visayas pati na rin sa Mindanao. Nariyan din
ang mga wikang Ingles at Espanyol pati na rin halimbawa ng Hapon at Italyano. Hindi
lamang matututo ng kahulugan ang mga gagamit ng diksiyonaryo kundi magkakaroon
pa sila ng maliit na bahagi ng kasaysayan ng salitang isinama. Maganda bagay
sana rin kung nagsama pa sila ng mga diyalekto ng malalaking wika dahil may mga
salitang ginagamit sa isang diyalekto ng isang wika ngunit wala sa isa pa. Hindi
na nila pa siguro isinama pa ang mga diyalekto dahil magpapahaba lamang ito sa
magiging espasyo para sa lahok. Ang ikinabahala ko lamang ay nakapaloob din sa
listahan ng mga dagli ang mga kaalamang siyentipiko, halimbawa ang Zoology at
Botany, na nakapaloob din sa listahan ng mga dagli. Mas maganda sana kung
ikinategroya rin nila ang mga dagli para mas madaling malaman kung anong bahagi
ang nakapaloob sa lahok. Ngunit nang silipin ko naman ang lahok ay nalaman kong
hindi naman pala nakapaloob sa panaklong na [ ] ang Zoo, Bot, etc. Magandang
bahagi ito ng lahok bilang dagdag na impormasyon tungkol sa mga salita.
Mabuti ring detalyadong kumpleto ang gabay na
mga isinulat para sa paggamit ng mga diksiyonaryo. Katulad na lamang ng mga
varyant na maaaring makatulong sa mga maaaring pagkalito sa pagbabaybay
gayundin sa mga salitang inayos ang tamang pagbibigkas. Magandang bagay na isinama
nila ang lahat ng posibleng pagbigkas sa isang lahok. Sa bawat varyant ng
pagbigkas ay nagkakaroon kasi ng bagong salita. Kapuri-puri ang masinsinang
paggamit ng mga tamang simbolo para sa ganap na pagbigkas. Ang pagbigkas na mga
ito ay nakapaloob sa mga panaklong ( ) bilang hiwalay na makita mula sa ganap
namang baybay ng lahok. Mayroon ding mga
pagbigkas na diretso nang nakasama sa lahok mismo. Ang mga nakapaloob sa mga
panaklong ibig sabihin ay malaking tulong sa mga salitang posibleng hindi alam
ng gumagamit ang bigkas. Nilinaw rin sa mga gabay na may mga hiram naman
talagang mga salita ang wikang Filipino, kaya nga pagdating sa dagli ay may mga
isinamang banyagang wika.
Nang pasadahan ko na ang mga lahok ng
nasabing diksiyonaryo, halos lahat ng mga salita ay mayroong pinanggalingang
wika. Napakamabuting malamang hindi lamang pala sa Tagalog mayroon ng mga ibang
salita. Itinuro pa ng diksiyonaryo na mayroong pagkakahawig sa mga wika ng
Pilipinas. Naituturo sa kamalayan ng gumagamit na magkakaugnay ang mga wika ng
Pilipinas na hindi dapat magkaroon ng ibang pagtingin kapag hindi Tagalog ang
napakikinggan. Dapat mas lalong maunawaan ng mambabasa na magkakapantay ang mga
wika at hindi dapat bumababa ang pagtingin sa hindi Tagalog. Hindi na lamang
kahulugan ang maaaring mapulot ng gumagamit sa diksiyonaryong ito kundi iba
pang makabuluhang impormasyon tungkol sa wika at sa mga wika ng Pilipinas.
Dahil sa dami ng wikang isinama sa diksiyonaryong
ito ay lalong nagmultiply ang dami ng lahok. Mabuti pa ito o masama para sa
espasyo? Makabubuti naman ito sapagkat nakapagpapakilala ng bagong wika, ibig
sabihin ay bagong mga salita, ang diksiyonaryo sa mambabasa kahit na sabihin
nating patungo lamang siya sa isang lahok. Hindi malayong maraming-maraming
salita siyang mapapasadahan dahil sa tatlong column ng mga lahok. May mga lahok
ding katulad ng abokado at avocado na mahahalatang magkalayo kung
hahanapin pa. Nasa lahok na abokado
ang kahulugan ng dalawa dahil sa idederetso ka ng lahok na avocado sa abokado. Maling
bagay ba ito na nakasasayang lamang ng espasyo kung halos magkasingbigkas at
magkasingbaybay lamang ang dalawang salita? May mga salita nga na pareho ng
baybay ngunit ibahin lamang ang bigkas ay magkakaiba at malaki na ang
pagkakaiba sa kahulugan. Mabuti na sigurong isinama nila pareho ang dalawang
lahok na ito para sa mga nakaaalam baybay sa Ingles. Maaari rin itong makatulong
sa mga banyagang nag-aaral pa lamang ng wikang Filipino. Ngunit magmumukha ba
itong kasayangan sa espasyo kung binanggit ko ang tungkol sa isang bilingual
dictionary? Bakit napakadami ng ganitong halimbawa gaya na lamang ng abortionist at abortionista? Binabasag na ba ng diksiyonaryong ito ang mga papel
ng isang bilingual dictionary? O minimithi na rin nilang pagsabayin ang dalawa
sa iisang reference material? Maraming salita na kasi na nanggaling sa Ingles
ang maaari namang makuha ang kahulugan sa isang Ingles na diksiyonaryo o kaya
naman ay kung patungkol pa man ito sa Zoology o Botany ay mayroong iba pang reference
material tulad ng almanac at encyclopedia. O sinusubukan ding maisama sa
diksiyonaryong ito ang mga katangiang taglay o impormasyong pinagtutuunang
pansin ng ibang reference material? Ang mga ganitong malalaking pagsakop ba ng
espasyo sa iisang reference material ay maaaring tingnan bilang pagtitipid na
rin sa mga maaari pang buuing materyal? O mas maiging gumawa rin ng ibang
reference material sa wikang Filipino para lamang makatipid sa espasyo ng
diksiyonaryong bubuuin?
Nagmukhang masikip man o paulit-ulit ang mga
salita para sa gagamit na Pilipino ng diksiyonaryong ito (kung hihinalaing edukado
ang gagamit at marunong ng Filipino at Ingles), maganda bagay pa rin naman ang
pagiging siksik ng mga lahok sa detalye, kahit sa maliliit at mga makabuluhang
impormasyon.
Mga
diksyunaryong sinuri:
UP Diksiyonaryong
Filipino: Binagong Edisyon. UP Sentro ng Wikang Filipino – Diliman.
Anvil Publishing Inc. 2010.
Diksyonaryong
Sentinyal ng Wikang Filipino: Pang ika-75 na Anibersaryong Edisyon.
Komisyon sa Wikang Filipino. 2011.