Mabuti't maliwanag pa ang pangatlong 7-Eleven sa may susunod na kanto. Sinilip saglit ang cell phone na wala na nga palang baterya, buntong-hininga, tingala sa buwan. Dinukot ang panyo at pinunasan ang pawis sa noo at magkabilang pisngi. Naghanap ng mauupuan pero wala kaya umupo na lamang sa gutter at inilabas na ang kaha ng yosi.
"Parahan mo tayo ng bus."
"Pasaan?"
"Pa-******, o basta dadaan sa ******."
Paubos na ang ikalawang stick nang makapagpara. Buti na lang at meron pa. Preskong jackpot kasi walang aircon. Mukhang sabog talaga yung driver pero okay pa rin kasi good shit ang pinatugtog ng DJ sa radyo. Agad nang naabutan ng konduktor ang nais, agad ding nanahimik ang lahat. Walang kutyaba ng paparating na sakuna, pandelikado man ang dagok ng mga hibla.
Mukhang malayo sa panaginip ang magmadali. Lumingat lamang nang ilang segundo at biglang may tumatapik na sa kaliwang balikat.
"Gago, lumampas na ba tayo?"
Halos patalong sinipa ng sarili ang kagigising lang na diwa. Sinilip ang labas. Lalong guminaw at sumariwa ang simoy ng hangin. Kumuwit sandali ang ngiti nang madaanan na ang mga puno at iba't iba pang mga hudyat na malayo na sa karahasan ng langis, usok, at bakal. Sininghot sa pangalawang beses ang pagkakakalas ng tanikala at dinukot ang kaha ng yosi.
"Manong, puwedeng magyosi?"
"Aba'y, uo."
"Thank you po."
Sumindi ang umpisa ng pagkasabik. May mga paniking lumilipat ng puwesto. Humina na ang kanta sa radyo, at tulog na halos lahat ng pasahero. Payapa pa sa natutulog na tuta ang pagkalong ng tahanan. Lumingon sandali kung may pasahero bang sa likod na maaasar. Buti na lang wala.
"Malapit na, gago."
Ilang lubak pa ang tiniis at pumara na rin sa wakas. Nanigarilyo munang ulit ng tag-isa. Sumunod sa nauuna, habang ginagabayan ng mga natatapakang bato sa lupa. Limot nang magtabi-tabi hangga't hindi pa nadaratnan. Bawat apak ay parang kusang paunti-unting tulak sa pagmamadali. Malapit na... Malapit na tayo.
Maya-maya'y naaninag na sa may ilang dura pa ang bukas pang tila malaking kubo-karinderya.
"Sabi ko sa'yo bukas pa si Kabayan e."
"Ano sa inyo?"
"Dalawang pares nga po."