August 16, 2024

XVI

There was this certain passenger na nakakasabay ko, mas minsan lang nang kaunti sa madalas, sa aking biyaheng jeepney pauwi sa probinsiya. Sa aking tantya e nasa mid-thirties na ang kanyang edad to early forties. Kung huhusgahan ko lang din siya e mukha siyang nurse base lang sa kanyang kasuotan. Never akong nagkaroon ng personal na alitan laban sa kanya pero there was once this particular experience na nagwala siya sa jeep.

Tulad ng binanggit ko kanina, maraming beses ko na siyang nakakasabay. More or less e alam ko ang ugali niya bilang isang pasahero. Hindi naman sa madalas akong manghusga ng mga nakakasama ko sa jeep kahit hindi ko kilala pero ganun ka rin naman so shut the fuck up. Ayaw mong nahuhusgahan? Siya nama'y ayaw niyang nasisikipan.

Oo, tama ang nabasa mo. Ayaw niyang nakakaramdam ng kasikipan. Sa jeep. Like, what the actual hell ang nararanasan niya sa tuwing nasasagi siya nang kahit medyo slight ng katabi niya? Ngayon ay kung kasama sa daily routine mo ang commute e hindi rin malayo sa iyong danas na may makasabay na paulit-ulit na pasahero. So gayon din, medyo "kilala" itong masungit na pasahero na ito sa kapuwa kong mga pasahero pauwi at this certain time ng hapon.

Sa kadalasang nakakatabi siya, alam na lang din naming huwag siyang masyadong madidikitan dahil alam naming mabilis na umiinit ang ulo niya. Para bang natuto na lang din kaming pagbigyan siya, bilang iwas na lang din namin sa gulo, with the never-ending search for the most mapayapang biyahe pag-uwi. Sa bawat prenong kagyat ng driver, halos kalahati ng atensyon ay tutok agad sa nagkataong katabing pasahero niya. Lahat kinakabahan, lahat concerned. Para kang nanonood ng reality television.

Dumating din ang araw (sa wakas) na may nakatapat siya. Medyo obvious na hindi iyon ang usual route ng new challenger, or worse e hindi siya nakatira sa may amin kaya ganun na lang din ang kawalan niya ng muwang nang makatabi niya ang pasaherong pinakamainitin ang ulo.

Umpisa pa lamang ng biyahe e kitang-kita na naming audience ang balikan ng pisikalan ng dalawa. Dunggol dito, sinadyang sagi roon. Wala namang nagsusuntukan pero parang medyo masakit na rin, maski pa kung papanoorin. Napansin na ni new challenger na ang abnormal (naman talaga!) ng ugali ng katabi niya. Sino ba naman kasing ayaw masagi (kahit slight lang) sa loob ng jeep? E ang sikip-sikip? Nagkakamurahan na silang dalawa sa expressway. May mga concerned citizen na sinubukang pakalmahin ang sitwasyon pero hindi ko rin maiwasang kampihan sa aking isip yung pasaherong, for the first time ever, ibinubulalas ang lahat ng aming hinaing against sa pasaherong ayaw naming makatabi.

Umabot na sa unang subdivision paglampas ng toll gate at maaga nang pumara ang bagong-salta. Ibinaba siya ng driver sa tapat ng isang simbahan. Bago siya bumaba e pinagmumura niya si mr. hothead habang pangisi-ngising mapanlibak, at dagdag dito'y hinamong dumayo sa may kanila nang magkaalaman sila kung sino ang may mas malaking bayag. Ngayon ay hindi ko alam ang benefits kapag malaki ang balls mo, 'no, pero who knows. Pagbaba niya sa kalsada e tuloy pa rin siya sa pag-aaya ng suntukan.

Nakatingin lang sa labas ang pasaherong hinahamon niya pero mas malakas pa sa bulyaw ang isinasabog na pagmumurang natatanggap niya. Sa tapat ng simbahan. Umarangkada na ang jeepney at nag-iwan na lang ng matamis na pakyu si mr. challenger. Matapos saluhin ang pakyu e umisang sigaw pa ng putang ina mo si mr. hothead. Pumirming muli sa kanyang puwesto, pumikit, tapos sign of the cross.

Amen.