Matalik na ang amoy mo habang ako'y papapikit sa tabi ng iyong himbing. 'Di alintana ang hamog sa unan, sa kislap ng naiwang umaga, at paglapit ng pag-ibig sa gabi. Kay rikit mo, ay siya. Wala nang hahanapin pa. Maging tahanang kay lumanay ay pumapawi sa bawat pagod na alay ng araw-araw. Mabuti ang ganito, mabuti ang magpabalik-balik (na lamang) sa anyong wala nang kasintamis pa, magpatihulog man ang kidkid sa aking ulirat.
Pinalalabo mo ang lahat, tanging ikaw ang lilitaw. Bagkit at pangarap, siyang binibigyan mong halaga nang hindi na ako makalimot pa. Simbango ng madaling araw sa mga dahon at damo, kinikilala ko nang mangulit kung saan ko marapat na isauli ang aking sarili. O kay gaan sa damdamin, huwag kang titigil 'pagkat kung maipon man ang bahala sa aking dibdib ay tahanang sagutin ng iyong paglalambing.
Mabigyan sana, pagbigyan nawa, ng maraming-maraming pagkakataon sa ating mga pagsingaw sa kalikasan nang 'di na minsan pang mabatid pa ng mapangkubkob na mga mata. Sa lisik ay tumiwalag, gastahan ang natitirang ginaw. Aba'y oo't malapit nang bumati ang tag-ulan. Sabay nating iyurok ang pagyakag sa ating kalamnan, magkaroon tayong pagganti, pamawi, lutas sa mundong siya ring bumuo sa atin.