Matagal na akong naghihintay na may mangyari sa aking wala. Dadanasin kong bumalik sa himyas ng alapaap at keso. Masarap ang pagbaluti sa akin ng kawalan ng pakialam sa kung ano pa nga ba ang bukas at ngayon. Lahat ng dumadaan ay nagiging kahapon, bawat segundo, bawat minuto. Magagalit ako sapagkat ang tanging masasabi ko ay hindi na lamang para sa akin. Patuloy itong umiikot hanggang sa tumumba na akong walang malay.
Bawat pagdukot ko sa hindi ko kailangan ay panibagong adya ng matamis na perspektiba. Isa-isang dumedepende ang pagsigaw sa aking likuran maging sa kaligiran ng aking pandinig. Ipagkakamalan kong totoo kahit na alam kong may makabibingwit. Tatratuhing salapi ang bawat daliring iigpaw. Malimit na tatanggapin ang sarili ngunit tatanggapin ang pagtanggap ng iba. Mahina ako sa palagayan ng loob pero hindi ako makalilimot magbukas muli ng aking pinto.
Nagsisimula at nagtatapos ang pakikinig. Pagbibigyang muli ang nagtanghal. At sa kung sakaling nasa mabuti akong kalagayan, lilipad na lamang ako sa mainit na hangin. Ang paglutang ay masarap, sinsarap ng alapaap. Unti-unti akong lulutang hanggang sa gumising akong muli sa wala.