Saktan ang sining. Bullshit ang pagnanakaw ng mahahaba dahil kung hindi ko man lamang malaman-laman, bukal ang iyong emosyong galit ng mga tinta't raragasang pagkalito sa mundo. Magpaalam na, na hindi kung dahil sa mabibigat na alaala'y matagal ka na rin sanang nakalimot kung bakit ka nga ba paulit-ulit na nag-uumpisa. Sa bawat maiiksing sambit ng pagbubukas, hayaang dumaloy ang buhos ng mga alien sa iyong kitid.
Ayos lang, ayos lang ang pagpilipit sa napipintong pananalamin. Matatapos at matatapos din ang isang kabanata. Ang pagmamadali'y para lamang sa mga nakatanda na. Salimuot ang dapat na hamakin ng bago ang gising. Huwag indahin ang pagiging hiwalay sa pagragasang alon. Lahat tayo'y binuo sa iba't ibang arte, iba't ibang ayaw. Maaaring dinaraanan lamang ang karamihan sa atin ngunit hindi tayo kailanman naging indibidwal na haing hindi magtatagal.
Lalo pa't kay titibay ng ating mga paninindigan, mapamali man o tama. Sagrado ang lahat ng inamin natin sa ating mga sarili. Tayo ang lumikha ng mga mundo nating walang ibang makakikilala. Taglay ng bawat isa sa atin ang mga ngiting tayo lamang din ang may tanging paliwanag. Magpahanggang sa ngayo'y umaabot pa rin tayo sa puntong tititig na lamang sa tikya-tikyang tikatik ng mga talulot. Wala tayong hiya kung umambon ngunit umaatake sa pagbuhos.
Ayos lang, ayos pa rin ang ating sining.