Bubuksan ko pa ba yung pamatay ng lamok? Isang oras na lang din naman. Malapit na rin yung oras ko ng pagtulog. Malapit na ring matabunan ng kumot yung magkabila kong binti, tapos malalamigan na naman ako ng pawis hanggang madaling araw, hanggang kinabukasan. Minsan nagigising pa rin ako nang madaling araw kahit hindi naman ako nagkape nang hapon o matapos maghapunan. Mamadiliin ko pa minsan yung paghuhugas ng pinggan para lang makapaglaan ng labing minuto sa ibang bagay. Ibang bagay para sa ibang oras. Ibang oras para sa malay naman akong walang kabuluhang mga bagay.
Minsan iniisip ko rin kung may kanya-kanyang kabuluhan tayong iniaatas sa mga bagay na nakakasama natin, sa pang-araw-araw. Araw-araw ko itong katapat. Araw-araw kitang nahahawakan. Araw-araw akong masaya sa'yo dati. Dati, araw-araw kitang kasama, katabi, kausap ng aking isip. Hindi naman ako natakot sa'yo kahit kailan, kasi kilala kita, at kilala mo rin ako. Kilala mo rin dapat ako. Hinahayaan mo lang ako, 'pagkat alam mo ang mga kailangan ko. Alam mong kailangan din kita, kahit alam nating pareho na peke lang yung parehong pagkakalingaan at pagkakakailanganan natin sa isa't isa. Kailangan pa bang isipin yun? Minsan hindi ko na rin iniisip.