Pakapit na nang pakapit ang lagkit sa aking pantalon at binti. Putang inang panahon 'to. Sikapin mang makipagtalastasan sa araw'y wawalang hiyain akong konyat hanggang sa matulog na lamang akong humahalik sa aking mga unan. Hindi ko na hinanap pa ang aking kumot. Paubos na ang malalamig na tubig. Batugan pang saka na ang bumili ng yelo at kay layo ng ating baba. Sana'y may lumapit na masipag at mabait nang matikman ang saglit na pamamaalam. Pag-iisipan kung maghahanap pa ng ibang kulay ngunit hihilahing muli ng mabibigat na braso.
Hay, kanina pa ako naghihintay at nagtatanong. Wala pa ring nakapapansin sa akin. Kahit ilang beses pa akong humanap ng pagtatapos ay para lamang akong nag-aabang ng sitsit maya't maya at bigla na lamang hahandusay at kalilimutan. Malaya ang mga naghahanap pa rin ng hustisya mula sa mga kumakalam pa rin ang sikmura. Hindi batid ang tunay na tayo, o hirap nang bumalik pa sa sinag ng simpatiya.
Salamat na rin sa mga poon, at naipagtibay pa rin maski papaano. Malubak ang panig tungong pagtatapat. Malabo pa bang maging kay inam ng mga natitira? Sa mga ipinagkaloob na sa lubos na umuunawa, maiging mauna na sana ang hindi kumakampante. Baligtad kung baligtad, hindi ako nagsasabing palaging magiging totoo, at sana'y kahit nag-iisa na lamang, maibalik nawa ang sapat na ganti nang maumpisahan na ang kade-kadenang milagro.