Maraming posibilidad ang
puwedeng mangyari kapag ang isang bansa o isang lugar ay mayroong iba’t ibang
wikang ginagamit ng mga tao. Maaaring hindi ganoong magkakaugnay tulad ng
Switzerland na may German, French at Italian bilang kanilang mga opisyal na
wika, dahil sa may iba’t ibang grupo rin marahil sila ng tao na magkakaiba ang
unang wikang ginagamit. Sa Canada rin ay mayroon parte sa kanilang lugar na
French ang wikang ginagamit at iba pa rin ang Canadian English bilang variation
ng wikang English na sinasalita sa kapitbahay nilang Amerikang may American
English naman. Maaari rin namang magkakaugnay halos lahat ng mga wika sa isang
bansa tulad ng kung anong nararanasan ng Pilipinas sa ngayon. Mayroon din naman
kasing teoryang nagsasabing maaaring nanggaling sa iisang wika ang lahat ng
wika. May teorya rin naman umaangkop ang wikang ginagamit base sa lugar na
tinitirhan ng taong gumagamit nito. Dahil nga naman siguro sa pagkakaiba ng mga
lugar sa buong mundo, hindi na rin mahirap sabihing pupuwede nga naman talagang
magkaroon ng malalaking pagkakaiba sa mga wika ng lahat ng tao sa mundo kahit
na, ayun na nga, pare-pareho lang naman tayong mga tao.
Sa aking mga
nakalap ng datos, at base na rin sa nagawa naming table dati tungkol din sa mga
wika sa Pilipinas, hinding-hindi pa rin ako nakahanap ng ibang translation sa
mata ng Filipino mula sa iba pang mga malaking wika sa bansa. Ipinagtataka ko
talaga ito sapagkat bakit ito lang talaga ang magkakapareho sa dalawang beses
kong pangangalap ng salin ng salitang mata? Pinag-uusapan ba ng mga ninuno
natin ito dati kapag nakikipagkalakalan sa kanila? Bakit iisa lang? Ito ba ang
una nating nakikita sa mga bago nating nakakasalamuha? Gustung-gusto ba nating
tumitingin sa mata? Hindi ko alam. Pero mula rito, maaari ko namang sabihing
magkakapamilya nga ang mga wika natin sa Pilipinas. Sa pangalawang salitang
aking napili e napansin kong kakaunti lang ang nagpapalit ng mga titik sa
salitang ‘bahay’. Naglalaro lamang sa mga titik na ‘l’ at ‘y’ ang mga
magkakahawig na salita. Nariyan din ang kamot at gamat para sa mga kamay.
Magkahawig din ang lima at ima sa ibang mga wika para sa nabanggit na napiling
salita. Mula sa pagkakahawig na mga ito ay makikita na ang mga tunog ng
salita sa wikang ginagamit o depende na
rin sa lugar na ginagamitan nito ay nag-iiba o nagkakaroon nga naman ng
variation. Variation sapagkat hindi naman nagkakalayo (tulad nga ng
pagkakalarawang magkakahawig) ang mga salita kapag pinakikinggan ang mga ito. Madaling
maintindihan kahit na iisang tunog lamang ang papalitan. Nagkakaroon ng mabilis
na pagkakaunawaan dahil nga sa malapit sa nauunawaan o naaalalang tunog na nakaimbak
sa memory ng isang taong marunong ng wika sa Pilipinas.
Sa ganitong
pagkakahawig , tulad ng nagpapalitang ‘d’ at ‘r’ sa ido at iro para sa aso ng
Hiligaynon, Bisaya at Mansaka, at ayam naman sa mga wikang Waray, Bikolano at
Romblomanon, may dahilang heyograpikal pa rin ang makikita kung titingnang
mabuti ang lokasyon ng mga wikang ito sa mapa ng Pilipinas. Nagkakaroon ng
pagkakahawig kung magkakalapit nga lang naman ang mga lalawigan, naipapasa ang
mga termino, nagagamit ng magkakalapit na mga tao kapag pumupunta sila sa iba’t
ibang lugar na malapit sa kanila, at maaaring naipapasok sa wika ng pinuntahang
lugar o maaaring isang pamilya lang din o angkan ang pinagmulan saka sila
naghiwa-hiwalay ng titirhan para sa mas malawak na sakop at mas mainam,
kumportable at maayos na pagkakahati ng mga yamang kailangan nila sa kanilang
ikabubuhay. Ang kasong ito ay maaari lang sigurong ipasok sa mga ninuno pa
natin, kaya marahil ay nagkakaroon pa ng iba’t ibang variation at pagkakahawig
sa mga salita ng iba’t ibang wika ng Pilipinas. Magandang bagay na rin siguro
ito sapagkat mas mabilis tayong magkakaunawaang mga Pilipino kung may ganitong
maliliit na gap lamang ang mayroon sa iba-ibang tipong bokabularyo ng maraming
wika. Kung madali lang din naman tayong magkakaintindihan e malaking bagay na
rin iyon para maraming tao na ang nakikilahok sa pagtulong ng pagtataguyod ng
isang bansa dahil sa madali lang sana para sa lahat ang pakikipagtalastasan at
pagpapasa, pangangalap at pag-aayos ng mga impormasyon.