Minsan, gusto ko nang madaliin ang aking sarili. Takot ako sa mga blangkong espasyo. Takot ako sa bagal at bilis ng oras. Takot akong habulin ang lahat ng bagay, maging ng tao. Sinubukan ko na minsang mapagod, pero latay pa rin ng lason ang nananaig. Makailang pilit man akong magpahinga, babalik at babalik pa rin ang halika, ng malanding tinta ng aking maya't mayang kaibigan.
Akala mo kung sino mang-akit. Minsan lamang sila magtalo ng sigarilyo. Iniisip ko na lang kadalasan na nauubusan na ako ng palusot para makapagpausok, makapagpauso, ng kung anumang maaari pang igripo ng sarili ko. Hindi ako kayang istambayan ng mga bala kahit na alam na alam ko at pakiramdam kong pigang-piga na ako. Naghahanap ako ng mayroon sa wala. Araw-araw akong sinusubukan. Ni hindi ko na pinapansin kung nagkakamalay pa ba ako. Antok at siya ring bulag, magkukumot na lamang ako sa sarili kong kadiliman. Wala namang may kailangang umunawa.
Matagal ko nang tinanggap ang pag-ambon ng karayom. Hindi ako naghanap ng payong, totoo, dahil hindi ko naman inasam na sumilong. Isang matagumpay na apir lang ang sagot na alay sa bawat inggit, dahil sa huli, hindi ko hiningi ang palakpak ng ibang mga palaka.