Bad trip? Bad trip. Para sa'yo ay okay lang. Sa tingin mo'y may patutunguhan pa rin naman kahit na magsayang pa nang makailang ulit ng panatag. Manlilimos na lamang ako ng pangkamot sa aking mga hinaing at tatandaang hindi lahat ng nakasabit ay maaaring abutin. Kulang pa rin pala ang mga pagpapasakop na inilaan para lamang makapaghiganti ng tamang pagtugon. Malayo pa ang pagsikat ng buwan, malayo pang makagisnan ang hinihintay na mumunting sandali.
Kaunti lang ang mga sandaling paparating, tatratuhing may paggalang at tuwinang sisintahin. Lalambinging sagad nang dahan-dahang mapawi ang kumukulong pagpipigil nang hindi umapaw at makapandamay-talsik. Magkukusa ang lahat nang walang tanung-tanong, pigta-pigtas na magkakasalubong ang matagal nang nangungusap na mga masdan. Magkakasilayan na (muli) ang mga pinagtagpong pareha ang hilig. Makikilala na namang muli ang tunay na kilig, ng likas na pag-asam.
Tila may paninibago pa rin (muli) sa iba't ibang taglay na tamis, sa iba-ibang anyo ng hinagpis. Ang pangungusap ay magsisilbing hudyat ng pamayag-tipong nagbabagu-bago ang angking pagpapahalaga. Ang buwan ay hindi palaging sumisikat, nakikita, ngunit palaging nariyan. Kung magsimulang mag-alala'y tingalain mo lamang tayo sa langit, sa ating nag-iisang buwan, sa ating pinagsasaluhang dilim, sa bigat ng liwanag at samyo ng mga usok, halika, oh halika, at huwag ka nang magalit.