Marami ka na kayang natapos? Ako ay 'di ko na rin masabi. Hindi ko rin naman kasi nabibilang. Tuloy lang sa paggawa, tuloy lamang ako sa pag-iisip. Iba-iba ang naririnig ko nang mga mungkahi kung dapat pa ba o tama na. Minabuti kong magpatigil pa noon, ayon lamang din sa iyong kagustuhan, iyon pala, marami ka nga rin palang iba-ibang kagustuhan, kagustuhan. Hati kami, sa musika ng iyong mga mata, sa lambing ng iyong labi, sa kislap ng iyong katarayan. Nangungulila akong tulala sa iyong mga pag-irap, sabay ngiting pahabol ngunit pilit pang inililihim sa akin, ang mga lihim mo sa akin...
Mayroon din namang inilihim mula sa iyo ngunit dumaan din ang ilang mga tag-ulang walang payong, tag-araw kasama ang mga ulap, pakikisabay ng kapeng nag-iisa lamang na timpla, paulit-ulit hanggang sa ako ay makabuo na sana, napasaan ba ang aking mga nabuo, na para sa iyo lamang, para sa iyong kawalan, pagbabagong magpagulantang sa iyo at magdulot ng mga luhang dumadaloy sa nakangiti mong wagas na mga pisngi. Nasaan na ba napunta ang lahat ng akin, lahat ng aking pasa'yo lamang, ikaw lamang palagi ang takbuhan ng aking isip, ng lahat ng aking ipong tamis, tipong 'di na makakalaya pa mula sa'yo.
Ikaw lamang ang paborito kong paano kung. Ngayo'y tanungin mo 'kong muli tungkol sa aking mga hinayang.