Kahit pa mabigat sa paggising ang katawan, walang dudang ikaw lamang ang hinahanap kong gaan, sa aking dibdib, sa aking mga pisnging iyong-iyo lamang. Bayaan ko na sana lahat ng gusto ko, ng isipan kong mapagkamalan. Gusto ko lang ang mga gusto ko, at gusto ko lamang na mahiga muna rito. Paamoy ngang muli ng pisngi mo.
Pasensya ka na, at ayaw mo nga palang humingi pa ako ng pasensya. Hindi mo rin matantya kung ano na itong grabeng hindi mo na maintindihan kung nangyayari at mangyayari pa nga ba. Ayaw pahablot ng mga segundong paisa-isang nangingirot sa ating mga pusong baka hanggang ngayon na lamang magtagpo, bilang din namang bilang ang lahat ng naibilang na natin sa ating mga buhay, mga damahin ng damdamin.
Mahirap isiping lahat din ay matuto dapat na magpaalam. Pinag-eensayo na tayong ngayon ng panahon, sa uulitin, sa nakagisnang kalilimutan din naman. Doon din naman hahantong sa malayong papalapit nang papalapit. May kutyang agad na kakasat sa ating paggising, at wala nang iba pang ganitong mauulit na umaga.