April 29, 2019

Maaari na ba akong kumain muli? Ngumasab nang 'di katamtaman? Magpaungol ng lasap, laway, at laman? Malabong may mangyari, aamin sa hindi. Ang magkaroon ng bahid ay simpleng pagtuli sa hindi rin inaasahan. Nandiyan na ang mga bagyo, paparating na at sabik nang maghukom. Walang kayang hintayin maliban sa mahihilig magpasipa hanggang alas tres nang madaling araw hanggang tumilapon na ang mga bangko sa kalsada. Titilamsik ang mga diyaryo, matatapakan ang mga balita sa umaga. Kawalan ng pakialam ang nagsisilbing pampagana sa araw-araw na panggagago sa sarili.

Sisimulan nang magbanat ng buto muli, sisilahis sa sindi ng mga tilaok, aagaran ang magsasalin ng arnibal sa malapot na tasa. Mag-aabang ng kung anong malalamon, mamaya nang muli. Ang mga dumaraa'y karampot lamang ng mga tanging silbi sa aking sanlupaan. Malaya ba kaming talaga? Mamaya ko nang iisipin. Ang maigi'y may kumakausap pa rin sa aking mga pasimuhol tungong langit at paano na nga ba. Maya-maya'y may magpapakilalang asong ulol. Marapat bang magkaroon pa ng sariling pag-apuhap? Ewan ko, itanong mo sa pagong, hindot. Huwag mo nga akong tarayan. May bukas pa, mayroon ding mamaya, at mayroon pang lalo ng isang taon, at isa pa, at isa pa.

Kakandungin ang mga nangangailangan, ako na mismo ang magpaparaya. Sa lahat ng araw na natira ang mga hapon, gising na lamang palagi hanggang madaling araw. Ang antok ay hindi ko kayang labanan, bagkus karamay sa pagkitid. Lalamyas, lalambing, hahalika, huwag na huwag iindahin. Tapos na ang mga araw ng hiya, minabuting buuin at tanggapin ang pagkamakasarili, dahil ang pag-iisip nang paatras ay nakakaubos lamang ng kalatas-pang-agham, pantunay sa mga itinalagang antok, pang-umay sa paanyaya ng palaman. Tama na, o tama pa ba? Sisimutin mo ba iyan? Kanina pa kako ako naghihintay. Saglit, putang ina.