January 31, 2014

Pangangailangang Paghahanay

Naging malinaw ang punto ni U Win Pe sa kanyang kuwentong Clean, Clear Water na kahit anupamang mangyari, mananatiling inodoro ang isang inodoro, kasama malamang ang mga nilalaman nito, lalung-lalo na ang tubig na pinakakuminang na bahagi sa may bandang dulo ng nasabing naratibo. Dumidikit ang mga steryotipong katangian ng isang inodoro sa kanya kahit na napatunayan nang malinis at puro ang tubig nito (na maaari ngang mainom). Tila bagang kahit na anong gawing pagtatanggol ni Ba Gyi Kyaw, hinding-hindi mawala sa isip ng kanyang mga kaanak at kabaryo (maging mismo ng siyentipikong sumubok sa tubig ng inodoro!) na madumi ang tubig sa inodoro. Kung tutuusin, madaling paniwalaan na dapat dahil sa mga resulta ng mga eksperimentong naisagawa ngunit nahihirapan pa rin silang inumin ang tubig mula rito, maging si Ba Gyi. Ganito rin ang problema ng mga tao kadalasan  ng pakikitungo ng isang lahi sa isa pa. Mayroon nang nabuong steryotipong mahirap nang tanggalin sa isipan ng tao. Maaaring nagsimula ito sa isang isyu sa kasaysayan, na nagtagal at naikalat nang husto kung kaya’t kahit na iba ang ipakita ng isang tao sa ibang lahing teritoryong kanyang ginagalawan, magtataka at magtataka ang makakikita sa kanya.
          
Tumutubo at nalilinang ang konsepto ng pagiging kakaiba ng mga gawaing normal naman para sa isang taong lumaking “iba” sa kanyang hitsura. Gamitin nating halimbawa si Saya John mula sa kuwento ni Amitav Ghosh na Glass Palace. Ang hitsura niya’y Intsik. Ang kanyang pananamit ay Europeo. At marami siyang alam na wikang salitain. May mga taong nagsasabi sa kanyang wala na siyang pinanggagalingang lugar, dahil mismo sa lahat ng nakikita sa kanyang (hitsura, pananamit, wika) maaaring magdikta ng kanyang pinagmulan o katangian (steryotipo), ay nakapanlalabo sa paningin ng mga nakakikita sa kanya. Para bang atat na atat ang mga taong ilugar agad ang isang hindi kilalang tao sa isang kategorya, para lamang masabi o makapag-isip ng kanyang mga katangian habang at kahit na hindi pa nila ito nakikilala. Napapabilis ang pagtingin ng isang tao sa isa pang tao base na lamang sa kanyang pisikal na mga katangian. Napakagandang tauhan nitong si John sapagkat iniaangat niya ang boses na panahon na dapat at matagal na dapat, na tayong tumigil sa panghuhusga ng lahi ng isang tao. Uso naman na noon ang pagpasok ng iba’t ibang lahi sa Burma, katulad ng mga misyonaryo sa Europa, mga mangangalakal na Griyego, Armenian, Intsik, at Indian, maging ng mga manggagawa at tagapaglayag na galing naman sa Bengal, Malaya, at Coromandel Coast. Hindi malabong magkahalu-halo ng lahi ang mga tao sa Mandalay pa lamang at isang kongkretong halimbawa ay noong marinig ni Rajkumar ang pagtatalik nina Ma Cho at Saya John.
        
Kung sa totoo lang, napakaipokrito ng papel na ito sapagkat panay gamit ng mga salitang lahi at katangian, hanay at akala. Ano pa bang magagawa ko? Nagpasimulang magkaroon ng mga konsepto ng lahi at paghahanay ng mga ito bilang kategorisasyon ng mga tao sa perspektiba ng mga mananakop. Madali nga namang magtukoy ng mga lugar kung ididikit ang mga nakatirang tao roon. Parati na lamang may pagmamadaling tawag sa pangalan ng isang bagay. Tila parating nangangailangan ng label o katawagan ang isang tao o bagay na sa mata ng mananakop ay “iba” sa kanya. Lahat ng iba sa kanya, hiwalay sa kanya. Pinangangalanang iba bilang pag-aktong superyor sa kanyang mga nasasakupan at ‘di na sila humamak pang lumapit at makihalubilo sa kanyang lahi. Baka kasi madungisan. Kung ihahambing sa Pilipinas, nagkaroon din naman ng ganitong klase ng mentalidad ang mga kolonisador at kinokolonisa. Parating mayroong mataas at mababa. Samakatuwid, nabubuo ang konsepto ng mataas at mababang lahi.
       
Liban kay Saya John, mayroon pang isang nakatawag sa aking pansin. Iyon ay ang pulis sa Shooting an Elephant ni George Orwell. Hindi niya masisi ang pagmamaltrato sa kanya ng Burman citizens sa lugar na kanyang pinapatrolan dahil sa mga kawalang-hiyaang nakikita niya na ginagawa ng kanyang lahi. Hindi siya nagbubulag-bulagan ni mataas ang pagtingin sa sariling bilang kabahagi ng lahing kumokontrol sa kinatatayuang imperyo. Nababasag muli ang mga naukit-na-sa-bato na “dapat” ng isang lahi, at sa usapang ito, ang kolonisador. Hindi lahat ng kalahi nila e kontrabida na. Ngunit sa naratibong ito, umapaw rin ang mga ugali ng isang kinokolonisa tungo sa isang kolonisador. Ayon sa pangunahing tauhan, maging mismo ang mga paring Budista (na kung tutuusin ang pinakamababait at pinakamalalawak dapat ang pang-unawa sa buhay) ang siya mismong pinakamalala sa pang-aaway sa nakadestino lamang na pulis.

Nang dahil lamang sa isang elepante, nagbagong bigla ang pakikitungo sa kanya ng mga Burman. Natuwa silang lahat nang napagdesisyunan niyang barilin na ang elepanteng nakapatay ng mga baka at isang lalaki. Natuwa ako sa sinabi niyang pareho lamang silang (British at Burman) naeengganyo sa pagpatay ng isang elepante. Maliban sa katotohanang maraming makukuha sa isang elepante, maging pantrabaho man ito, nagulat lamang ako sa pagkakapareho ng dalawang lahing ito. Inakala ko sa umpisa’y magagalit ang mga Burman dahil sa isa sa mga bansang mayroong natural na bilang ng mga elepante ang Burma. Hindi man lamang sila nag-atubiling pigilan ang pulis. Sumama pa nga mismo sila’t naghiyawan nang unti-unting naghihingalong maingay ang dambuhalang hayop. Nakalulungkot man ang tungo nila sa hayop na inosente sa moralidad ng mga tao’t nagtrabaho lamang at “nagkamali” bilang isang elepante, nakagagaan pa ring isiping mayroong pagkakatulad ang mga lahi. Dapat nga e, sa bahaging ito na ng papel, sinusubukan ko na bilang taga-argumento, na sirain na ang konsepto ng pagdidikit ng katangian sa hitsura ng isang tao – ang pagdidikit ng kanyang itsura sa kanyang lahi.

Oo, maaaring maging imposible ito, kaya maaaring magsimula na lamang ang mga tao sa pag-iwas sa pagdidikit. Ibig kong sabihin, simulan nang huwag mamalagay sa katangian ng isang tao base sa kanyang panlabas na kaanyuan. Tunog cliche man na linyang madalas banggitin ng mga artista sa telebisyon, umaakma pa rin sa puntong nais iparating ng mga inatas na babasahin.

Edukasyon ang magmumulat sa maraming tao tungkol sa mga bagay na ito. Maaaring nasa mataas na paaralan pa lamang, nililinaw na sa mga estudyante ang konsepto ng diskriminasyon. Kasabay pa nito ang paulit-ulit na pagpapahalaga sa hindi mabagong hanay ng kasaysayan ng pananakop sa Pilipinas. Malinaw na malinaw para sa mga Pilipino ang kasaysayan ng kanilang bansa, basta ang usapan ay tungkol sa pananakop. Hindi napagtatantong ni ang kabuuan ng bansa e hindi nadaanan ng mga mananakop kahit banyaga man lamang. Patunay lamang nito ang mga Pilipinong tumanggi at nagpakalayo sa katutubong Kristiyanismo kung kaya’t nananatili pa rin ang kanilang sinaunang paniniwala o relihiyon kung tatawagin ng marami sa atin. Marami rin sa atin ang hindi nakakikita sa tunay na kalagayan ng mga Pilipinong ito. Madalas marinig ang pang-iinsultong “katutubo!” nang hindi iniisip ang totoong kahulugan ng salita. Kung iisiping mabuti, mas Pilipino pa nga sila kaysa sa atin. Katulad ni Saya John, hindi Pilipino ang suot natin, marunong tayo mag-Ingles at halu-halo na ang mga hitsura natin! Kung babalikan natin ang mga Pilipinong hindi tumanggap ng Katolisismo, napakagaan minsan para sa akin isiping sila ang mga tunay na Pilipino dahil sila lamang ang nakapagpanatili ng ating (o ng kanilang) mga taal na tradisyon at kultura sapagkat hindi sila nagpagalaw sa impluwensiya ng mananakop. Kung naubos siguro tayong lahat noon pa lamang, sinunog na rin siguro lahat ang mga sinaunang panitikan ng mga Pilipinong namuhay sa pre-kolonyal na panahon o naputol na ang pagpapasang oral dahil sa pagkumbinsi sa karamihan sa mga Pilipino na lumipat sa Kristiyanismo.

Kung makapang-insulto ng katutubo, hindi ka ba tubo rito? Nililinaw mo ba sa aming hindi ka galing dito at hindi ka isang Pilipino? Isa pang problema: Kung kanina, pinagsasawaan na natin ang paghihiwalay ng lahi sa isa pang lahi, papansinin naman natin ngayon ang diskriminasyon sa loob lamang ng iisang lahi (na kanina pa naman siguro tinatamaan). Isa pang halimbawa ay ang paghihiwalay na ginagawa ng panahon sa mga Burman. Noon daw, ang Burman ay isang Budista, ngunit sa paglipas ng panahon, basta’t maeduka ang isang Burman, hindi na ganoong nagiging kalalim ang pagkapit sa paniniwala. Nasisirang muli ang kinagisnang identidad. Hindi ko naman sinasabing kinakailangang maging stagnant o atrasado ng isang kultura. Malinaw naman sa ating lahat na ang kultura dinamiko rin, tulad ng wika, kung kaya’t hindi malayong magbagu-bago ito sa paglipas ng panahon, lalo pa’t panahon na ngayon ng globalisasyon. Mahirap isipin para sa akin kung mayroong mamamatay na kultura. Nasa ilalim kasi ng mga kulturang ito ang mga tradisyon at gawain, mga impormasyon at kaalaman, kahit paniniwala’t iba’t ibang uri ng kaaliwan at panitikan. Maraming nasa ilalim ng isang kultura! Napakalaking sayang lamang kung mabubura, ‘di ba? Mahirap pa ring labanan ang magandang naidudulot ng edukasyon at modernong teknolohiya, pero hindi naman natin kailangang makalimot ni humiwalay.