October 28, 2011

N

Leche. Ang sakit ng batok ko. Kanina pa ako nakatitig sa laptop ko, hindi naman nagsasalita. Kulang na lang may magsalita, pero sana walang magsalita. Mag-isa na naman kasi ako. Hindi naman sa mag-isa lang talaga ako. Ako na lang siguro ang gising. Ako na lang nga. Gabi na. Wala akong makausap - sa internet. Ayoko namang bigla na lang may kumausap sa akin. Leche magugulat ako. Madali na nga akong magulat, matatakutin pa ako. Ayokong nakakarinig ng nakakatakot ni nakikisama sa mga nakakatakot na kuwentuhan. Alam kong takot na takot ako pero minsan kasi, malupit din sa feeling kapag nakikinig ka sa ganoong uri ng mga kuwento. Mga tipo ng bagay na hindi mo talaga sigurado kung totoo o may nagpauso lang na adik.

Kapag may nagkukuwento ng nakakatakot, iniisip ko kung saan ako uuwi at anong oras ako maliligo sa mga susunod na araw, kung sakaling makinig man ako sa ikukuwento. Apektado kasi yung bilis ng pagligo ko pati pagtae kapag fresh pa sa memory ko yung pesteng plot. Sunud-sunod yung mga naiisip kong mga kung anu-anong nakakatakot na bagay. Bumibilis yung tibok ng puso ko. Lahat na lang ng sulok tiningnan ko kahit na alam ko sa sarili kong ayokong makakita ng nakakatakot. Ayokong makakita pero tinitingnan ko, hindi ko alam kung bakit. Pagkabuhos, shampoo at sabon na agad ng buong katawan. Kapag tumatae, super tulak sa lecheng jebs. Kapag umiihi, lingon nang lingon, hindi na masikaso nang maayos ang target. In the end, nasasayang lang yung oras na pagmamadali ko, hindi ko nagawa nang maayos ang mga dapat kong gawin na sana nagawa ko naman talaga nang maayos kung hindi dahil sa mga pesteng naiisip ng utak ko. Abnormal na imagination. Nakaligo na sana nang kumportable sa sarili. Nakapagbawas sana nang hindi nagkakalat at walang natitirang sama ng loob.

Kapag sinuwerte naman ako, iniisip ko kung anong gagawin ko sa buhay ko. Madalas kapag nagsha-shower, pinipilit ko talaga yung utak ko na isipin kung anong mangyayari sa akin sa future. Hindi ko talaga alam kung anong mapapala ko kapag gumradweyt na ako. Hindi ko alam kung ano nang susunod kong gagawin. Hindi ko alam ang ginagawa ko sa ngayon. Gusto ko naman yung mga gusto ko talaga pero hindi ko alam kung gusto ko pa rin yung mga gusto ko dati. Sana talentado na lang ako tulad ng lahat ng tao sa buong mundo. Sana malakas ang loob ko. Sana malaki ang tiwala ko sa sarili gaya ng mga walang'yang palabas sa TV. Sana totoo na lang yung mga palabas sa TV, huwag lang yung mga nakakatakot.

Kapag nagkukuwento ako ng nakakatakot, natatakot din ako. Kinikilabutan man ako sa kaloob-looban ko, ngumingiti at tumatawa pa rin ako habang nagkukuwento ng nakakatakot. Madalas, ang ending ng mga nakakatakot na kuwento, nakakatakot talaga. Kapag ako na yung nagkuwento, pagkatapos ng nakakatakot na ending, dudugtungan ko na lang ng masayang twist. Kunwari na lamang, naka-costume yung best friend nung biktima sa kuwento, parang ganyan.

Masaya rin maglaro ng nakakatakot sa PS 3. Tapang-tapangan. May baril naman kasi. Hindi ka naman maabutan ng zombies sa TV. Marami kang balang mapupulot. Marami kang baril na mapupulot. Mabubuhay ka sa Red at Green Herbs kahit hindi mo alam kung paano ginagawang First Aid Sprays ang mga ito. Naaalala ko, noong nagtanong yung Geog prof namin kung sakaling nag-zombie apocalypse, saan raw kami unang pupunta. Aaminin ko, una kong naisip, wardrobe. Tahimik naman dun. Magdadala na lang ako ng walis tambo, panghampas, sabay takbo at lipat ng wardrobe ng ibang bahay. Walang kuwenta. Hindi ako magtatagal malamang. Yung mga nakaharap ko nang zombies iba-iba. Mas gusto kong zombies yung sa RE 3, naglalakad lang tapos napakababa ng accuracy at intelligence. Yung mga zombies sa RE 5, fuck, tumatakbo. Nakakatamad kayang tumakbo. Leche, kung ako, papapiliin ng zombie, yung nasa RE 3 na lang, matatawa pa ako. Run like fuck pag zombies ng RE 5. Hanggang ngayon nag-iisip pa rin ako ng mas gaganda pa sa naisip ng Geog prof ko sa tanong na ibinato niya sa amin tungkol sa zombie apocalypse. Ayokong sabihin, gagayahin mo e.

Tapang-tapangan din kapag nanonood ng horror movie. Maingay raw ako manood ng horror movie, halatang takot. Grabe. Bawat simula ng horror movie, OOPS, HINDI AKO MANONOOD NITO PROMISE, tapos uupo na lang ako, sabay nood. Pagkatapos ng pelikula, FUCK, BAKIT AKO NANOOD, NAIIHI NA AKO. Sobrang pagsisisi. Hindi mo talaga alam kung ginusto mo yung gusto mo. Minsan, magpapapansin ka lang, nagtatapang-tapangan ka lang, naghahanap ka lang ng kakausap sa'yo. Sana kaibigan yung kakausap sa'yo.

Wala lang talaga akong magawa at tinatamad na akong maghintay ng grades sa CRS kaya nagsulat na lang ako. At dahil Halloween naman daw, sumulat na lang ako ng isang napakaikling post tungkol sa takot.