December 19, 2011

Pasko Na!

Tawad!!

Dagdagan natin, para dumami naman at magmukhang hindi ako walang kuwenta at gustung-gusto ang Pasko. Susubukan ko na ring magsulat for 8 minutes bago umalis at pumuntang Canada. Sorry. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong magsalita sa mga pangungusap na nagsisimula sa 'Hindi ko alam'. Hindi ko talaga alam. Kailangan ko lang talagang magsulat nang tuluy-tuloy, kung anong lumalabas sa utak ko, todo ratrat ang ipinagtatatambol ng mga daliri ko sa pagta-type. Naaalala ko, noong elementary kami, may subject na kami noon na Computer. Masaya kami, kasi, alam naming pupunta kami sa aircon at magdididikit lang kami ng kung anu-anong Word Art at Clip Art sa MS Powerpoint. Masaya na ako sa ganoon kahit na feeling ko noon, ang galing-galing ko na magkompyuter. Pero hindi yan yung talagang gusto kong pagbigyan ng punto. Gusto ko sanang alalahanin yung pinag-print kami dati ng keyboard para magpraktis daw kami mag-type o ituturo sa amin yung tamang placing ng fingers sa keyboard. Matatandaan naman siguro ng nakararami sa atin ang mga letters na A, S, D, F at J, K, L, pati character na ';'. Yan yung turo sa atin. Nandiyan dapat yung apat mong daliring maliliit tapos yung thumbs e nakapuwesto sa spacebar. Leche. Hindi naman ako nakapag-type nang mabilis dahil sa ganoon. Alam naman nating lahat na mas nakakapag-type tayo nang mabilis sa kung paanong pagta-type ang itinuro natin sa ating mga sarili.

Kagaya na rin sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin. Sa mga karanasan natin tayo natututo, hindi sa mga walang kuwentang mensahe sa mga korning pages sa Facebook o yung mga pagpapapansin lamang na GMs sa text sa cellphone. Masayang matuto sa kung anong napapala mo. Maganda na rin yung tayo mismo ang nagtuturo sa ating mga sarili. Sabi nung isa kong prof, kahit na korni na ngayon yung nagko-quote mula sa mga prof, kapag may hindi ka alam, hindi lang ikinakamot ng ulo yon, hinahanap yon. Dapat palatanong ka. Mahirap na rin yung maging tanga kasi magkakalat ka ng katangahan kapag nakisalamuha ka na sa mga mas bata sa iyo. Huwag mong ipagpilitang isuksok sa kokote mo ang lahat ng nababasa mong akala mo e totoo kahit na maraming nag-like. Maging mapanuri at higit sa lahat huwag masyadong seryosohin ang mundo. Ayaw kong mamatay nang depressed. Ayaw kong lumingon sa buhay ko sa kahapon, kung ang makikita ko lang e ang sarili kong nagmumukmok at hindi sinusulit ang bawat segundong ibinibigay sa akin sa araw-araw. Maganda na rin yung nakaipon ako, at yung masasaya lang yung naipon at naaalala ko, kaysa mamatay ako nang malungkot at walang narating.