Ako na lamang ang nag-umpisa, hanggang sa ikaw na mismo ang makaalala, makaalalang muli at umunawa. Ikaw ang nag-aya at nag-udyok, galing sa kung anong inggit ng ibang arte. May tilang nagsindi sa inaalikabok nang mitsa, at ako na lamang ang natirang kusang nagpaalab.
Wala na akong balak pang maghintay. Hindi mo rin naman ako maririnig. Maraming salamat na lamang sa muling pagpapakilala sa akin. Unti-unti na muling lumilinaw ang mga bakat, kasabay ng hindi taos na lunduhing lubha kong giniliw. Matagal siyang nangulila, mabuti pang siya'y naging matiisin, sa mga banat kong kulang na kulang ngunit umiilalim ang pagkumpleto sa akin.
Nawa'y hindi na sumabog pa at magkalat ang gasera. Wala naman ding gamugamong nais na magtangka. Wala naman akong balak sumugod, ang hugnay ko lamang ay mangandila't pumuslit ng bulong. Baka sakali lamang, para sa iyo, na pilitin mong bumangon sa mapaklang salimuot ng bagyo. Tanggap nating mahal na mahal natin ang tikatik at nagsisimatayang luntian. Tayo ang magsisilbing nagbabanggaang ilaw na taal na walang hinahanap kung hindi pansariling kalma sa gitna ng 'di matapus-tapos na bakit ba tayo araw-araw pinagkakatuwaan ng ating mga ibang sariling ating tanging mga kakampi laban sa... Galit ka roon, alam ko. Ako naman kasi ang nag-umpisa.
Subukan mo nang umalala.