Karumal-dumal na tugtugan ang siyang magsisiwalat ng itinagong bagsik. Lahat ng humahanga'y humahanga pa rin. Isama mo pa rin sana ako sa mga mapanlisik na halamang ayaw na ayaw mong tantanan. Hahaluin pa mismo ang ating mga karakas na iniwan na lamang din sa ere ng hindi na maipaliliwanag pang karisma.
Gawin mo, gawin mo na ang mga pagsaklay sa mga makabagong imprentang pandigma sa ibang mga planeta. Nitong mga gabi lang naman ay sadyang kay ginaw. Ang ginaw ng langit ay pumapaimbabaw na naman sa aking, at ating mga labi. Hagkan mo akong kay lupit, huwag mo akong pakawalan. Mistulang pulupot sa mga pagkalamiyardang kumot at unan, tunghayan nang nawawala sa sarili.
Sa gabing hindi kailanman tayo kukupalin, sa pagtitig ng puting kaagapay sa mga kasalanan, ang mumunting bumbilyang nakikisalo sa lagok ng kalasingan, patuloy pa rin sa likuran ng ating mga kahapon ang tugtog ng reyalidad, ng mga pinekeng eksena para sa ating mga panyapak. Buong-buo na namang muli, nawa'y hindi na umabot pa sa dulo. Kung mangyari man ang palagiang pagtibok ay siyang maglilinis sa ipinahintulot lamang ng baho.