Sa ganang akin, ihihiga ko na lamang iyan sa unan. Madaling araw na naman. Hihigad na naman ito sa akin. Hindi madaling magkaroon ng ibang mga boses sa aking lalamunan. Bawat pahinga ay paghinga. Iikot nang iikot ang aking mga mata. Ang aking pagbaluktot ay mekanismo ng galit at pangamba. Hindi ko tatanggapin ang lahat ngunit ang lahat ay hindi ko rin palalampasin. Magkalat na ang kayang magkalat, hindi ako matitinag. At sa iba pang mga pagkakataon, may kung anong salag itong aking paghimok.
Isa na ito sa mga pangarap na hindi kailanman matutupad. Maaaring magkaroon ng hindi pagkakatagpo. Ang liwanag ng langit ay minsan na lamang inaasam. Ang pagpapakasakit sa ibabaw ay aabot sa pagiging karaniwan hanggang sa ipaubaya na naman sa langit. Bibigkasin ang bawat titik na parang normal at hindi matatakutin. Sagana ang ulirat sa hindi totoo sapagkat araw-araw pa rin naman ang pamemeke ng mundo sa akin.
Yayakap ako sa akin, ako lamang ang tangi kong kilala. Makararating ang matitira, bubulasawin ang lahat ng akin. Maabutang ang paggana ay siyang magpapatikom ng ibang mga bibig. Boses ang siyang magdadala sa lahat ng hindi kailangang malaman. Ang pagngiti sa huli ang siya ring bibihag sa pansiriling kamalayan.
Magpapaalam nang paulit-ulit. Hinding-hindi makukuntento. Iikot nang iikot sa sariling mata ng bagyo. Ipapaubaya na lamang muli ang pagpapalampas ng galit. Ihihiga ko na lamang ito sa unan kung maging sa ganang akin.