March 31, 2019

Huwag magmamadali, lalong huwag magkukumpara. Kadalasa'y nagiging malapit lamang ang isang tantya kung nalalaman at nadaanan na ito noon pa, ngunit ang mga bagong bagay ay sadyang lulubos sa sariling pagbigay ng tawad at titindi sa pumipintang pasensya. Walang nagbanggit na magiging madali subalit nararapat pa ring tahakin. Ang iyong mundo'y mayayari lamang sa iyong angking pag-unawa. Hindi maiiwasan ang matakot. Ang pagharap ma'y lalo pa't hindi rin maiiwasan. Sa pabiglang mga himasok ng ayaw makiayon, asahang hindi kinakailangang maniwala sa lahat ng katotohanan. Ang pagkilatis nang malalim ay singhalaga ng katatagang kumikilala rin ng pagkatalo.

Sa pagtatapos ng ipinagkitirang pamamalakad ng iba't ibang bulaklak, nawa'y hindi malimutan ang lahat ng mga pangarap. Hindi itinatapon nang basta-basta ang mga ito, sana. Nawa'y hindi makalimutang lumingon sa kung saan binuo ang siyang pagkakakilanlan, at maya't mayang tumungo paunti-unti sa nais na makamit.

Sakdal ma'y maipong kay rikit. Huwag ipabatid sa manghuhula ang iyong panghihina. Makikiisa sa mga tagumpay ang salisi ng bawat alon. Aasa ang karamihan sa kanilang mga nakikita, gayunma'y huwag magpapatalo sa agos. Paganahing wasto ang mga nalalaman. Nasa mga pinakamaliliit na detalye ang siyang hahango ng iyong kapalaran. Mag-ingat. Hindi nagbibiro ang mundo sa tuwing tatawanan ka nito nang malakas. At sa may paghintay ng walang rikit na paalam, mamayani sana ang pag-uwi, ang siyang pag-uwi sa tahanan.