Sumatutal, nagiging pabaya ako sa aking kalusugang kaantukan dahil hindi ko naman agarang nararanasan ang side effects nito, hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin sa biyaheng jeepney. Ang tamaan ng malubhang antok ay karaniwan lang din naman sa isang araw-araw na pasahero. Maiintindihan ko, at ng maraming tao, kung bakit may mga taong nakakayanang humimbing sa loob ng sasakyan. Pero minsan, makakatsamba ka lang talaga ng milagro ng langit (o ng impyerno, depende sa hulog mo nang araw na 'yon) ng mga pasaherong mabilis bumagal ang kokote.
Maliban sa matatandang masungit, may nakasabay na rin ako dati na feeling masyado na pasahero? As usual, sobrang inaantok na naman ako sa hindi ko na maalalang eksaktong kadahilanan. Isipin mo na lang combination ng lahat ng binanggit kong dahilan kanina, tapos times two.
Gegewang-gewang ang ulo at papikit-pikit, nakakatawa siguro ang itsura ko kung panonoorin dahil pilit ko talagang nilalabanan ang aking antok. Ito yung isa sa mga laban sa jeep na kailangan ko talagang ipanalo dahil ayaw kong nahuhusgahang mali, nahuhusgahang may masamang balak.
Tingin ko naman e hindi ako likas na may masamang budhi, nagkakataon lang na mukha akong goon ng isang sikat na gang leader slash mafia boss. Itambal mo pa sa pakapal nang eyebags tungong panda na puyat, kawalan ng pakialam sa pirmi ng buhok at ayos ng damit, malapit-lapit na lang din nga akong masanay na panlisikan ng paningin ng mga pasahero kahit wala pa akong ginagawa o kahit wala naman talaga akong gagawin.
Nag-uumpisa nang manalo ang aking mga panaginip. Nabubunggu-bunggo na rin ako sa katabi ko. Maya-maya'y nagigising na lamang ako nang biglaan dahil siniko na niya ako. Siko sa noo, siko sa tagiliran, siko sa braso. Sinusubuk-subukan kong humingi ng paumanhin habang pilit na idinidilat ang aking paningin. Panay tsk lang at ano ba 'yan, pati iba't ibang version ng paniniko ang aking natanggap na kasagutan.
Hindi ko na rin maalala kung tunay nga ba 'kong nakahingi ng kapatawaran pero mukhang hindi dahil pinanlilisikan niya na rin ako ng tingin. Mayroong kung anong bigat ang lisik na ito, na para bang sinasadya ko ang kabungguang kanyang natatanggap.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na manawagan sa kanya at sabihin nang malinaw na, "Hindi po ako manyak, ate, sorry. Sobrang antok na antok na antok lang talaga ako. Bilang din namang nasa direksyon kita kung saan papunta sa 'yo ang tulog kong ulo sa bawat arangkada at bitaw ng preno ng jeep, ikaw ang nahuhulugan ng aking bigat. Rest assured, wala akong sapat na libog sa katawan para gamitin ang jeepney bilang pandaos dahil napakasikip, napakainit, maraming tao, maliwanag, at hindi kita kilala. Dagdag pa rito, antok na antok na antok lang talaga ako, kaya super sorry."
Sinubukan ko na lamang iusog palayo sa kanya ang aking puwetan, magkaroon man lang ng kahit na katiting na kuwit sa aming pagitan. Ang mangilang adjustment ng seat ay nakapagbawas sa 'kin somehow ng mangilang antok din, na gumarantisa sa wakas ng mas mapayapang pag-uwi.
Hindi ko na idinilat pang muli ang aking mata sa sunod na pagpikit. May kaunting hilakbot ang pagtawag ng para ni ate girl at sinagot ko na lamang muli siya ng buntong-hininga. Pasensya na talaga.
Fuck you.