Bago pa ako makarating sa terminal ng jeep, samot-saring patibong ng mga pagkain ang papatid sa akin. Merong dos-tres, kalamares, ihaw-ihaw, proben, mangga, siomai, mani, fish crackers, Cobra, Sting, Mountain Dew, C2, buko juice, gulaman. Mainit kadalasan ang commute pauwi (kahit pa gabi) kaya iba rin ang anyaya ng inuming nasa malaking lalagyan na pinaliguan ng yelo. Lumunok na lamang ako ng laway. Mamaya na lang sa bahay, sabay, pero ano ba naman yung bente pesos para sa isang Mountain Dew, 'di ba? Magtitingin kung may nakapila o ibang tao, mukhang wala naman, sabay, ano ba naman yung kalahating oras na titiisin ko hanggang sa makarating sa bahay, 'di ba?
Magdadalawang-isip pa ako nang tatlong beses (bale anim?) bago bumigay sa Mountain Dew at siomai tsaka proben at kalamares. Syempre bumili rin ako ng fish crackers para kakainin ko mamaya sa bahay, ano 'ko, magugutom? Feeling satisfied sa aking decision making, pabalik na ako sa original ko na ruta papunta sa mga jeep. Dinig na sa may entrance pa lang (sa likod) ang mga barker-dispatcher na kanya-kanyang sigaw ng signboard ng kanilang mga sisingilan.
Hindi nagmamadali't nakasakay na rin ako sa wakas. Bago pa man umandar e papasok na rin ang maniningil. Pagdating sa akin, binanggit kong estudyante ako. And guess fucking what. Tinanong niya 'ko kung meron ba akong ID. I was like ??? Pero nakasuot naman ako ng uniform? Anong kabobohan ito?
Ngayong katandaan ko lang naman din medyo naunawaan na baka sumusunod lang naman talaga sila sa protocols ng terminal pero matindi pa noon yung teenage angst ko at feeling ko minsan talaga e sentro ako lagi ng mundo, iniisip ko madalas na ako lang lagi ang basehan ng bawat tao. Kaya kung hindi ko maintindihan ang isang bagay, dapat maintindihan nilang hindi ko naiintindihan kung bakit hindi obvious para sa dispatcher na estudyante ako kung nakasuot naman ako ng uniform.
Sinong malupit na commuter ba ang may time para magpalit pa ng damit pampaaralan para lang makakuha ng discount? Siguradong hindi ako 'yon. At siguradong ipagpipilitan pa rin ng tagasingil na ilabas ko yung ID ko kahit ipinamumukha ko na sa kanya yung mukha kong takang-taka kaya inilabas ko na lang din at ipinakita sa kanya (habang nakatitig sa kanya) ang pruwebang hinahanap niya.
Hindi rin naman siya makatitig (pabalik) sa akin. Ngayon ko lang din napagtantong baka matagal na rin siyang sanay sa mga ganito kamapagmataas na pasahero, sa mga unnecessary interaction na puwede naman talagang maiwasan kung sa usapin lang din naman ng common sense. Ibinalik ko na ang ID ko sa aking bag kahit hindi naman din tiningnan ng dispatcher. Pinakiramdaman niya na lang din siguro, at inasahang bad trip din ako sa panghihinging maya't maya niyang isinusugal ang kanyang dignidad. Wala e. Patakaran. Wala kaming magagawang dalawa sa sistemang hindi naman kami ang nagpapatupad.
Simula noon ay palagi ko nang isinusuot ang ID ko sa tuwing sasakay ng jeep pauwi hanggang sa makapagtapos ako ng high school.