Muling nagpamalikmata ang kahel. Ngayon ko lamang nakilalang muli. Ngayon ko lamang natagpuang ganito ang mundong paulit-ulit kong pagsasawaan. Sa paiba-ibang pagkakataon, hahapyaw ang luntian sa sarili nitong mga kaligiran. Sasangguni ang mangilang puting alikabok at usok. Aakbay ang dilaw. Maging ang mapaanyayang pula ay muli't muling nagpapapansin. Sa ganang hindi kumpleto ang tanaw, hindi pa rin ako nagbabago.
Hindi ako makaiiwas sa tugtog ng nakaraan. Tatambad ang papitik-pitik ng gunita sa aking mga luha. Mapapangiti ako sa lahat ng galos na muntik ko nang ayawan. Tatanungin ang sarili ukol sa mga sakaling ipinagpasakamay ko na lamang sa hindi ko arok. Madalas akong magalit noon sa mundo, dahil hindi ko pa siya natititigan. Ang tanging nakikita ko lamang dati, ang sarili kong mga kahinaan. Sinambit ko sa sarili kong hindi ako karaniwan, walang hiya ang mundo na ito. Paulit-ulit na ipaaalala sa sariling kailangan lamang lumipas ang isang araw nang makapikit na akong muli.
Malaya ako sa aking mga panaginip. Palagi akong napapariwara sa aking mga isipan. Maya't maya na lamang akong nagugulat sa sipa ng aking mga tunay na paligid. Napalalayo ako sa kung ano dapat ang mga makapangyayari sa akin. Sa paglimot ko sa halaga ng buhay ay ganti sa akala kong paglimot niya sa akin. Mapapansin ko na lamang muli na buhay nga ba akong tunay, o naghihintay na lamang akong matulog araw-araw.
Minabuti kong hindi pilitin ang mga bagay. Sinubukan ko lamang magmasid sa paligid. Minabuti kong maging lumot ng paligid. Babalik at babalik ako sa sulok ng aking kadiliman. Sakaling kailanganin ako, maipakikita kong marunong pa rin naman akong magmahal. Hindi ako nagpabaya, ngunit kinailangan kong hindi makita. Kinailangan kong manahimik nang makitang malinaw ang mundo. Kinailangan kong magtago nang marinig lahat ng instrumento. Hindi ko makikita ang nagkukumpas ngunit unti-unting may binabagsakan ang bawat hudyat.
Doon ko lamang ipininto ang panibagong kabanata. Nabasag nang kusa ang mga hindi karaniwaan noon. May sarili nang kulay kahit madilim. At sa bawat pakilalang muli ng kahel, ngingitian ko na lamang muli ang kahapon habang patuloy na maglalambing ang musika ng ibang mga kulay.