sa tinalupan. yakag na ang mga
'di na mabilang pang pagkurot
sa kung sakali. maaga na agad
ang bukas, sira pa rin at lagi
ang kahapon. mananatili kang
antok na lang kung tinitiis
ang pagbangon, ng pagbangon,
'pagkat 'di lang ikaw ang galit
sa mundo. bad trip na rin
ang mundo sa 'yo. sino lang ba
'tong ubod ng handang matakot
sa matagal niya nang kinikilala?
hindi matapus-tapos ngunit
parating napapagod.
ang pagtitiwala sa imbentong
alamat ang hudyat ng pagkasira
ng pag-iintindi sa iniisip ng iba.
meron naman talagang pakialam
ang lahat. tsismosong sumasanib,
nakikianib sa hiyawan, palakpakan,
walang pakundangan. higitan mo
mang may ubaya, may pagbangga
sa sentido, at pag-aabot ng tubig
na malamig, ang mainit
ay mananatili munang mainit
hanggang sa umikot nang muli
ang daigdig. matutong maghintay.
magkakasugat din ang langit.
pipirasuhan ka rin ng panggapi.
manganganak din ang tuwa.
huwag ka nang maiinip pa.
kasya ka na sa kanila.
iba ka sa lungkot ng ibinaon na
nilang mga alaala. ang nag-iisa
ay pagtatakpan, ang malungkot
ay pagbibintangang ganid,
ang tahimik ay ipaaanod sa ragasa
ng kalsada, ang walang kuwenta
ay makakatikim ng hustisya.
kaya't ano 'yang pinagsasasabi mo
na iba ka? hibang ka na!
magbilang ka na dahil kung
hindi ka pa subukang halatain
ng mga pilit mong iwas
na pambubura, alam mong
hindi ka na aabot pa
sa hunos-dili na.