August 3, 2011

+3 Perfect Dodge

At dahil nakatambay lang ako sa AS Lobby kanina, nagsulat na lang ako sa likod ng notebook ko. Kung noong maliit ako e puro drawing ng flashbang at HE grenade ang likod ng mga notebook e ngayon puro salita, titik at kabalastugan ng walang hiya kong utak ang naka-vandalize:

Baka kasi kailangan ng kung ano sa likod (ng notebook). Ano ba dapat yung mga nilalagay sa likod (ng notebook)? Madalas, kapag wala ka lang magawa talaga, binababoy mo yung likod ng notebook mo. Nababaliw ka sa pagkapresko, pagkalinis, pagkaputi ng dulong pahina ng iyong kuwaderno. Hindi mo talaga mapipigilan yung kamay mong may ballpen, lalo na't malinaw na malinaw pa ang tinta nito. Sige ka lang sa pagdumi, paglabas ng iyong saloobin, ng iyong mga naiisip, o sadyang malakas lang magpaantok yung gurong nakikipag-usap pa rin sa pisara. Naalala ko, may narinig akong nagsabing nakahahawa raw yung antok. Wala lang, share niya lang, at share ko lang din. Ano bang puwede kong isulat? Kahit ano naman siguro puwede kong isulat. Lahat ng gusto kong isulat, isusulat ko. Minsan mas madaling magprotesta kaysa umunawa, umintindi. May pipigil ba sa akin? Marami kaya ang pipigil sa akin?

A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S
T U V W X Y Z

a b c d e f g h i j k l m n o p q r s
t u v w x y z


Nasa likod nga pala ng notebook ko lahat ng hindi naka-italicize. Wala lang. Ang cute pag naka-italicize lolAt dahil nabanggit ako sa isa sa mga blog entries ni Denielle..

Natutuwa ako. Sobrang natutuwa ako. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na saya. Perfect na naman kasi ang combo na nagagawa ko habang walang pakialam at walang muwang na patuloy na tinatanguan ang mga kaibigan ko kuno na walang kaide-ideya sa mundong aking nililiparan ngayon. Panay ngiti at pag-uusap ang nakikita ko sa kanila habang binibingi na ako ng aking earphones. Malapit nang matapos ang round, malapit nang matapos ang kanta. Handa na namang i-record ng memory stick ang malupit kong high score. Halos ibenta ko na ang mahihiwaga kong daliri at mata. Ramdam ko na ang finish line. Ito na, ito na talaga.

Tapos nag-hang sandali yung PSP - wala nang baterya. Peste. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na galit. Napansin kong isa-isa nang tumayo ang aking mga kasama at tinatapik na nila ang balikat ko. May mga klase na sila, samantalang ako e isa't kalahating oras pa ang hihintayin. Matapos tumango ulit ng ilan pang beses, itinabi ko na ang pesteng PSP at kinuha na ang aking cellphone. Hindi ko alam kung bakit naghihintay ako ng text message kahit na alam ko sa sarili kong wala naman akong kaaya-ayang matatanggap para sa araw na ito. Isinaksak ko na ang earphones sa cellphone at hinanap na ang Music Player. Pinindot ko na ang play, tapos next, tapos next. Nag-play ang intro ng kanta mula sa mga pinakaastig kong banda. Habang tumatagal ang kanta, sinasabayan ko ito, yung lyrics, yung gitara, yung rhythm. Kunwaring may gitara sa ere, habang ipinapadyak ang kanang paa, sabay headbang konti ng ulo at sigaw pabulong ng lyrics.

Napaluha ako. Napaluha ako hindi dahil walang nagte-text sa akin. Napaluha ako hindi dahil iniwan ako ng mga kasama ko, ni hindi man lamang ako nilibre ng Chicken Steak, habang silang lahat ay kumakain at ako naman ay binabantayan ang aking bag na laman ang pitong pesteng pelikulang aming pinagpuyatan. Napaluha ako hindi dahil hindi sila tumatanaw ng utang na loob. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi ko talagang mga tunay silang kaibigan. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi kong mga kaibigan ko sila. Napaluha ako kasi may naalala ako noong 3rd year high school, mga biglang pagsanggi ng mga ala-ala dala ng pinapakinggang kanta. Pasimpleng pinaalala ng pesteng kanta ng malupit kong banda ang kantang paulit-ulit kong pinakinggan dahil may nanakit sa puso ko. Ang korny man ng 'puso ko' e hindi pa rin ako natutuwa sa kantang 'to. Hindi sinadyang mapaluha, nabigla na lamang nang may naramdamang basa malapit sa mata, sa pisngi. Hindi sinadyang maramdaman ang lungkot, maalala ang lecheng nakaraan. Sa susunod, magdadala na ako ng charger ng PSP.