Ang aking mga gintong
Luha sa pira-pirasong
Lantad na mga patayog na
Minsan lamang magkatipon
Ay nakapanlulumo pang
Hintayin at pagkapanoorin,
Mangyaring may sasabat na
Kometang nagpalalim lalo
Sa gabing wala namang
Dapat pang pinaghihintayan.
Aalegruhin ng paligid na
Itigil na muna ang siyang
Pagtuldok sa katahimikang
Nais nang supilin papalubog
Pa lamang din ang mga ibon
Sa himpapawid. Mabuti pa't
Pauwi na sila't ako'y sarat na
Maginoong nagpapapasok pa
Rito sa aking maruming sala
Rito sa aking maruming sala
Nang maengganyo ang mga
Panauhing paglalatagan pa ng
Aking pira-pirasong gintong luha.
May pag-akmang yakap na
Malawak pa sa dalampasigang
Hindi man lamang nag-anyaya
Sa akin kailanman ngunit madalas
Tambayan ng mga galang ibong
Paalala sa akin. Paalala ko rin sa
Paligid ko, na ako ang hihigop
At manlalasa kung bigyan man
Ako ng pagkakataong gastang
Patulan ang mga panauhing
Dapat nang mapahiran ng
Aking mga gintong luha
Sa loob ng pira-pirasong
Pagkaubod ng duming sala.