August 4, 2024

IV

Bago ka pa umabot sa high level na pag-abot ng pamasahe sa driver e kinakailangan mo munang malampasan ang pagkakakandong. Halos lahat ng batang pinalaki sa commute sa Pilipinas, dinaanan ang kandong level. Minsan, makakatsamba kang madaanan din ng mga pamasahe at sukli, pero iba pa rin talaga kung pinayagan ka na ng magulang mo na maupo sa sarili mong kalalagyan.

Kapara nung bagong tungtong ka sa baitang noong elementary kung kailan maaari ka nang gumamit ng ball pen. Parang nung pinayagan kang bumili at umubos ng isang buong tsitsirya plus soft drink na sa 'yo lang. At katulad ng unang beses na pinagamit sa 'yo ang remote ng telebisyon sa bahay, may kung anong pakiramdam ng kaganapan kung payagan ka nang tumabi sa kapuwa mo pasahero.

Kapuwa mo na siya. Kung baga, may bawas na sa agwat ang inyong mga antas. Mas mapapadali na ang inaabangan mo parating pagdungaw sa bintana (huwag lang malipad-hampas ng hindi nakataling buhok!), pupuwede ka na ring makiusyoso sa tsismis ng matatanda habang hindi pa umaandar ang jeep. May sarili ka nang mundo na maaaring panghimasukan ng iba.

Mayroon kasing invisible barrier ang mga nakakandong na nagpapahintulot sa kanilang 'wag silang matatablan ng kahit na anong unspoken rule sa loob. Hindi mo kailangang magbayad ng pamasahe, at hindi rin magtatampo sa 'yo ang katabi mo kung sakaling hindi mo siya pakisuyuan. Sa katunayan, matutuwa pa nga ang matatanda kapag ikaw mismo ang mag-aabot ng kanilang pera. Mas mahalaga ka sa kahit na anong bagahe ng kahit na sinong pasahero, at kung sakaling biglang mamreno ang driver at titilapon paharap ang mga nakasakay (kasabay ng isa o dalawang pagtili ng ilang ale), ikaw ang isa sa mga unang pagbubuntungan ng atensyon ng mga tao kung okay ka lang ba.

Lahat ng pribilehiyong ito ay unti-unting nababawasan sa laki ng espasyong kinakain mo sa 'yong pagtanda. Yun nga lang din, unti-unti rin itong babalik sa unti-unting pagsulpot ng iyong puting mga buhok at pagtamlay ng iyong mga buto. Tatanda kang pasulong at paurong bilang pasahero ng jeep. Babalik din tayong lahat sa pagiging pinakamahalagang pasahero sa pagkahabang upuan. Hindi lahat ng dinanas natin dati'y mananatili lamang na mga alaala. Matapos magtagal, kakandungin din tayong muli ng ating kapuwa pasahero, na katulad natin, ay gugustuhin na lang ding maging bata muli.