March 29, 2014

OP

Sabik na akong makita ka kanina. Hinihintay ko nang dumating yung PM mo sa akin sa Facebook. Pero bago yun, naligo na muna ako nang mga alas dos kasi sabi mo 2-3 PM ako maghintay, or ikaw, darating. Hindi ko rin naman maitatangging hindi ako nag-expect na darating ka nang lampas sa 3. Pero okay lang din yun. Marami rin naman akong ginagawa para madistract. Medyo mas mahirap palang madistract kapag walang yosing katabi. Pero at least, mayroon akong pandistract against yosi.

Nakita kong malapit nang mag-alas kuwatro. Alam ko ring hindi ka nananadya. Alam ko ring gusto mo rin naman akong makita as soon as possible. Ganun naman siguro kasi kapag gusto mo talagang nakikita, 'di ba? Gagawa at gagawa ka ng paraan, para lamang magkita kayo. Minsan, kapag tinamaan ka ng katamaran, medyo nakapanggiguilty kasi rin, umamin ka rin namang mahal mo siya. Wala dapat sign ng hiya. Wala dapat sign ng tamad. Wala dapat sign ng 'di katapatan. 

Mahirap din naman kasing mandisappoint. Pero 'di naman ako disappointed kanina. OMG, hindi ako ganoon kababaw, although minsan, oo. Sa ngayon, sa kanina, hindi. 'Di ako tanga. Mahilig nga akong mangonsidera e. Konsintidor kung madalas. Iniisip ko talaga kung bakit nagkakamali ang tao. Baka naman mayroon talagang wastong dahilan. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, sinasadya ang pagkakamali. Minsan, mag-isip din tayo kung bakit siya nakatulog, hindi nakasagot, matagal makarating, et cetera. Baka naman kasi, kung mahal ka talaga niya, hindi siya nananadya. Kung ganun ka mag-isip, iisipin mo ring itanong muna sa kanya (o makinig) kung ano ang dahilan bago mo pa unahan ng assumptions mo. Assumptions lang naman yung mga yun e. Unless may solid proof ka, 'di ba? Lumaki ka namang matalino. Makipag-usap ka nang nag-iisip.

Iniisip niya rin naman sana bago niya gawin iyon sa akin. Huwag na huwag mong gagawin sa akin kung ayaw mo rin gawin ko sa iyo.

Kaya inisip kong matagal na lang sigurong napuno yung jeep mo. Makalipas ang ilan pang mga minuto, nag-PM na sa akin yung kapatid mo. Nasa bahay niyo na raw kayo. Edi medyo masaya na rin. Tinanong ko kaagad kung bahay sa Cavite. Sabi niya, oo. Edi dagdag saya ulit. Muling nanumbalik yung sabik na matalik ni walang imik na pumitik ang hitik ng kilig. Para bang bumalik yung presko ng pagkabagong ligo ko kanina.

Bumaba na ako mula sa aming kuwarto matapos makapagpaalam sa aking nanay. Naglakad na ako patungo sa street ng bahay ninyo. Pagkaliko ko, mayroon akong nakitang kotseng bagung-bago sa paningin ko. Katatapos lang pumarada sa isang bahay sa kanang hanay. Medyo mataas ang araw. May dagdag na mulitplier ang pagkasummer sa Pilipinas kaya naman naglelevel down yung sabik ko. Bigla na lamang bumukas ang pinto ng bahay ng tapat na pinagparadahan ng kotse. May lumabas na isang babae sa bahay, nasa singkwentang katandaan at nakangiti. Sa tingin ko'y kilala niya naman yung mga tao, o yung kotse, at least. Bumukas na rin ang pinto ng driver ng kotse. May lumabas na isang lalaki, nasa sisentang katandaan, pero mukhang malakas pa. Nagtungo ang lalaki sa kabilang bahagi ng kotse't binuksan ang pintuan ng passenger's seat. Yumuko siya, pumasok sa loob, at paglabas niya'y napatigil na lamang akong parang nakarinig ng himig ng Lupang Hinirang. Buhat-buhat niya (yung lover's carry) ang isang babae, sing-edad niya ri't nakangiti, medyo nahiyang nagmasid ng paligid at bumalik ang tingin sa lalaki. Nagtinginan pa sila bago isinara ng babaeng galing sa bahay ang pinto ng kotse. Hinalikan ng babae ang lalaki sa pisngi. Nakangiti pa rin sila. Binuhat na siya ng kanyang asawa papasok ng bahay. Huling pumasok ang babaeng galing sa bahay at tuluyan nang isinara ang pinto.

Napakasaya ng aking pakiramdam habang pinanonood ko sila. Yung si Manong Lolo, buhat niya yung asawa niya, ta's parang inlab na inlab pa rin sila sa isa't isa. Para bang ang ganda-ganda pa rin ni Manang Lola't ang kisig-kisig pa rin ng kanyang asawa. Nakakatuwa. Ang cute. Ngumiti't nakangiti talaga ako hanggang sa makapasok sila sa loob ng bahay.

Bago ako makarating sa bahay niyo, iniisip ko habang naglalakad na ganun din tayo pagtanda natin. Walang hiyaan. Walang tamaran. Walang dayaan. True love kung true love. Nagkakaramdaman. Mararamdaman kung anong nararamdaman ng isa. Nakikiramdam kung ano bang mayroon. Mararamdaman kung anong mararamdaman ng isa kung gawin ng isa ang isang bagay.

Bagay naman tayo e. <3

Kolum Kanser

Akala ko naman kung ano na. Akala ko kung ano na naman. Ang dami-dami na naman nila. Dumarami na naman sila. Minsan nga iniisip ko, tinatawag nila ang pangalan ko kapag gabi, kapag tulog ako, o kaya kapag ganito na naman akong nakikipagtitigan sa pinakamamahal kong laptop. Minsan din iniisip ko, nakatitig lang din sila sa akin. Masama ang tingin. Masamang-masama ang tingin sa akin, sa aking mga mata. Hindi ko naman masasabing hindi ko alam kung bakit.

Pinagpatung-patong ko na sila. Hindi sila paper works. Pero paper works sila, ng iba. Pero dapat, paper works ko rin sila. Nararapat lamang na paper works ko rin sila. Binili ko sila e. Bilhin ko ba naman sila. Ay, yung iba nga pala sa kanila, pinabili ko lang sa nanay ko. Iyon pa ang isa pang ayaw kong titigan. Yung presyo ng ibang hindi pa ako ang bumili. Mas malaki ang hinayang kapag iba yung gumastos. Hindi yata? Parang hindi, sa ibang pagkakataon. Siguro sa ngayon, medyo lang.

Patung-patong na mga mata. Medyo kinakabahan na rin ako minsan. Hindi naman sa buhay sila. Alam kong buhay sila, pero hindi naman sila nananakit. Hindi naman sila nananakit pero nasasaktan pa rin ako. Unang-una, dahil doon sa kapanghinayangan. Ikalawa, hindi ko rin naman sila magamit. Ewan ko ba. Moody ba ako? Minsan, nasa mood akong gamitin sila, kahit isang upuan pa sa kubeta, dalawang upuan sa sofa at tatlong higaan sa kama. Minsan, kalahating upuan lang sa kubeta. Minsan pa nga, kalahati ng kalahati. Hindi ko rin naman talaga alam kung gusto ko talaga sila. Ang alam ko talaga, gusto ko talaga sila. Hindi ko ginugustong gustuhin ko sila. Gusto ko talaga sila. Hindi ko pinipilit ang sarili ko sa kanila.

At iyon din naman ang ikinaganda nila. Hindi rin naman nila ako pinipilit. Kahit na tinititigan pa rin nila ako. Tabi-tabi sila. Minsan, patung-patong. Inaalikabok, nangangamoy, kumukupas. Pero huwag naman sana silang kupasin hanggang sa kalagayang maagnas sila sa isang ihipan ko na lamang. Gusto ko naman talaga silang gamitin. Tulad nga ng sinabi ko, hindi nila ako pinipilit. At ayaw kong nagpapapilit. Magandang bagay rin yung ginawa mo yung isang bagay kasi gusto mo na talaga. Perfect timing. Walang ibang aatupagin. Walang ibang problema. Hindi ko rin naman sinasabing problema sila. Pero nagmumukha kasi, nagsisimula ko nang mapansin silang muli. E mabuti nga't napansin ko sila 'di ba? Papansinin ko pa ba sila kung hindi naman sila problema? Maaari. Pero minsan, may mga bagay ring magagandang pinapansin din. Pero ang hindi maiiwasan sa tao, parating mayroong mali sa isang bagay. Tapos sasabihin nila, kanya-kanyang perspective. Edi wala na lang mali tsaka tama. Mga tarantado pala kayo. Huwag kami yung tinatarantado niyo. Matatalino kami. Mabuti na lang at mayroong science. Iisa lang yata yung tama roon.

Maaari ko silang maging paper work. Kapag ginusto ko na. Pero saka na. Tsaka saka na. Saka na muna. Palibutan na lang muna nila ako. Siguro kapag may kumausap na isa sa akin, baka basahin ko na agad siya. Pero mukhang malabo rin iyon, sinlabo ng mga pahina niya, nila.