Ang guwardya ay paulit-ulit na nagbabagu-bago ng isip. Minsan ay kilala niya ako, minsan, hindi ko rin siya kilala. Ipinagbabadya sa aking isipan na dapat akong makapasok at makaakyat sa ikalawang palapag, kung saan naroon ang mga lumang aklat, sa loob ng lumang silid-aklatan. Hindi ko rin kilala ang naiwang tagapagbantay. Unti-unting lumalabo, napupundi ang luntiang liwanag ng mga bumbilya. Maya-maya'y may naghahanap sa akin na maestro at tinatanong kung nakaligo na ba ako.
Padabog siyang umaakyat sa hagdan at ako nama'y madaling naghanap ng masisidlan. Pumasok ako sa loob ng aparador maski pang alam kong alam niyang iyon na lamang ang tanging taguan. Nawala ang dagundong ng kanyang bawat pag-akyat, tumigil na rin ang pamamawis ng aking noo at mga pisngi. Napasandal ako sa mga damit na nakasampay, sabit sa loob. Napapikit, naisip kung paanong makalalabas sa pinilit kong pasukin.
Mayroong nabasag na salamin sa may kalayuan. Pagbukas ko ng pinto'y maghahapon na at sa may 'di kalayuang gusali'y sunud-sunod na ang paglabas ng mga mag-aaral. Mukhang mahuhuli na naman ako.