sa mundong hindi nag-eexist ang pagsuyo sa mga tinotoyo, kinikilala ang katotohanang walang perpektong pag-ibig, na lahat ng tao ay may kapasidad na magkamali.
tinatanggap sa mundong ito na hindi ibig sabihin na mahal ka ng jowa mo e kaya niya nang basahin ang isip mo. hindi lahat ng obvious para sa 'yo ay obvious para sa kanya. lahat ay may iba't ibang paraan ng pag-iisip, magkasundo man kayo sa iilang mga bagay.
paulit-ulit na kikilalaning walang tao ang kayang magbasa ng iyong isip, iniisip. merong common sense, yes, pero maraming pagkakataong ito ay nababali dahil lamang sa magkakaiba ang ating mga pinanggagalingan.
sa mundong ito, sinasabi agad kung ano ang problema, gaano man ito kapetty o kalala. mayroong galit dahil mayroong hindi maintindihan. maraming naidaraan sa sibilisadong pag-uusap. nag-uusap para magkaintindihan, hindi para malaman kung sino ang panalo o talo.
nag-iisip ang mga tao. kinokonsidera nilang iba ang kanilang jowa sa kanila dahil sa lente/landas lamang na ito magmumula ang unang hakbang para sa hindi na matatapos pang pag-unawa sa isa't isa.
9 june 2022