Ginising mo lang ako para magpaalam. Ginising mo lamang ako nang magpapaalam ka na. Saka ko na muna paiiralin kung maiinis ba ako sa iyo. Masarap matulog. Hindi ko matantiya kung gusto kong ngumiti, ngumiti sa iyo, 'pagkat 'di pa ako nasisipa ng muwang. Ako ma'y dambanang patapik ng ganda'y ilang libong isip ang makasasagot sa lahat ng mga hindi na naiabot pang yakap.
Pero salamat pa rin. Salamat pa rin sa pag-alala. Maraming salamat sa paggising sa akin mula sa mga pekeng responsibilidad at alinlangang ilusyonado. Ang pag-alala'y may angking pagkasapat tungo sa pagbalanse ng mga diyamanteng nagpapaulol sa mga alon. Lumalamig na ang mga buhangin. Tinatawanan pa rin ako ng buwan at mga tala. Yung bolang ipinakilala kong ikaw, unti-unti na palang nasisira. Kinakaya ko nang tumingin sa iyong mga mata. Kung kailan nagsabay-sabay ang mga tanggap at mga pusang kumakahol, saka lang din ako ginulo ng kay sarap na tangis.
Sige na, sige. Mauna ka na. Hindi ko na rin isasakanan pa kung may sakali ka pang lumingon. Masaya na ako sa daplisang hawi ng dinig at hibla. Sige na.
Sige na.