Amoy French toast na malapit nang masunog. Hahapit na naman sa akin ang paglanghap sa kakaibang turing. Paglaanan mo naman ako ng ibang sakyang may ibig sabihin. Karma ang pag-usog ng mapanlinlang na pagmamaliit. Nag-iisa na lamang muli ang malungkutin, at isa-isa na naman siyang pinagkakaisahan. Sa gilid ng matapobreng imbakan ng salimuot at alingasaw, wala pa ring natututong makinig.
Saka na lamang ang iba, punyagi ang pagpapakamatay sa kulimlim at ginaw. Maglalakad akong mag-isa, sa aspaltong kaluluha lamang muli ng langit. May pagkindat ng kislap sa may kalayuan. Sumisimoy ang mga nagyayakapang molave at akasya. Saka na lamang kita aalalahanin. Malamig pa rin sa gilid ng aking mga pisngi ang pag-alalang nag-iisa na naman ako. Mahimbing ang mga sumunod pang pagkilala sa pulu-pulong hamog at alitaptap.
Hindi ko mapipigilan ang aking ngiti.
Sa akin ka lamang, pakiusap. Dito ka lamang sa aking tabi, at sa gabi'y ikaw pa rin ang iisipin bago ang magpakatiwasay sa panaginip. Aanhin ko ang itinimpla kong kape? Ay, kung nariyan ka lamang pala. Mapagpala ang umaga, sa halip na pagmamadaling ikikibit sa aking mga unan. Hihimasin kong may libog at lamig. Dudulas ang aking pagsinop sa kabi-kabilang pag-aalala. Naguguluhan na ako sa aking mga uunahin.
Huwag kang magtitigil. Ikaw lamang ang aking sinag sa umaga, siyang tatagos sa bintanang inaalikabok na ng katahimikan. Ang kahoy na matagal na ring hindi pinasisilay ay kikintab sa pagbati ng liwanag. Hihigop na ako sa kapeng iyong tinimpla para sa akin. Ako na lamang muli ang iyong iniwan.